2011
Isang Malaking Responsibilidad
Disyembre 2011


Mensahe sa Visiting Teaching

Isang Malaking Responsibilidad

Pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang kababaihan sa inyong lugar at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.

Pananampalataya • Pamilya • Kapanatagan

Kailangan ng Panginoon, ng Kanyang Simbahan, ng mga pamilya, at ng komunidad ang impluwensya ng mabubuting babae. Sa katunayan, itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na “bawat kapatid na babae sa Simbahang ito na gumawa ng mga tipan sa Panginoon ay binigyan ng banal na tagubilin na tumulong sa pagliligtas ng mga kaluluwa, na akayin ang kababaihan ng daigdig, patatagin ang mga tahanan sa Sion, at itayo ang kaharian ng Diyos.”1

Maaaring mag-isip ang ilang kababaihan kung kaya nilang isakatuparan ang gayon kataas na mga mithiin. Ngunit tulad ng paliwanag ni Eliza R. Snow (1804–87), ikalawang Relief Society general president, “Walang babaeng lubhang nakabukod, at napakakitid ng saklaw dahil napakalaki ng magagawa niya sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos sa lupa.”2 Itinuro din ni Sister Snow na inorganisa ang Relief Society “para isakatuparan ang lahat ng mabuti at marangal na gawain.”3

Ang pakikibahagi sa Relief Society ay nagpapalawak ng ating impluwensya sa pamamagitan ng pagbibigay sa bawat babae ng mga oportunidad na magpalakas ng pananampalataya, magpatatag ng mga pamilya at tahanan, at maglingkod kapwa sa tahanan at sa iba’t ibang panig ng mundo. At mabuti na lang, hindi kailangang maging malaki o nakakapagod ang ating mga pagsisikap bilang mga indibiduwal at bilang Relief Society, ngunit dapat maging kusa at palagian ang mga ito. Ang mabubuting gawi tulad ng araw-araw na personal na panalangin at panalangin ng pamilya, pag-aaral ng banal na kasulatan araw-araw, at pagganap sa mga tungkulin sa Simbahan sa tuwina ay magpapaibayo ng pananampalataya at magtatatag ng kaharian ng Panginoon.

Sa kababaihang nag-iisip kung gumagawa ng kaibhan ang tila tahimik na mga kontribusyong ito, pinagtibay ni Elder Ballard: “Bawat babaeng naninindigan sa katotohanan at kabutihan ay nagpapabawas sa impluwensya ng kasamaan. Bawat babaeng nagpapalakas at nagpoprotekta sa kanyang pamilya ay ginagawa ang gawain ng Diyos. Bawat babaeng nabubuhay bilang isang anak ng Diyos ay nagiging tanglaw na susundan ng iba at nagtatanim ng mga binhi ng mabuting impluwensyang aanihin sa mga panahong darating.”4

Mula sa mga Banal na Kasulatan

I Mga Taga Corinto 12:4–18; I Kay Timoteo 6:18–19; Mosias 4:27; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13

Mula sa Ating Kasaysayan

Pinaglibot ni Pangulong Brigham Young (1801–77) sa buong Simbahan si Eliza R. Snow, na nakapaglingkod na bilang secretary nang iorganisa ang Relief Society sa Nauvoo, para tulungan ang mga bishop na mag-organisa ng Relief Society sa kanilang ward.

Itinuro ni Sister Snow: “Kung mayroon mang mga anak na babae o mga ina sa Israel na nakadarama kahit paano na [limitado] ang nagagawa nila, ngayon ay magkakaroon sila ng sapat na pagkakataon na maipakita ang lakas at kakayahan nila sa paggawa ng kabutihan na saganang ipinagkaloob sa kanila. … Binigyang-awtoridad na ni Pangulong Young ang pagsasagawa sa malawak at malaking responsibilidad at kapakinabangan.”5

Mga Tala

  1. M. Russell Ballard, “Kababaihan ng Kabutihan,” Liahona, Dis. 2002, 39.

  2. Eliza R. Snow, “An Address,” Woman’s Exponent, Set. 15, 1873, 62.

  3. Eliza R. Snow, “Female Relief Society,” Deseret News, Abr. 22, 1868, 81.

  4. M. Russell Ballard, Liahona, Dis. 2002, 39.

  5. Eliza R. Snow, Deseret News, Abr. 22, 1868, 81.

Paglalarawan ni Jerry Garns