2011
Ang Aking Christmas Card mula sa Obregón
Disyembre 2011


Ang Aking Christmas Card mula sa Obregón

Robert Ramos, Oregon, USA

Habang nagmimisyon ako sa Mexico, may nakilala kaming magkompanyon na isang lalaki mula sa Obregón, isang lungsod sa hilagang-kanlurang Mexico malapit sa Gulf of California. Interesado siya sa aming mensahe tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo, ngunit 10 minuto lang siya maaaring makipag-usap dahil kailangang maabutan niya ang tren. Itinuro namin sa kanya ang lahat ng kaya namin sa maikling oras na iyon at binigyan siya ng kopya ng Aklat ni Mormon at lahat ng polyetong mayroon kami noon. Noon, ang mission namin ay walang mga misyonero sa Obregón.

Makaraan ang ilang buwan nakatanggap ako ng Christmas card mula sa isang taga-Obregón. Tiningnan ko ang card at inisip kung sino ang nagpadala niyon. At saka ko natanto na ipinadala iyon ng lalaking nakausap namin nang 10 minuto. Isinabit ko ang card sa aming apartment kasama ng iba pang mga Christmas card na natanggap namin ng iba pang mga elder.

Pagkaraan ng Pasko itatapon ko na sana ang card nang makadama ako ng impresyon na itago ito. Ang impresyon ay hindi ko narinig kundi nadama ko sa puso ko. Sa halip na itapon ang card, itinago ko ito sa maleta ko.

Makaraan ang ilang buwan habang binabasa ko ang buwanang liham mula sa mission home, napansin ko ang balita na sisimulan ang gawaing misyonero sa Obregón. Muli kong naisip, “Ano ang kinalaman ng lungsod na iyon sa akin?” Pagkatapos ay muli kong naalala ang lalaking nakilala namin na tagaroon. Hinalukay ko ang maleta ko at natagpuan ko ang Christmas card. Sinulatan ko ang card ng, “Ang mga elder na ito ay mga kaibigan ko, at pinapunta ko sila para maturuan ka pa tungkol sa ebanghelyo.” Pagkatapos ay ipinadala ko ang card sa mga elder na inatasang maglingkod sa Obregón at sinabihan sila na dalhin ito at bisitahin ang lalaki.

Hindi nagtagal ay nakatanggap ako ng liham mula sa mga elder sa Obregón. Sabi rito: “Mahal na Elder Ramos, napakahirap ng gawain dito kaya nagplano ang mission president na ilipat kami hanggang sa matanggap namin ang card mo. Pinuntahan namin ang brother na ito, at tuwang-tuwa siya tungkol sa ating mensahe kaya isinama niya kami para ipakilala sa buong pamilya at mga kaibigan niya. Dahil sa brother na ito, nakapagbukas kami ng branch.”

Nagdaan ang mga taon, at ngayon ay tatlong stake na ang naorganisa sa Obregón. Nakadama ako ng pagpapakumbaba na malaman na dahil nakinig ako sa mga panghihikayat ng Espiritu, mapalad akong magkaroon ng maliit na bahagi sa pagtulong sa aking mga kapatid sa Obregón na matanggap ang ebanghelyo ni Jesucristo.