2011
Ang Daan Patungo sa Templo
Disyembre 2011


Ang Daan Patungo sa Templo

Bagaman magkakaibang landas ang tinatahak ng mga miyembro, nababatid ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Ukraine na lahat ng landas ng kabutihan ay patungo sa templo.

Sa pagbibiyahe sa madaling araw sa Kiltseva Road sa Kyiv, Ukraine, medyo tahimik ang daan para sa mga naglalakbay patungong Kyiv Ukraine Temple. Iilang ilaw lamang ng kotse ang makikita sa hamog ng umaga habang iniiwasan ng mga sasakyan ang maputikan sa nagkalat na maliliit na lubak.

Ang ningning ng templo sa banda roon ay nagsisilbing tanglaw, naglalaan ng gabay na ilaw na nagpapakita sa mga naglalakbay papunta sa templo kung saan sila kailangang pumunta.

Samantalang ang ilan ay mapalad na masundan ang tahimik na daang ito patungo sa templo simula nang ilaan ito noong Agosto 2010, mapapatunayan ng iba na ang kanilang landas patungo sa templo ay hindi gayon katahimik.

Habang nag-uumaga at sumisilay ang araw sa langit, parami nang parami ang mga kotse at bus sa Kiltseva Road. Ngayong marami nang sasakyan, ang dating tahimik na daan ay naging maingay na paradahan.

Batid na sadyang matatrapik sila sa paglalakbay, maraming nagpupunta sa templo na nananatili sa daan, at matiyagang umaabante nang ilang talampakan maya’t maya bago muling tumigil. Ang templo ay nananatiling patutunguhan, ngunit mabagal ang andar.

Pumipili ng ibang daan ang iba. Sa likod ng templo ay may mabatong daan at pasikut-sikot na mga kalye. Hindi malinaw ang daraanan, at madaling maliligaw ang mga drayber. Gayunman, kung titingala ang drayber, makikita niya ang ituktok ng templo, na muli ay nagsisilbing gabay, inaanyayahan ang lahat na magpunta sa templo.

Ang mga espirituwal na daan na tinatahak ng mga miyembro sa Ukraine para makarating sa bahay ng Panginoon ay katulad ng mga kalsada sa paligid ng templo.

Samantalang ang ilang kabataang miyembro sa Simbahan ay mapalad na lumaki sa Simbahan at ngayon ay makadadalo na sa Kyiv Ukraine Temple upang gawin ang ordenansa para sa kanilang sarili, maraming iba pa ang naglakbay sa masikip na espirituwal na trapik para makarating doon.

Ang templo, na ibinalita ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) noong 1998, ay natapos noong 2010. Sa loob ng 12 taong iyon, maraming miyembro ng Kyiv Ukraine Stake ang nanatili sa makitid—kahit tila mabagal—na landas, at matiyagang naghintay na matapos ang templo. Ang iba naman ay ibang landas ang tinahak, at pansamantalang nawala ang kanilang mithiing makapasok sa templo.

Kahit magkakaiba ang espirituwal na landas na tinatahak ng mga miyembro para makarating sa templo, nababatid ng matatapat na miyembro sa Ukraine na lahat ng landas ng kabutihan ay ibinabalik sila sa templo.

Ang Tuwid na Landas

Maraming miyembrong young adult sa Eastern Europe ang naakay sa ebanghelyo sa batang edad. Ang maagang kaalamang ito tungkol sa ebanghelyo ay hindi lamang nagtulot sa kanila na malinang ang mga patotoo mula sa kanilang kabataan kundi mapatatag din ang pasiya nilang makasal sa templo.

Nalaman kapwa ni Nikolai Chemezov at ng kanyang asawang si Asiya, ng Kharkivs’kyi Ward, ang ebanghelyo sa kanilang kabataan—si Nikolai noong walong-taong-gulang siya at si Asiya noong tinedyer siya.

