2011
Ang Susi sa Oportunidad: Pagdiriwang ng 10 Taon ng Perpetual Education Fund
Disyembre 2011


Ang Susi sa Oportunidad

Pagdiriwang ng 10 Taon ng Perpetual Education Fund

Isang dekada matapos ipaalam ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang Perpetual Education Fund, umunlad ang gawaing ito at ang mga kalahok nito.

Noong 1850, tatlong taon lamang matapos dumating sa Salt Lake Valley, nagsimulang magtatag si Pangulong Brigham Young (1801–77) ng mga akademya at unibersidad upang makapag-aral ang mga Banal sa mga Huling Araw. Hinihikayat ng bawat propeta ng dispensasyong ito ang mga miyembro ng Simbahan na mag-aral.

Kabilang sa kanila si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), na nagpasimula ng Perpetual Education Fund (PEF), na itinulad sa isa pa sa mga programa ni Brigham Young noong ika-19 na siglo, ang Perpetual Emigration Fund. Ang bagong educational fund na ito, sabi nga ni Pangulong Thomas S. Monson, ay magiging isa sa mga tampok sa administrasyon ni Pangulong Hinckley.1 Nakita ni Pangulong Hinckley na nakahahadlang ang karalitaan at kakulangan ng pinag-aralan at kasanayan sa maraming young adult sa Simbahan para maabot ang kanilang potensyal. Humiling siya ng mga kasagutan sa Panginoon.

Sa pangkalahatang kumperensya noong Marso 31, 2001, ipinaalam ni Pangulong Hinckley ang kanyang pananaw para sa programa. Inamin niya na isa itong “mapangahas na gawain” ngunit nanindigan na “ang edukasyon ay susi sa oportunidad.”2 Inanyayahan ni Pangulong Hinckley na mag-ambag ang lahat ng gustong mag-ambag, at nagsimula na ang programa.

Ngayon, makaraan ang 10 taon, ang malalaki at maliliit na donasyon ng mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo ay nakatulong sa programa—at sa mga kalahok nito—na umunlad. Sinabi ni Elder John K. Carmack, miyembrong emeritus ng Pitumpu at Executive Director ng PEF, na ito ay “pagsagip sa mga Banal mula sa sumpa ng karalitaan.” Naging matagumpay ito sa pagsagip na iyon, sabi ni Rex Allen, volunteer director ng training and communications para sa PEF, dahil itinatag ito ayon sa mga walang-hanggang alituntunin at may kasamang mga pangako ng propeta na “higit ang epekto kaysa nauunawaan ng sinuman sa atin.”

Isang Mapangahas na Gawain

Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Hinckley noong 2001, ang pondo ay nalikha mula sa mga perang donasyon; ang patubong nagmumula sa puhunan ay ipinauutang sa mga estudyante.

Ang mga young adult na interesadong lumahok ay maaaring lumapit sa lokal na mga lider ng priesthood at institute director. Sa kanilang rekomendasyon, ang mga “may ambisyong kabataang lalaki at babae,” marami sa kanila ay mga returned missionary, ay tumatanggap ng pautang upang makapag-aral sa sarili nilang komunidad.3 Habang nag-aaral, sinisimulan nilang bayaran ang utang, kaya nagagamit din ng iba pang mga estudyante ang pondo.

Sa loob ng isang dekada mula nang pasimulan ito, napaunlad na ng programa ang buhay ng mga 50,000 kalahok sa 51 bansa, tinutulungang “makaahon [sila at ang mga henerasyong nauna sa kanila] sa kinamulatan nilang kahirapan,” tulad ng sinabi ni Pangulong Hinckley na mangyayari.4

Ganito inilarawan ni Brother Allen ang PEF: “May ginawang pambihira ang propeta sa araw na iyon. Noong araw, iniunat ni Moises ang kanyang tungkod sa ibabaw ng Dagat na Pula at nahati ang dagat. Ipinakita rin ni Pangulong Hinckley ang pananampalatayang ito nang gamitin niya ang katungkulan niya bilang propeta sa madilim na dagat ng kahirapan at pasimulan ang PEF.”

Mga Alituntunin

Ang Perpetual Education Fund ay ibinatay sa mga alituntunin ng ebanghelyo—pananampalataya at pag-asa kay Jesucristo, pag-aaral, paggawa, pagsasakripisyo, pag-asa sa sarili, integridad, at paglilingkod. Sinusunod ng mga kalahok sa PEF at mga nakatapos na ng pag-aaral sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga alituntuning ito sa kanilang buhay.

