2011
Ang Kapayapaan at Kagalakang Malaman na ang Tagapagligtas ay Buhay
Disyembre 2011


Ang Kapayapaan at Kagalakang Malaman na ang Tagapagligtas ay Buhay

Mula sa isang mensahe sa debosyonal sa Brigham Young University noong Disyembre 10, 2002. Para sa buong teksto sa Ingles, bisitahin ang speeches.byu.edu.

Elder Russell M. Nelson

Bilang isa sa Labindalawang Apostol, masasabi ko na itinatangi ng mga miyembro ng Labindalawa ang pribilehiyong magturo at magpatotoo tungkol sa ating pinakamamahal na Tagapagligtas. Masaya naming ibinabahagi ang aming patotoo tungkol sa Kanyang buhay, ministeryo, at misyon sa mortalidad.

Ginugunita natin ang hamak na pagsilang ng Tagapagligtas sa panahong ito ng taon kahit alam natin na hindi ito nangyari sa buwan ng Disyembre. Mas malamang na isinilang ang Panginoon sa buwan ng Abril. Pinagtitibay kapwa sa banal na kasulatan at sa kasaysayan ang isang panahon sa tagsibol ng taon, bago sumapit ang Paskua ng mga Judio (tingnan sa D at T 20:1).

Ipinahayag sa mga banal na kasulatan na ikakasal na noon ang Kanyang inang si Maria kay Jose (tingnan sa Mateo 1:18; Lucas 1:27). Ang kanilang kasunduang pakasal ay maitutulad sa isang makabagong kasunduang magpakasal, na sinundan kalaunan ng aktuwal na kasal.

Nakatala sa kuwento ni Lucas ang pagpapakita ng anghel na si Gabriel kay Maria kaya nalaman nito ang kanyang misyon sa lupa:

“At pumasok siya sa kinaroroonan niya, at sinabi, Magalak ka, ikaw na totoong pinakamamahal, ang Panginoon ay sumasa iyo: pinagpala ka sa lahat ng babae. …

“At sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Maria: sapagka’t nakasumpong ka ng biyaya sa Dios.

“At narito, maglilihi ka sa iyong tiyan, at manganganak ka ng isang lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang Jesus.

“Siya’y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataastaasan” (Lucas 1:28, 30–32).

Ang ating Ama sa Langit ang Kataastaasan. Si Jesus ang Anak ng Kataastaasan.

“At sinabi ni Maria sa anghel, Paanong mangyayari ito, sa ako’y hindi nakakakilala ng lalake?

“At sumagot ang anghel, at sinabi sa kaniya, Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan: kaya naman ang banal na bagay na ipanganganak ay tatawaging Anak ng Dios” (Lucas 1:34–35).

Bago ikinasal sina Jose at Maria, ipinagdadalantao na ni Maria ang Banal na Anak na iyon. Hinangad ni Jose na protektahan si Maria (tingnan sa Mateo 1:18–19), sa pag-asang mailigtas ito sa parusang ipinapataw sa isang babaeng nagdalantao nang hindi pa nakakasal. Habang pinag-iisipang mabuti ang mga bagay na ito, nagpakita ang anghel na si Gabriel kay Jose, na nagsasabing:

“Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka’t ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo.

“At siya’y manganganak ng isang lalake; at ang pangalang itatawag mo sa kaniya’y Jesus; sapagka’t ililigtas niya ang kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan” (Mateo 1:20–21).

Hindi na kinailangang ituro kina Maria at Jose Mary ang malalim na kahalagahan ng pangalang Jesus. Ang kahulugan ng salitang-ugat na pinagmulan nito sa Hebreo, ang Yehoshua o Jehosua, ay “si Jehova ay kaligtasan.”1 Kaya ang gawain ng Panginoong Diyos na si Jehova, na hindi maglalaon ay tatawaging Jesus, ay kaligtasan. Siya ang magiging Tagapagligtas ng mundo.