“Mula nang mabinyagan ako, nalaman ko na ang plano ng Ama sa Langit ang landas ng kadakilaan,” sabi ni Brother Chemezov. “Mahalaga na sa akin ang mga turo ng Simbahan tungkol sa banal na misyon ng pamilya noon pa man.”

Natanto rin ni Sister Chemezova ang kahalagahan ng mga walang-hanggang pamilya noong bata pa siya. “Noong nagsisimba ako na dalagita pa ako, tinuruan ako kung gaano kahalagang gumawa ng mga sagradong tipan sa templo,” wika niya. “Noon pa man ay pangarap ko nang makasal sa templo, at sinikap kong maging karapat-dapat na makasal sa templo.”

Nagsimulang magdeyt ang dalawa noong 2009. Habang lumalago ang pagmamahal at nagsimulang mabaling sa kasal ang usapan, alam na ng dalawa kung ano ang susunod nilang hakbang. “Nang ipahayag na ilalaan ang Kyiv Temple noong Agosto 2010, ipinasiya naming mabuklod doon,” sabi ni Sister Chemezova.

“Mabuti na lang at hindi kami naghintay nang matagal,” dagdag pa ni Brother Chemezov.

Ang dalawa ay ibinuklod sa kasal noong Setyembre 1, 2010.

“Iyon ang pinakamaligayang araw sa buhay ko,” sabi ni Brother Chemezov. “Mapalad akong mahawakan ang kamay ng aking mahal na si Asiya at dalhin siya sa bahay ng Panginoon. Masasabi ko na sa araw na iyon ay natupad ang pangarap ko—ang pangarap na bumuo ng isang walang-hanggang pamilya.”

Ang Mahabang Daan

Bagaman ang landas patungong kasal na walang hanggan ay tuwid lamang para sa mga miyembro ng Vynohradars’kyi Ward na sina Petr at Adalina Mikhailenko, naging mas mahaba naman ito. Ang mga Mikhailenko ay kabilang sa mga unang pamilyang sumapi sa Simbahan sa Ukraine, na nabinyagan noong 1993—dalawang taon lamang matapos itatag ang unang branch sa Kyiv.

Sa kabila nito, dahil malayo ang templo at sa iba pang mga dahilan ay hindi nabuklod ang mag-asawa nang maraming taon. Hindi mahadlangan, nanatili silang tapat sa isa’t isa at sa kanilang pangarap na makasal nang walang hanggan.

“Matiyaga kong hinintay ang templo,” sabi ni Brother Mikhailenko. “Hindi ko naisip kailanman na lisanin ang Simbahan. Noon pa man ay malinaw na ang landas.”

Matapos ilaan ni Pangulong Thomas S. Monson ang templo noong Agosto 2010, hindi mapigilan ang kasabikan ng mag-asawa na mabuklod. “Napakaaga naming dumating sa araw na ibubuklod kami kaya hindi pa bukas ang templo,” sabi ni Sister Mikhailenko.

Hindi nag-iisa ang mag-asawa. Maraming kapwa miyembro ng ward ang dumating sa templo noong araw na iyon, na sabik na makibahagi sa kagalakan ng mag-asawang Mikhailenko.

“Kayganda ng pagbubuklod,” sabi ni Sister Mikhailenko. “Pakiramdam mo ay hindi mo pa talaga minahal ang asawa mo na katulad noong sandaling iyon.”

Namayani ang pagmamahalan simula sa araw na iyon. “May lubos na kaibhan sa aming relasyon,” sabi ni Brother Mikhailenko. “Matagal na kaming kasal, pero may kakaibang damdamin ngayon. Gusto naming gumawa ng higit pa para sa isa’t isa, at ginagawa namin iyon nang may higit na pagmamahal.”

Nagbalik sa Landas

Sina Andrei at Valentina Dudka ng Vynohradars’kyi Ward ay pinaturuan ng ebanghelyo ng mga kapitbahay noong 2003. Matapos makipagkita nang ilang linggo sa mga misyonero, nagpasiyang sumapi sa Simbahan ang mag-asawa.