Sabi ni Carolina Tello Vargas, isang nagtapos mula sa Colombia, ang PEF ay “isang sinag ng pag-asa” at katibayan ng tulong ng Ama sa Langit, na “gumagabay [sa kanya] at nagbubukas ng daan tungo sa kaunlaran.”

Nauunawaan niya ang kahalagahan ng edukasyon at ng gawain at sakripisyong kailangan dito. Bago siya lumahok sa PEF, nagtrabaho si Carolina sa ilang kumpanya at ibinenta ang lahat ng kanyang alahas para makapag-aral ng abugasya. Nagsakripisyo rin ang kanyang pamilya.

“Alam ko na para makapag-aral, dapat akong magsakripisyo,” paliwanag ni Carolina. “Handa akong gawin iyon para magkaroon ako ng mas magandang trabaho sa hinaharap.”

Ngunit dumating ang mga hamon sa pamilya noong huling taon niya sa kolehiyo, at hindi siya nakabayad ng matrikula. Tumanggap siya ng pautang sa PEF at ginamit ito upang matagumpay na makatapos sa kanyang degree.

Isinabuhay rin si Shirley Mwelase ng South Africa ang mga alituntuning ito. Ginamit niya ang pautang sa PEF upang tapusin ang computer programming course at, nang magkatrabaho sa isang insurance company, agad niyang binayaran ang balanse ng kanyang utang, kaya nadama niya na siya ay “maaasahan at mapagkakatiwalaan.”

Ipinaliwanag ni Shirley, “Ang trabahong mas mataas ang suweldo ay magpapaganda ng buhay. Ibig sabihin nito matutulungan ko ang aking mga magulang at pamilya, at ang mga kasanayan at kahusayang napasaakin dahil sa trabaho ay nakatulong sa akin nang malaki upang higit na makapaglingkod sa lahat ng tungkulin ko sa Simbahan.”

Nagtatrabaho bilang programmer, marami siyang nagawa. Sabi niya, “Pakiramdam ko kung hindi sa pag-aaral ko at palagiang pagsisimba, hindi ako makapagtatrabaho, ni hindi ko magagawa ang anuman sa mabubuting bagay na ito.”

Mga Pangako at Pagpapala

Nang ipaalam ni Pangulong Hinckley ang Perpetual Education Fund, nangako siya na magdudulot ito ng mga pagpapala sa mga tao, sa kanilang mga pamilya at komunidad, at sa buong Simbahan sa pamamagitan ng mga pagkakataong magkapagtrabaho, maglingkod, at mamuno.

Nangako si Pangulong Hinckley na ang mga kalahok “ay makapag-aaral na upang makaangat sila sa kahirapang nakamulatan. … Mag-aasawa sila at susulong na may mga kasanayan para kumita nang malaki at magkaroon ng lugar sa lipunan kung saan malaki ang kanilang maiaambag.”5

Ang pangakong ito ay natupad para sa libu-libong kalahok sa PEF, pati na kay Pablo Benitez ng Uruguay. Si Pablo ay nagtatrabaho nang 12 oras sa isang araw sa isang grocery, na halos isang kahig-isang tuka ang buhay, nang ipasiya niyang baguhin ang kanyang buhay. Nagsimula siyang mag-aral, ngunit nang tumaas ang matrikula at iba pang bayarin, nalaman niyang hindi niya kayang tustusang mag-isa ang kanyang pag-aral.

Sa pamamagitan ng PEF, nakatapos siya ng degree sa physical education. Dahil dito, nakakuha siya ng ilang trabaho sa paglipas ng mga taon, na bawat isa ay mas mataas ang suweldo kaysa rati. Ikinuwento pa nga niya, “Madalas akong alukin ng full-time na trabaho o na humalili sa iba na hindi ko tinanggap dahil wala akong sapat na oras. At lahat ng ito ay dahil sa PEF at sa mga pagkakataong nabuksan sa akin dahil nakapag-aral ako.”

Dahil sa mga pagkakataong natamo sa pamamagitan ng edukasyon, masusuportahan na ni Pablo ang kanyang pamilya habang pinaglilingkuran at pinatatatag ang kanyang komunidad bilang isang guro.