Sa Aklat ni Mormon mababasa natin ang pakikipag-usap ni Nephi sa isang anghel na nagtanong, “Nalalaman mo ba ang pagpapakababa ng Diyos?”

Sumagot si Nephi, “Alam kong mahal niya ang kanyang mga anak; gayon pa man, hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay.

“At sinabi niya sa akin: Masdan, ang birheng iyong nakikita ang ina ng Anak ng Diyos, ayon sa laman.

“… Namasdan ko na siya ay natangay sa Espiritu; at matapos siyang matangay sa Espiritu [na]ng ilang panahon, nangusap sa akin ang anghel, sinasabing: Tingnan!

“At tumingin ako at namasdang muli ang birhen, may dalang isang bata sa kanyang mga bisig.

“At sinabi sa akin ng anghel: Masdan ang Kordero ng Diyos, oo, maging ang Anak ng Walang Hanggang Ama!” (1 Nephi 11:16–21).

Mga Kabatiran mula kay Lucas

Mahalagang kabatiran ang idinagdag ng maganda at pamilyar na kuwentong isinasalaysay natin sa Kapaskuhan ayon sa nakatala sa Lucas, kabanata 2: “Nangyari nga nang mga araw na yaon na lumabas ang isang utos mula kay Augusto Cesar, na magpatala ang buong sanglibutan” (Lucas 2:1).

Ito talaga ay isang buwis sa bawat tao, sensus, at pagpapalista—isang pagpaparehistro ng mga mamamayan sa kaharian ng Roma. Iniutos ni Haring Herodes na bilangin ang mga tao sa lupain ng kanilang mga ninuno. Kinailangang maglakbay nina Maria at Jose, na noon ay naninirahan sa Nazaret, patimog patungong lungsod ni David, na mga 90 milya (145 km) ang layo. Marahil ay mas malayo pa ang nilakbay nila kung hindi sila dumaan sa lalawigan ng Samaria na galit sa mga Judio.

Halos tiyak na naglakbay sila kasama ng mga kamag-anak na pinapunta rin sa lupain ng kanilang mga ninuno. Walang dudang kasama sa mahirap na paglalakbay na ito ang kanilang mga alagang hayop, tulad ng mga aso at buriko. Malamang na humimpil sila sa labas nang ilang gabi dahil tatlo hanggang apat na araw ang kanilang paglalakbay. Pagdating nila sa Bet-lehem, panahon na para isilang ang Banal na Anak.

“At kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito’y binalot niya ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban, sapagka’t wala nang lugar para [sa] kanila sa tuluyan” (Lucas 2:7).

Ang talatang ito ay puno ng kahulugan, na pinayaman ng pagkabatid sa isang salita mula sa orihinal na teksto ng Bagong Tipan sa Griyego at pag-unawa sa kultura ng panahon at lugar na iyon. Ang katagang pinagmulan ng salin ng “bahay-tuluyan” ay kataluma.2 Ang kahulugan ng unlaping Griyego na kata (o cata) ay “magpahinga” sa panahon o lugar na iyon. Kapag ang kata ay dinugtungan ng luma, ang salita ay nangangahulugang isang lugar kung saan naghihiwa-hiwalay, o nagpapahinga, ang mga tao mula sa kanilang paglalakbay. Sa Lumang Tipan sa Griyego, ang salitang kataluma ay sa dalawang talata lamang lumabas, na isinalin sa bawat pagkakataon hindi bilang “bahay-tuluyan” kundi bilang “silid para sa panauhin” (Marcos 14:14; Lucas 22:11).

