Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary
Tinuturuan Ako ng mga Banal na Kasulatan tungkol sa Pagsilang at Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas
Magagamit ninyo ang aralin at aktibidad na ito upang marami pang matutuhan tungkol sa tema ng Primary sa buwang ito.
“Sapagka’t ang Anak ng tao ay pariritong nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ang kaniyang mga anghel; at kung magkagayo’y bibigyan ang bawa’t tao ayon sa kaniyang mga gawa” (Mateo 16:27).
Sa loob ng libu-libong taon, nagpatotoo ang mga propeta na si Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ay isisilang sa lupa. Sa mga banal na kasulatan, mababasa natin ang sinabi ng mga propetang ito. Sa Lumang Tipan, sinabi ni Isaias na si Jesus ang magiging Prinsipe ng Kapayapaan at Siya ang magiging pinuno ng tunay na Simbahan. Sa Aklat ni Mormon, nakita ni Nephi ang ina ni Jesus na si Maria sa isang pangitain, at nakita niya si Jesus na nagtuturo sa mga tao sa lupa. Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao ang mga himalang gagawin ni Cristo pagdating Niya sa lupa.
Ilang taon bago isinilang ang Tagapagligtas, tumayo ang propetang si Samuel sa isang pader upang sabihin sa mga Nephita ang mga palatandaang lilitaw. Sinabi niya na kapag isinilang ang Tagapagligtas, isang bagong bituin ang lilitaw sa langit. Sa Bagong Tipan mababasa natin ang tungkol sa bituin ding iyon—sinundan ito ng mga Pantas upang matunton ang batang Cristo.
Sa mga banal na kasulatan, itinuro din ng mga propeta ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo sa lupa. Sa Aklat ni Mormon, nagpatotoo si Moroni na babalik ang Tagapagligtas. Sa Lumang Tipan, binanggit ni Malakias ang mangyayari sa mga huling araw bago ang Ikalawang Pagparito.
Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga patotoo ng mga propeta tungkol kay Jesucristo mula sa maraming iba’t ibang panahon sa kasaysayan. Sa mga banal na kasulatan, mababasa rin natin ang halimbawa ni Jesus. Kailangan nating sundan ang Kanyang halimbawa habang pinaghahandaan natin ang Kanyang pagparito upang mamuhay na muli sa lupa.
Aktibidad
Makagagawa ka ng sarili mong aklat ng mga larawan tungkol sa buhay ni Jesucristo. Gupitin ang mga larawan sa pahina 65. Butasan ang bawat pahina kung saan tinukoy at pagsunud-sunurin ang mga pahina. Gumamit ng pisi na ilulusot sa mga butas para sama-samang maitali ang mga pahina. Matitingnan ninyo ng pamilya mo ang aklat na ito sa oras ng family home evening at mapag-uusapan ninyo ang buhay ng Tagapagligtas.