Sa mga Balita
Inilaan ang Jerusalem Movie Set
Ang Jerusalem Movie Set na itinayo ng Simbahan para sa paggawa ng mga pelikulang nakatuon sa ebanghelyo ay inilaan at ginagamit na ngayon sa paggawa ng pelikula. Una itong gagamitin sa paglikha ng New Testament Scripture Library Project—isang serye ng mga video na naglalarawan ng mahahalagang tagpo sa buhay ni Jesucristo at ng mga Apostol.
Ang set ay matatagpuan sa LDS Motion Picture Studio South Campus sa Goshen, Utah, USA, na di-hihigit sa 60 milya (97 km) sa timog ng headquarters ng Simbahan sa Salt Lake City. Hindi ito replika ng Jerusalem, kundi muling paglikha ng mahahalagang lugar sa lungsod.
Ang maliit na bayan ng Goshen ang napili dahil sa pagkakahawig ng mga karatig na lugar nito sa heograpiya ng Jerusalem—maburol, malawak ang kapatagan, maraming cedar tree, may mga bunton ng buhangin, at sapa. Ang kalapit na Utah Lake ang gagamitin upang magsilbing Dagat ng Galilea.
Sa ilang pagkakataon, mga computerized visual effect ang maglalarawan sa mga detalyeng hindi makakayang gawin ng set.
Binago ang mga Patakaran Ukol sa mga Senior Missionary
Inaprubahan kamakailan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga pagbabago sa mga patakaran hinggil sa haba ng serbisyo at tirahan ng mga senior missionary upang mahikayat ang mas marami pang mag-asawa na maglingkod sa mga full-time mission at maragdagan ang kanilang karanasan.
Simula Setyembre 1, 2011, ang mga mag-asawa ay maaari na ngayong maglingkod sa loob ng 6, 12, 18, o 23 buwan. Bukod pa rito, hanggang $1,400 (US) bawat buwan ang itinakda para sa halaga ng upa sa bahay. Ang mag-asawa pa rin ang magbabayad ng pagkain at iba pang personal na mga gastusin.
Ayon sa patakaran noon, ang mga mag-asawang naglilingkod sa labas ng kanilang bansa ay maglilingkod nang hindi bababa sa 18 buwan. Ang mga nagnanais maglingkod sa labas ng sariling bansa nang walang 18 buwan ay maaari nang gawin ito ngayon kung sila ang magbabayad ng sarili nilang pamasahe papunta at pauwi mula sa misyon.
Maaaring ipadala ang mga tanong tungkol sa mga senior mission sa seniormissionaryservices@ldschurch.org.
Dinagdagan ng Simbahan ang Bilang ng mga Wikang Magagamit Online
Dinagdagan ng LDS.org ang mga wikang gamit nito. Kamakailan lamang 48 bagong wika sa mga home o index page ang idinagdag sa opisyal na website ng Simbahan. Sa pag-klik sa alinmang wika sa ilalim ng link na “Languages” sa kanang itaas ng alimang page ng LDS.org, makikita ng mga bumibisita ang mga link sa materyal ng Simbahan na kasalukuyang makikita online sa wikang iyon.
Ang iba’t ibang bahagi ng LDS.org ay makukuha na rin kalaunan sa 10 hanggang 15 wika. Kapag nangyari iyan, ang language page para sa mga wikang iyon ay hindi na gagamitin pa. (Halimbawa, walang language page para sa Ingles, French, German, Italian, Portuges, o Espanyol, dahil malaking bahagi ng LDS.org ang nakasalin na sa kanilang wika.)
Kumikilos na rin ngayon ang mga empleyado ng Simbahan upang ang mga magasin at iba pang naisalin na materyal mula sa LDS.org ay magamit na sa mobile devices.