2011
Ang mga Salitang Iyon
Disyembre 2011


Ang mga Salitang Iyon

“Huwag kayong susumpa ng di totoo sa aking pangalan, na anopa’t lapastanganin ninyo ang pangalan ng inyong Dios” (Levitico 19:12).

Ayaw makarinig ni Shelby ng masasamang salita, lalo na nang gamitin ng kanyang mga kaibigan ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan.

“Huwag sana ninyong sambitin ang mga salitang iyan kapag narito ako,” sabi niya sa kanyang mga kaibigan.

Ngunit kung minsan ay nalilimutan nila, at kailangan niya silang paalalahanan.

Isang araw pakutya at yamot na sinabi ng kaibigan ni Shelby na si Beth, “Oo nga pala, nalimutan ko. Walang sumasambit ng gayong mga salita sa harapan ni Shelby. Sinisikap niya tayong maging mabait na kagaya niya.”

Nagtawanan ang iba pang mga batang babae.

Napahiya si Shelby. Masama ang loob niya na lagi niyang pinakikiusapan ang mga kaibigan niya na huwag sambitin ang gayong mga salita sa harapan niya—lalo na kapag hindi nila inisip na masama ang mga salitang iyon.

Pagdating ni Shelby sa bahay mula sa eskuwelahan, humiga siya sa kama niya. Pumasok ang kanyang ina ilang minuto pagkaraan, at ikinuwento rito ni Shelby ang nangyari.

“Huwag mong alalahanin iyon,” sabi ni Inay. “Patuloy mo lang gawin ang tama, at kalaunan ay hindi na gugustuhin pa ng mga kaibigan mo na sambitin ang mga salitang iyon.”

“Ano nga ba sa akin kung sambitin ng mga kaibigan ko ang mga salitang iyon?” tanong ni Shelby. “Hindi naman ako ang nagmumura.”

“Itinuro na sa atin ng mga propeta na dapat tayong manatiling karapat-dapat upang madama ang Espiritu sa lahat ng oras. Nagpapalungkot sa Espiritu ang pagsasalita ng masama,” sabi ni Inay.

Naalala ni Shelby ang mga pagkakataon na nadama niya ang Espiritu: sa family home evening, kapag nagpapatotoo siya, kapag binabasbasan siya ng kanyang ama. Gusto ni Shelby na madama ang Espiritu, at ayaw niyang gumawa ng anuman na magpapawala sa magiliw at payapang kapanatagang iyon.

Nagpasiya siya na manatiling halimbawa sa kanyang mga kaibigan at maipaunawa sa kanila na ayaw niyang marinig ang mga salitang iyon.

Kinabukasan sa eskuwelahan, narinig niyang muli ang mga salitang iyon.

“Huwag sana ninyong sambitin ang mga salitang iyon kapag narito ako,” pakiusap ni Shelby kay Becca.

Sinimangutan ni Becca si Shelby at hindi siya pinansin. Natuwa si Shelby na nakapagsalita siya pero nalungkot siya nang magalit ang kaibigan niya.

Sa rises narinig ni Shelby na may sumambit na muli sa mga salitang iyon. Sa pagkakataong ito ay si Beth naman.

“Huwag mo sanang sambitin iyan kapag narito ako,” sabi ni Shelby.

“Sori,” sabi ni Beth, nang nandidilat ang mga mata.

Muling nadama ni Shelby na para siyang katawa-tawa.

Sa isang praktis ng softball pagkatapos ng eskuwela, pinalo ni Shelby ang isang bola. Tumalbog ito sa first base at nakarating doon bago umabot si Shelby. Narinig ni Shelby si Bonnie, ang unang batang babae sa team, na ginamit ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan.

Nag-alangan si Shelby. Pagod na siya sa kapapakiusap sa mga tao na huwag sambitin ang mga salitang iyon kapag naroon siya. Ayaw niyang pagtawanan siya ng ibang mga bata.

“Huwag sana ninyong sambitin ang mga salitang iyon kapag narito siya.”

Pumihit si Shelby para tingnan kung sino ang nagsalita.

Si Beth ang nagsasabi kay Bonnie na si Shelby ay Banal sa mga Huling Araw at hindi niya sinasambit ang gayong klaseng mga salita at hindi rin siya komportableng marinig iyon.

Lumingon si Bonnie at tumingin kay Shelby. “Sori, Shelby. Hindi ko alam.”

Ngumiti si Beth kay Shelby. “Palagay ko nagiging katulad mo na kaming lahat,” sabi ni Beth.

Ngumiti si Shelby. Masaya siya na nagpasiya siyang maging mabuting halimbawa sa kanyang mga kaibigan at sundin ang payo ng propeta na panatilihin ang Espiritu sa kanya.

Paglalarawan ni Ben Simonsen