Sa panahon at lugar na iyon, ang isang bahay-tuluyan sa Asia ay hindi kagaya ng makabagong Holiday Inn o Bethlehem Marriott. Ang bahay-pahingahan noon ay naglalaan ng tuluyan para sa mga grupong naglalakbay, kabilang na ang mga tao at kanilang mga hayop. Namalagi ang mga grupo sa tinatawag noon (at hanggang ngayon) na caravansary, o isang khan. Ang pakahulugan ng diksyunaryo sa mga katagang ito ay isang bahay-tuluyan sa buong paligid ng patyo sa mga bansa sa silangan (o Asia) kung saan nagpapahinga sa gabi ang mga grupong naglalakbay.3

Ang gayong pasilidad ay karaniwang parihaba ang hugis, na binubuo ng gitnang patyo para sa mga hayop, na naliligiran ng maliliit na silid kung saan nagpapahinga ang mga tao. Medyo mas mataas ang maliliit na silid na ito ng mga panauhin kaysa sa kanilang mga hayop, at bukas ang mga pintuan para mabantayan ng mga may-ari ang kanilang mga hayop. Tinukoy sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Lucas 2:7 na walang silid para sa kanila sa “mga bahay-tuluyan,” na nagpapahiwatig na may tao na sa lahat ng maliliit na silid sa caravansary.

Ang akalang ang mga namamahala sa bahay-tuluyan ay hindi mababait o masusungit ay maaaring mali. Walang dudang ang mga tao roon noon ay katulad ngayon—mababait. Maaaring totoo ito lalo na sa panahon na ang normal na populasyon ng Jerusalem at kalapit na Bet-lehem ay lumaki dahil sa dami ng mga kamag-anak ng mga mamamayan doon.

Sa isang Asian caravansary, magdamag na itinatali ang mga hayop sa sulok na patyo. Sa patyong iyon ay maaaring may mga buriko, aso, tupa, posibleng may mga kamelyo at baka, pati na lahat ng dumi at amoy ng mga hayop.

Dahil puno ang mga silid ng panauhin sa paligid ng patyo, maaaring nagpasiya si Jose na asikasuhin ang panganganak ni Maria sa gitna ng patyo ng caravansary, kasama ng mga hayop. Posible na sa gayong abang sitwasyon isinilang ang Kordero ng Diyos.

Dalawang beses binanggit sa Lucas 2 ang lampin. Ano ang kahulugan ng mga katagang “ito’y ibinalot niya ng mga lampin” (Lucas 2:7)? Nakikita ko ang kabuluhan ng paggamit ng hindi lamang ordinaryong lampin o balabal. Sa halip na ang anim na salitang iyon sa tekstong Tagalog, isang salita lamang ang ginamit sa tekstong Griyego ng Bagong Tipan. Ang salitang iyon ay sparganoo, isang pandiwang nangangahulugan na binalot ang bagong silang na sanggol sa espesyal na tela, na pinagsalikop ang mga dulo.4 Marahil nga ay may nakalagay sa tela na bukod-tanging pagkakakilanlan na tutukoy sa pamilya. Ginagawa ito lalo na sa pagsilang ng panganay na anak na lalake.

Ipinahayag ng anghel, “Ito ang sa inyo’y magiging pinakatanda: Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban” (Lucas 2:12). Ang tela ng lampin na nakabalot sa Kanya ay tiyak na makikilala at kakaiba.

Ano naman ang tungkol sa sabsaban? Ang sabsaban ay isang labangan o bukas na kahon sa kuwadra na dinisenyo para paglagyan ng pagkain ng mga hayop. Nakaangat mula sa sahig ng maruming patyo, maaaring ang sabsaban ang pinakamalinis na lugar na makukuha. Gayong labangan ang naging kuna ng ating Panginoon!

Ang Bukod-tanging mga Magulang ng Tagapagligtas

Mas mahalaga kaysa sa abang lugar na pinagsilangan ng Tagapagligtas ang Kanyang bukod-tanging mga magulang. Itinanong sa ilang banal na kasulatan ang “Sino ang maghahayag ng kaniyang lahi?” (Isaias 53:8; Mga Gawa 8:33; Mosias 14:8; 15:10). Ang ibig sabihin nito ay “Sino ang magpapahayag ng Kanyang henerasyon?” Ngayon, pagkaraan ng dalawang milenyo, ipinahahayag natin na si Jesucristo ay isinilang sa isang imortal na Ama at isang mortal na ina. Mula sa Kanyang imortal na Ama, minana ni Jesus ang kapangyarihang mabuhay magpakailanman. Mula sa Kanyang mortal na ina, minana Niya ang kapalarang dumanas ng pisikal na kamatayan.

