2011
Mga Aral mula sa Guro
Disyembre 2011


Mga Klasikong Ebanghelyo

Mga Aral mula sa Guro

Si Marvin J. Ashton ay inorden na Apostol noong Disyembre 2, 1971. Ang sumusunod na artikulo ay hango sa isang mensahe niya sa debosyonal sa Brigham Young University noong Hunyo 5, 1988.

Ni Elder Marvin J. Ashton

Natatandaan ko na noon pa man ay may espesyal na pagmamahal na ako kay Jesucristo. Itinuro sa akin na Siya ang Anak ng buhay na Diyos. Itinuro sa akin na Siya ay aking kaibigan, guro, at lakas. Sa nagdaang mga taon, kapag dumarating sa buhay ko ang tungkulin at responsibilidad at karangalang magbahagi ng espesyal na patotoo tungkol sa Kanya, sinisikap kong matuto sa Kanyang buhay at mga paraan. Tunay ngang Siya ang Dalubhasang Guro. Para matulungan akong magsikap at maging tapat, madalas akong bumaling sa ikawalong kabanata ng Juan sa Bagong Tipan para sa lakas, patnubay, at halimbawa. Kung maaari, basahin natin ang ilan sa mga talata upang mapalakas ang ating buhay at ugnayan kay Jesus. Ang mga talata at salitang ito ay tumutulong sa akin na mas maunawaan Siya at magkaroon ng hangaring magsikap at maging higit na katulad Niya. …

Dinala sa kanya [ng mga eskriba at Fariseo] ang babaeng nangalunya. Ang mga kaaway na ito … ay tinangka Siyang linlangin. Iniupo nila ito sa gitna bilang isang eksibit, isang makasalanan, isang taong marumi. Hindi Siya umalis sa kinaroroonan ng babae. … Siya ay nahuling nangangalunya—sa akto. Walang kaduda-duda na nagkasala ito. Si Jesus ay inilagay nila sa isang tila imposibleng sitwasyon. Sabi sa batas ni Moises, batuhin siya. “Ano nga ang iyong sabi tungkol sa kaniya?” [Juan 8:5] tanong nila, na tinutukso Siya, hinuhuli Siya—na inilalagay Siya sa alanganing situwasyon.

Anuman ang sabihin Niya, pararatangan Siya na mali ang Kanyang ginawa at hatol. Tinutukso nila Siya upang makita kung mawawalan Siya ng pasensya at malilimutan kung sino Siya. Kalupitan ang pagbato sa babae. Mali ang huwag siyang pansinin. … Yumukod Siya at isinulat ang Kanyang daliri sa lupa na parang hindi Niya sila narinig (kinukuha ang kanilang pansin at inihahandang maturuan ang lahat ng makaririnig). … At habang tahimik ang paligid, patuloy silang nagtanong. Para kong naririnig ang mapangutya nilang mga tanong: “Sige na, magsalita ka. Huli ka na namin. Takot ka bang sumagot?” Ngunit si Jesus ang magpapasiya. …

Umunat si Jesus, nang may pagpapakumbaba at karangalan, at sinambit ang pinakamatinding mga salitang ito: “Ang walang kasalanan sa inyo, ay siyang unang bumato sa kaniya” [Juan 8:7]. Isang perpektong sagot mula sa isang perpektong tao.

Sa ating mga responsibilidad, situwasyon, at tungkulin ngayon, kailangan tayong mapaalalahanan nang paulit-ulit tungkol dito. Sa mga pakikitungo natin sa lahat ng tao, hayaan siya na walang kasalanan ang unang mamintas o makakita ng pagkakamali o manghamak. … Yumukod Siya at isinulat ang Kanyang daliri sa lupa. Narinig nila ang sinabi Niya. Nadama nila ang impluwensya ng kahinahunan ng Kanyang espiritu kahit wala Siyang sinabi. Dahil inusig ng sarili nilang budhi, kusa silang nagsilisan, hindi sila itinaboy. Isa-isa silang umalis—hindi para humanap ng mga bato kundi para paghilumin ang kanilang mga espirituwal na sugat.

Naiwan Siyang mag-isa kasama ang babae. Natutuwa ako’t naitala iyon. Ang ilan sa atin ay may tendensiyang umiwas na makasama ang mga nagkasala. … Sabi Niya, “Saan sila nangaroroon? wala bagang taong humatol sa iyo?” [Juan 8:10]. … Nag-ukol si Jesus ng panahon upang magtanong at makinig. Ah, kung magagawa lamang sana natin iyan! Napakadali sana ng ating mga sagot, napakahusay. …

Sinagot ng babae na nahuling nangangalunya ang tanong ng Panginoon tungkol sa mga nagparatang sa kanya sa pagsasabing, “Wala[ng] sinoman, Panginoon.” Pagkatapos ay sinabi ang nakapupukaw na pahayag na ito: “Humayo ka … [at] huwag ka nang magkasala” [Juan 8:11]. Nagtuturo ang Guro sa araw na iyon at nagtuturo din sa oras na ito mismo. Ang Kanyang dakilang mensahe: kamuhian ang kasalanan, ngunit mahalin ang nagkasala. Sana’y mabigyan tayo niyan ng lakas at kumpiyansa at mas mapalapit sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Hindi kinunsinti ni Jesus ang pangangalunya. Minahal Niya ang babae sa halip na pagsabihan ng masasakit na salita. Ang babae at ang mga nagparatang ay kailangang maturuan ng aral tungkol sa pagmamahal. Kailangan ang awa at habag sa sitwasyong ito. Masayang malaman na naniwala si Jesus na mas mahalaga ang tao kaysa sa lahat ng kasalanan nito. Nakapagtataka ba na tinawag Siyang “Mabuting Pastol”? Minahal Niya ang lahat ng Kanyang tupa, ang mga ito man ay naliligaw, nagugutom, kaawa-awa, giniginaw, o nawawala.

Sa pagtatapos ng dakilang karanasang ito sa pagtuturo, ang aral na ito tungkol sa pagmamahal at habag, ay isang mahalagang talata.

“Muli ngang nagsalita sa kanila si Jesus, na sinasabi, Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan” (Juan 8:12).

Sundan natin ang Kanyang ilaw. Sumangguni tayo nang madalas sa ilang salitang ito. Pinatototohanan ko sa inyo na ang mga ito ay iningatan para sa ikakabuti ng lahat.

Ang Babae na Nahuling Nangangalunya, ni Harry Anderson © Seventh-Day Adventist Church, hindi maaaring kopyahin