2011
Pangulong Lorenzo Snow (1814–1901)
Disyembre 2011


Paggunita sa mga Dakilang Tao

Pangulong Lorenzo Snow (1814–1901)

Bagaman kalaunan ay naging ikalimang Pangulo ng Simbahan, hindi gaanong interesado si Lorenzo Snow na mabinyagan hanggang sa yayain siya ng kanyang kapatid na si Eliza na dumalo sa mga klase sa Hebreo sa School of the Prophets sa Kirtland, Ohio. Dumadalo rin doon si Joseph Smith at ang iba pang mga pinuno ng Simbahan. Hindi nagtagal ay naging interesado si Lorenzo sa ebanghelyo at sumapi sa Simbahan noong Hunyo 19, 1836. Pagkatapos ay nagmisyon si Elder Snow sa Italy, sa Sandwich Islands (ngayon ay Hawaii), at Great Britain, kung saan niya binigyan ng kopya ng Aklat ni Mormon si Queen Victoria.

Si Elder Snow ay may pambihirang mga kaloob na ginamit niya sa paglilingkod sa Panginoon. Sa kanyang patriarchal blessing pinangakuan siya na bagaman matagal siyang mabubuhay, hindi niya madarama ang mga epekto ng pagtanda. Dahil sa masiglang pangangatawan ay nanatili siyang aktibo sa kanyang katandaan bilang apostol at propeta. Ginamit din niya ang priesthood upang magpabangon ng ilang taong namatay na.

Noong si Pangulong Snow ang propeta, dumanas ng tagtuyot ang mga Banal sa mga Huling Araw sa katimugang Utah. Habang nagsasalita sa kumperensya sa bayan ng St. George sa katimugang Utah, nagkaroon ng inspirasyon si Pangulong Snow na mangako sa mga Banal na uulan at magtatamasa sila ng masaganang ani kung magbabayad sila ng ikapu. Bagaman nagbayad ng ikapu ang mga miyembro, lumipas ang ilang buwan na walang ulan. Nagsumamo si Pangulong Snow sa Ama sa Langit na magpadala ng ulan. Kalaunan ay nakatanggap siya ng telegrama na nagsasabing, “Umuulan sa St. George.”

Itaas: Larawan ni Lorenzo Snow noong mga 1865. Gitna: Si Pangulong Snow (gitna) kasama ang kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, sina George Q. Cannon (kaliwa) at Joseph F. Smith (kanan) noong 1900. Ibaba: Biniyayaan ng ulan ang mga Banal sa mga Huling Araw para sa kanilang mga pananim matapos sundin ang payo ni Pangulong Snow na magbayad ng ikapu.