Mensahe ng Unang Panguluhan
Ang Pasiyang Magpasalamat
Iniutos sa atin ng ating Ama sa Langit na magpasalamat sa lahat ng bagay (tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 5:18), at iniutos Niya na magpasalamat tayo para sa mga pagpapalang tinatanggap natin (tingnan saD at T 46:32). Alam natin na lahat ng Kanyang mga utos ay nilayon upang lumigaya tayo, at alam din natin na ang pagsuway sa mga utos ay humahantong sa kalungkutan.
Kaya para lumigaya at maiwasan ang kalungkutan, dapat tayong magkaroon ng pusong mapagpasalamat. Nakita na natin sa ating buhay ang kaugnayan ng pasasalamat sa kaligayahan. Lahat tayo ay gustong magpasalamat, subalit hindi madaling magpasalamat palagi sa lahat ng bagay sa mga pagsubok ng buhay. Ang sakit, kabiguan, at pagkawala ng mga taong mahal natin ay dumarating paminsan-minsan sa ating buhay. Dahil sa ating mga pighati nahihirapan tayong makita ang mga pagpapalang natatanggap natin at pasalamatan ang mga pagpapalang laan ng Diyos para sa atin sa hinaharap.
Isang hamon ang bilangin ang ating mga pagpapala dahil mahilig tayong magbalewala sa mabubuting bagay. Kapag nawalan tayo ng bubong sa ating ulunan, makakain, o pagmamahal ng mga kaibigan at kapamilya, natatanto natin kung gaano tayo dapat nagpasalamat noong nasa atin pa ang mga ito.
Higit sa lahat, kung minsan ay hirap tayong magpasalamat nang sapat para sa pinakadakilang mga handog na tinatanggap natin: ang pagsilang ni Jesucristo, ang Kanyang Pagbabayad-sala, ang pangako ng pagkabuhay na mag-uli, ang pagkakataong magtamasa ng buhay na walang-hanggan kasama ang ating pamilya, ang Panunumbalik ng ebanghelyo kasama ang priesthood at mga susi nito. Sa tulong lamang ng Espiritu Santo natin madarama ang kahalagahan ng mga pagpapalang iyon sa atin at sa ating mga minamahal. At saka lamang tayo makakaasang magpasalamat sa lahat ng bagay at makakaiwas na masaktan ang Diyos sa kawalan natin ng utang-na-loob.
Dapat tayong manalangin sa Diyos, sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, na tulungan tayong makita nang malinaw ang ating mga pagpapala sa gitna ng ating mga pagsubok. Matutulungan Niya tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu na makilala at mapasalamatan ang mga pagpapalang binabalewala natin. Ang higit na nakatulong sa akin ay ang paghiling sa Diyos sa panalangin, “Maaari po bang akayin Ninyo ako sa isang taong matutulungan ko para sa Inyo?” Sa pagtulong sa Diyos na pagpalain ang iba, mas luminaw sa akin ang aking mga pagpapala.
Muling nasagot ang aking dalangin nang pasamahin ako ng isang mag-asawang hindi ko kilala sa isang ospital. Doon ko nakita ang isang sanggol na sa kaliitan ay kasya siya sa kamay ko. Sa ilang linggo lamang ng kanyang buhay, sumailalim siya sa napakaraming operasyon. Sinabi ng mga doktor sa mga magulang na kailangan ang mas maselang operasyon sa puso at baga para mabuhay ang munting anak na iyon ng Diyos.
Sa kahilingan ng mga magulang, binigyan ko ng basbas ng priesthood ang sanggol. Kasama sa basbas ang isang pangakong hahaba ang buhay nito. Higit pa sa pagbibigay ng basbas, ako mismo ay nabiyayaan ng pusong higit na mapagpasalamat.
Sa tulong ng ating Ama, mapipili nating lahat na madamang higit na magpasalamat. Mahihiling natin sa Kanya na tulungan tayong makita nang mas malinaw ang ating mga pagpapala, anuman ang ating kalagayan. Para sa akin sa araw na iyon, nagpasalamat ako nang higit kaysa rati sa himala na malusog ang sarili kong puso at baga. Nagpasalamat ako papauwi dahil ang mga pagpapala sa aking mga anak na mas malinaw kong nakikita ay mga himala ng kabaitan ng Diyos at ng mabubuting tao sa kanilang paligid.
Higit sa lahat, nagpasalamat ako sa katunayan ng epekto ng Pagbabayad-sala sa buhay ng nag-aalalang mga magulang na iyon at sa akin. Nabanaag ko ang pag-asa at dalisay na pag-ibig ni Cristo sa kanilang mukha, kahit sa kanilang matinding pagsubok. At nadama ko ang katunayang madarama ninyo kung hihilingin ninyo sa Diyos na ihayag sa inyo na maipadarama sa inyo ng Pagbabayad-sala ang pag-asa at pagmamahal.
Maipapasiya nating lahat na magpasalamat sa panalangin at hilingin sa Diyos na patnubayan tayo sa paglilingkod sa iba para sa Kanya—lalo na sa panahong ito na ipinagdiriwang natin ang pagsilang ng Tagapagligtas. Ibinigay sa atin ng Diyos Ama ang Kanyang Anak, at ibinigay sa atin ni Jesucristo ang Pagbabayad-sala, ang pinakadakila sa lahat ng kaloob at handog (tingnan sa D at T 14:7).
Sa pasasalamat sa panalangin ay makikita natin ang dami ng mga pagpapalang ito at lahat ng iba pa nating mga pagpapala kaya magkakaroon tayo ng pusong higit na mapagpasalamat.