2011
Ang Liwanag ng Anak
Disyembre 2011


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Ang Liwanag ng Anak

Ang liwanag ay tumutulong na makita natin ang katotohanan—at makita ito nang mas malinaw.

Matapos magtrabaho nang ilang taon sa mga department store na nagbebenta ng mga panlalakeng damit, medyo naging mahusay ako sa pagteterno ng mga polo at kurbata sa mga amerikanang ibinebenta ko. Nakatutuwa na makapili ng perpektong kumbinasyon, at karaniwan ay nasisiyahan ang mga mamimili sa mga pinili kong ipakita sa kanila.

Gayunman, sa isang partikular na tindahan, ang mga amerikana ay nasa lugar na naiilawan ng ilaw na fluorescent samantalang ang mga polo at kurbata ay nakadispley sa ibang lugar na naiilawan ng mga bombilyang incandescent. Ang kaibhang ito sa liwanag ay naging isang hamon.

Madalas mangyari na kapag nakapili na ang isang mamimili ng isa o dalawang amerikana, pumipili ako ng mga polo at kurbata na inaakala kong magandang iterno rito. Ngunit nang ilipat ng puwesto ang mga polo at kurbata at ilagay sa tabi ng mga amerikana, nakakagulat ang resulta—“nagbago” ang mga kulay sa bagong ilaw at hindi na sila magkatugma.

Mas magandang dalhin ang amerikana sa pinagdispleyan ng mga polo at kurbata. Pero kahit ganito ang gawin, kadalasan ay nalilito ang mga mamimili, at napapansin na ang mga amerikanang hawak namin ay hindi katulad ng mga napili na nila. Ang isang amerikana na mukhang olive green sa liwanag ng fluorescent ay mukhang gray, brownish-gray, o brown na ngayon sa liwanag ng mga bombilyang incandescent. Gayon din ang naging pagbabago sa mga amerikanang kulay itim, matingkad na gray, at napakatingkad na asul.

Mas madalas kaysa hindi, kinailangan kong lutasin ang problema sa pagdadala sa mga mamimili sa pintuan sa malapit para makita ang kanilang mga pinili sa liwanag ng araw. Kapag tiningnan namin ito sa liwanag ng araw, agad naming nakikita ang tunay na mga kulay at angkop na ang napipili namin.

Sa totoong mundo sa labas ng department store, nahaharap tayo sa mga pagpili araw-araw. Kung minsan ang mga pagpiling iyon ay naiimpluwensyahan ng pananaw ng tao. Ang iba ay nalalambungan ng mga tukso sa mundong ito. Ang mga opsiyon sa ating harapan ay maaaring hindi laging tama, o maaaring nalilito tayo kung ano ang totoo o hindi. Maaaring iniisip natin kung paano mahihiwatigan ang totoo.

Nalaman ko na ang solusyon ay tingnan ang mga opsiyong iyon sa liwanag, o halimbawa, ng Anak, sapagkat ipinangako Niya, “Ako rin ang magiging tanglaw ninyo sa ilang; at ihahanda ko ang landas na inyong tatahakin, kung mangyayaring inyong susundin ang mga kautusan ko; … at malalaman ninyo na sa pamamagitan ko kayo ay naakay” (1 Nephi 17:13; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang pagsisikap na piliin ang tunay na liwanag ay makakatulong sa atin na gumawa ng mga tamang pagpili para sa ating pamilya at sa ating sarili. At sa pag-asa sa Diyos sa patnubay ng Espiritu Santo, hindi tayo malilinlang kundi malalaman natin ang mabuti sa masama (tingnan sa Moroni 7:16).

Kapag nagpasiya tayong sundin Siya, nangako pa ang ating mapagmahal na Tagapagligtas na ibabahagi Niya ang Kanyang Liwanag sa atin: “Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” (D at T 50:24).

Paglalarawan ni David Stoker