Bagaman sabik ang mga Dudka na malaman ang mga katotohanan ng ebanghelyo tulad ng pangangailangan sa mga templo sa mga huling araw at ng potensyal na magkaroon ng walang-hanggang pamilya, unti-unti silang naging di-aktibo. “Nakakita lang kami ng mga dahilan para hindi magsimba,” sabi ni Sister Dudka. “Nagdahilan kami—gaya ng pagod na pagod kami o may palabas sa TV na gusto naming mapanood.”

Masama ang naging epekto ng hindi pagsisimba ng mga Dudka sa kanilang kaligayahan. “Nakita namin ang tunay na kaibhan ng buhay sa Simbahan at ng makamundong buhay nang lisanin namin ang Simbahan,” sabi ni Brother Dudka. “Hindi kami masaya.”

Pagkaraan ng mga apat na buwan ng hindi pagsisimba, hindi na ito nakayanan ni Sister Dudka. “Sumapit ang isang araw ng Linggo, at sabi ko, ‘Kung hindi ako magsisimba ngayon, baka hindi na ako makatagal,’” wika niya. “Para akong isang tao na ilang araw na hindi nakainom ng tubig. Kailangan ko ang tubig na iyon.”

Nang makabalik sa pagsisimba, matiyagang ipinagdasal at hinikayat ni Sister Dudka ang kanyang asawa na bumalik na sa simbahan kasama niya. Nang kalahating taon na siyang nakabalik sa simbahan, sumunod ang asawa niya.

“Naantig ako sa mga panalangin ng asawa ko,” sabi ni Brother Dudka. “Natanto ko na bilang maytaglay ng Melchizedek Priesthood, responsibilidad kong maging aktibong miyembro. Naunawaan ko na kung hindi dahil sa Diyos, wala akong magagawa.”

Nang makabalik na ang mga Dudka sa Simbahan, nabaling ang kanilang isipan sa nakapagliligtas na mga ordenansa sa templo. Nagalak ang mag-asawa kasama ang iba pang mga Banal sa mga Huling Araw sa Ukraine sa temple groundbreaking noong 2007.

“Nang simulan nang itayo ang templo, madalas kaming pumunta at tumingin lang sa trabahong ginagawa roon,” sabi ni Brother Dudka.

“Napalukso ako sa tuwa nang makita kong inilalatag na nila ang unang bato,” dagdag pa ni Sister Dudka.

Nang ipatong ang estatwa ng anghel na si Moroni sa ituktok ng templo, nagyakapan at nag-iyakan ang maraming Banal at lalo na ang mga Dudka.

“Nang matapos na nila sa wakas ang pagtatayo ng templo, napanatag kami dahil alam namin na karapat-dapat kaming makapasok,” sabi ni Brother Dudka.

Sinabi ng mga Dudka na naging mas matatag at pangwalang-hanggan ang pananaw nila sa buhay nang mabuklod sila sa templo. “Nauunawaan mo na ang pamilya mo ay hindi na kayong mag-asawa lang—ngayon ay bahagi na rin nito ang Panginoon,” sabi ni Sister Dudka. “Pinangangalagaan na namin ang isa’t isa na may walang-hanggang pananaw.”

Mula itaas: Sina Asiya at Nikolai Chemezov ay ibinuklod sa Kyiv Ukraine Temple tatlong araw matapos itong ilaan. Nagpapasalamat sina Petr at Adalina Mikhailenko na maaasam ng kanilang apong si Masha na makapunta sa templo sa kanilang sariling bayan. Sina Andrei at Valentina Dudka ay madalas bumisita sa pinagtatayuan ng templo habang ginagawa ito.

Larawang kuha ni Marina Lukach

Itaas: larawan sa kagandahang-loob ng pamilya Chemezov; iba pang larawang kuha ni Chad E. Phares