Sa Pag-aliw sa Atin ni Cristo
Angela Fallentine, New Zealand
Unang Pasko namin iyon sa North Island ng New Zealand—isang maganda at kaibig-ibig na lupain. Subalit sa kabila ng sikat ng araw at kabaitan ng mga miyembro ng Simbahan, nadama ko ang saklap ng pangungulila sa aking mga magulang at kapatid. Lumipat kami mula sa Estados Unidos noong mga unang buwan ng taong iyon, at gusto ko nang umuwi.
Sa aming bagong lugar nakaibigan naming mag-asawa ang mga Wilson, isang bata pang pamilyang Irish ng ibang relihiyong Kristiyano na kadarating lang din sa New Zealand. Kasamahan ko si Noleen Wilson sa trabaho, at mabilis kaming naging mabuting magkaibigan, at nagkuwentuhan ng mga karanasan sa pandarayuhan at ng aming pagmamahal sa bago naming tahanan. Habang umiigting ang aming pagkakaibigan, nalaman ko na nangungulila at nahihirapan din ang kanilang pamilya. Tatlo ang anak nila na mga bata pa at buntis siya sa ikaapat.
Isang gabi na talagang nalulungkot ako at naaawa sa sarili, naisip ko na ang pinakamainam na paraan para madaig ko ang aking kalungkutan ay ang maglingkod sa iba—lalo na sa mga Wilson. Ipinasiya naming mag-asawa noong gabing iyon na simulan ang pagdiriwang ng 12 araw ng Pasko kasama ang mga Wilson sa pag-iiwan ng mensahe at maliliit na regalo sa kanilang pintuan nang hindi nila nalalaman. Bawat gabi napalitan ng kasabikan at pag-asam ang aking kalungkutan tuwing palihim kaming pupunta sa bahay nila, mag-iiwan ng aming mensahe at regalo, kakatok sa kanilang pinto, at pagkatapos ay tatakbo na may malalaking ngiti sa aming mga labi.
Bawat araw sa trabaho ikinukuwento sa akin ni Noleen ang mahiwagang “mga duwende ng Pasko” na bumisita noong nakaraang gabi. Ikinukuwento niya na inaasam ng kanyang mga anak ang pagdating ng kanilang mga bisita, na nagpapasaya sa Pasko ng pamilya. Ilang gabing sumali sa aming pagsasaya ang mga kabataan ng ward.
Sa huling gabi, Bisperas ng Pasko, nag-iwan ng mensahe at cookies ang mga Wilson sa kanilang pintuan, na hinihiling na makilala nila ang kanilang mga duwende. Pagdating namin ng mga kabataan para kumanta ng mga awiting Pamasko bilang huli naming regalo, tuwang-tuwa ang mga bata at niyakap kami ng aming mga kaibigan nang may luha ng pasasalamat. Ang lungkot sa puso ko ay nahalinhan ng pagmamahal at kagalakan, at tumibay ang pagkakaibigan ng aming mga pamilya.
Kalaunan ay nakatanggap kami ng e-mail mula sa isang lalaki sa simbahan ng mga Wilson na nagsabing naantig siya sa ginawa namin para sa pamilya kaya nagtanong siya tungkol sa aming Simbahan at ang mga paglilingkod na ginagawa namin para sa iba. Noon lang narinig ng kongregasyon nila ang tungkol sa 12 araw ng Pasko at ngayon ay iniuugnay ang tradisyong ito sa mga Banal sa mga Huling Araw.
Hinding-hindi ko malilimutan ang unang Paskong iyon sa New Zealand, kung saan ko nalaman ang isang di-inaasahang paraan para kalimutan ang aking sarili, magtrabaho, at “aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:9)—tulad ng pag-aliw sa atin ni Jesucristo sa mga oras ng ating pangangailangan at kalungkutan.