Kinilala ni Jesus ang mga katotohanang ito habang nadarama Niya ito sa sarili Niyang buhay: “Sinoma’y hindi nagaalis sa akin nito,” wika Niya, “kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong magbigay nito, at may kapangyarihan akong kumuhang muli. Tinanggap ko ang utos na ito sa aking Ama” (Juan 10:18).

Ang bukod-tanging mga katangiang iyon ng Kanyang mga magulang ay mahalaga sa Kanyang misyon na magbayad-sala para sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan. Kaya nga, isinilang si Cristo Jesus upang mamatay at pagkatapos ay muling magbangon sa buhay na walang hanggan (tingnan sa 3 Nephi 27:13–15). Namatay Siya upang tayo ay muling mabuhay. Isinilang Siya upang lahat ng tao ay mapaginhawa mula sa tibo ng kamatayan at mabuhay na muli (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:55; Mosias 16:7–8; Alma 22:14; Mormon 7:5).

Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay ginawa sa Getsemani, kung saan ang Kanyang pawis ay malalaking patak ng dugo (tingnan sa Lucas 22:44), at sa Golgota (o Calvario), kung saan ibinayubay ang Kanyang katawan sa krus sa ibabaw ng “dako ng bungo,” na nangangahulugang kamatayan (Marcos 15:22; Mateo 27:33; tingnan din sa 3 Nephi 27:14). Ang walang-hanggang Pagbabayad-salang ito ay magpapalaya sa tao mula sa kawalang-hanggan ng kamatayan (tingnan sa 2 Nephi 9:7). Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas nagkaroon ng pagkabuhay na mag-uli at buhay na walang hanggan para sa lahat. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ang naging sentro ng buong kasaysayan ng tao.

Ang kahalagahan nito ay binigyang-diin ni Propetang Joseph Smith, na nagsabing, “Ang mga saligang alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”5

Ang pagpapahayag na ito ang pinagbatayang inspirasyong gumabay sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ilang taon na ang nakararaan nang palapit na tayo sa ika-2,000 anibersaryo ng pagsilang ng Tagapagligtas. Kaming 15 lalaki na pinagkatiwalaan ng mga susi ng kaharian ay naghanda ng aming nakasulat na patotoo. Pinamagatan namin iyon ng “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.”6 Bawat isa sa 15 Apostol na nabubuhay noon ay lumagda sa patotoong iyon.

Bawat taong may patotoo sa Panginoon ay may pribilehiyo, sa pananampalataya, na makilala ang Kanyang banal na mga magulang at patotohanan na si Jesus ang Anak ng buhay na Diyos. Kasama sa tunay na patotoo ang katotohanan na ang Ama at ang Anak ay nagpakita kay Propetang Joseph Smith, na ang pagsilang ay ginugunita natin tuwing Disyembre 23. Kasama sa patotoong ito ang katotohanan na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay totoo at pinamamahalaan ng buhay na Panginoon sa pamamagitan ng propesiya at paghahayag sa tulong ng mga awtorisadong namumuno na tumatanggap at tumutugon sa tagubilin mula sa Kanya.

Kahit sa napakagulong panahon ng makabagong buhay, ang kaalamang ito ay naghahatid ng kapayapaan at kagalakan sa atin. “Magalak,” sabi ng Panginoon, “at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo; at magpapatotoo kayo sa akin, maging si Jesucristo, na ako ang Anak ng buhay na Diyos, na ako ang noon, na ako ang ngayon, at na ako ay paparito” (D at T 68:6). Buong pagmamahal tayong nananangan nang mahigpit sa Kanyang banal na pangako.

Ang Ating Regalo sa Kanya

Parating ang mahihirap na panahon. Nag-iibayo ang kasalanan. Nakinita ni Pablo na magtitiis ng pag-uusig ang mga miyembro ng Simbahan (tingnan sa II Kay Timoteo 3:1–13; D at T 112:24–26). Ipinayo ni Pedro, “Kung ang isang tao ay magbata na gaya ng Cristiano, ay huwag mahiya; kundi luwalhatiin ang Dios sa pangalang ito” (I Ni Pedro 4:16). Katulad ng pagpapakababa ni Jesus sa lahat ng bagay upang mangibabaw sa lahat ng bagay, inaasahan Niyang susundan natin ang Kanyang halimbawa. May pamatok na kasama Siya, bawat isa sa atin ay maaaring mangibabaw sa lahat ng hamon sa atin, gaano man kahirap ang mga ito (tingnan sa Mateo 11:29–30).

Kung iisipin ang lahat ng nagawa ng Tagapagligtas—at ginagawa—para sa atin, ano ang magagawa natin para sa Kanya? Ang pinakadakilang regalong maibibigay natin sa Panginoon sa Pasko, o kahit kailan, ay ang manatili tayong walang bahid-dungis sa mundo, na karapat-dapat na pumasok sa Kanyang banal na templo. At ang magiging regalo Niya sa atin ay kapayapaan dahil alam nating handa tayong humarap sa Kanya, kailan man dumating ang pagkakataong iyon.

Ang kaganapan ng ministeryo ng Panginoon ay nasa hinaharap. Ang mga propesiya tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito ay matutupad pa lamang. Sa araw ng Pasko, siyempre pa, nagtutuon tayo sa Kanyang pagsilang. At sa mundong ito ay muli Siyang darating. Sa Kanyang Unang Pagparito, halos lihim ang pagdating ni Jesus. Iilang mortal lamang ang nakabatid sa Kanyang pagsilang. Sa Kanyang Ikalawang Pagparito, malalaman ng buong sangkatauhan ang Kanyang pagbalik. At Siya ay paparito, hindi bilang “isang lalaking naglalakbay sa lupa” (D at T 49:22), kundi “ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at makikitang magkakasama ng lahat na tao” (Isaias 40:5; tingnan din sa D at T 101:23).

Bilang natatanging saksi ng Kanyang banal na pangalan, pinatototohanan ko na si Cristo Jesus ang banal na Anak ng buhay na Diyos. Mamahalin Niya kayo, pasisiglahin, at magpapakita Siya sa inyo kung mamahalin ninyo Siya at susundin ang Kanyang mga utos (tingnan sa Juan 14:21). Tunay ngang sinasamba pa rin Siya ng matatalinong lalaki at babae.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Eric D. Huntsman, “Glad Tidings of Great Joy,” Ensign, Dis. 2010, 54.

  2. Tingnan sa mga salitang bilang na 2,596 at 2,646 sa James Strong, “Greek Dictionary of the New Testament,” Strong’s Exhaustive Concordance of the Bible (1890), 39, 40.

  3. Tingnan sa Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, ika-11 ed. (2003), “caravansary” at “khan.”

  4. Tingnan ang salitang bilang na 4,683 sa “Greek Dictionary of the New Testament,” 66.

  5. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 58; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  6. Tingnan sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Liahona, Abr. 2000, 2–3.

Detalye mula sa Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.; Tanawin ng Bet-lehem, 1857, ni Nikanor Grigor’evich Chernetsov, Pushkin Museum, Moscow, Russia, ang Bridgeman Art Library International

Ang Daan Patungo sa Bet-lehem, ni Joseph Brickey; paglalarawan ng caravansary mula sa Ang Mundo sa mga Kamay, inukit ni Charles Laplante, inilathala noong 1878, Emile Antoine Bayard, pribadong koleksyon, Ken Welsh, ang Bridgeman Art Library International

Si Cristo sa Getsemani, ni William Henry Margetson, sa kagandahang-loob ng Church History Museum