Ang pagtatrabaho nang maraming oras para kumita nang sapat upang mabuhay at mabayaran ang ikapu ay magiging malaking hamon sa paglilingkod sa Simbahan, sabi ni Brother Allen. Mahirap ito para sa maraming miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo, ngunit ganito ang ipinangako ni Pangulong Hinckley sa mga kalahok sa PEF: “Magiging pinuno sila sa dakilang gawaing ito sa kanilang sariling bansa. Magbabayad sila ng kanilang ikapu at mga handog, na magpapalaganap sa gawaing ito ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo.”6

Nalaman ng maraming kalahok na ang edukasyong natamo sa pamamagitan ng PEF ay humahantong sa mas magagandang trabaho na nagbibigay sa kanila ng mas maraming oras para makapaglingkod sa Simbahan. Si Miriam Erquiza, isang returned missionary mula sa Pilipinas, ay nakatapos ng dalawang-taong web design program at, sa pamamagitan ng “taimtim na panalangin,” ay nakakuha ng trabaho sa isang travel agency. Dahil sa posisyong ito ay nasuportahan niya ang kanyang pamilya at nagkaroon ng oras para makapaglingkod bilang Young Women president at institute teacher.

Si Vanderlei Lira ng Brazil ay naglingkod nang anim na taon bilang branch president, at tinulungang lumago ang kanyang branch na mula 18 ay naging 110 ang aktibong mga miyembro, habang nagtatrabaho siya bilang isang trabahador dahil hindi siya nakatapos ng pag-aaral. Nang ipaalam ang PEF, nakapag-aral siya ng occupational safety at nakakita ng bagong trabaho, at lumaki ang kanyang suweldo at nabayaran niya kaagad ang kanyang utang. Patuloy siyang naglilingkod ngayon sa Simbahan. Inilarawan siya ng kanyang stake president bilang isang mahusay na pinuno at ama, “isang higanteng napalaya ng oportunidad.”

Sinabi ni Pangulong Hinckley sa mga miyembro ng Simbahan na magtatagumpay ang programa dahil ang Simbahan ay may “organisasyon … at matatapat na lingkod ng Panginoon” na mahalaga upang magtagumpay.7 Tunay ngang ang Perpetual Education Fund ay nagtatagumpay dahil kasama rito ang kooperasyon ng mga kalahok at mga lokal na lider ng priesthood sa pamamahala ng Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawang Apostol, at iba pang mga pangkalahatang pinuno ng Simbahan. Ang mga employment resource center at seminary at institute ng Simbahan ay lubos ding abala sa gawaing ito.

Ang mga epekto ng pondo ay walang katapusan hindi lamang sa pinansyal, dahil binabayaran ang pera at muling ipinauutang sa iba pang estudyante. May epekto rin ito sa espirituwal at sa lipunan dahil pinagpapala ang mga kalahok, donor, administrador, at napakarami pang iba sa hindi tuwirang paraan. “Edukasyon ang susi,” sabi ni Brother Allen, “upang mabuksan ang pintuan ng isang matibay na pader, hindi lamang para sa bawat tao kundi maging para sa kanilang pamilya at komunidad.”

Sa nagdaang 10 taon, nakatulong ang teknolohiya at karanasan sa magandang kaayusan ng proseso para sa mga kalahok at facilitator, ngunit hangad pa rin ng Perpetual Education Fund na maisakatuparan ang mithiin ng propeta para dito. Ang “mapangahas na gawain” na ito ay mananatiling gawain ng propeta. Ipinagpatuloy ni Pangulong Monson ang gawain ng pondo, na, sabi niya, ay “malayo ang mararating.”8

Mga Tala

  1. Tingnan sa “16th President Fields Questions from Media,” Church News, Peb. 9, 2008, 15.

  2. Gordon B. Hinckley, “Ang Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon,” Liahona, Hulyo 2001, 62, 67.

  3. Gordon B. Hinckley, Liahona, Hulyo 2001, 62.

  4. Gordon B. Hinckley, Liahona, Hulyo 2001, 62.

  5. Gordon B. Hinckley, “Umuunlad ang Simbahan,” Liahona, Hulyo 2002, 6.

  6. Gordon B. Hinckley, “Pagtulong upang Maiangat ang Kapwa,” Liahona, Ene. 2002, 62.

  7. Gordon B. Hinckley, Liahona, Hulyo 2001, 67.

  8. Thomas S. Monson, sa “16th President Fields Questions from Media,” Church News, Peb. 9, 2008, 15.

Sa loob ng dekada mula nang pasimulan ito, napaunlad ng Perpetual Education Fund ang buhay ng mga 50,000 kalahok sa 51 bansa, gaya ni Kevin Moore ng West Indies at mga kalahok mula sa Peru (kaliwa).

Si Miriam Erquiza, isang returned missionary mula sa Pilipinas, ay natanggap sa isang travel agency; dahil sa oras niya sa trabaho ay nagkaroon siya ng pagkakataong maglingkod bilang Young Women president at institute teacher.

Si Vanderlei Lira ng Brazil ay naglingkod bilang branch president nang anim na taon habang nagtatrabaho bilang trabahador. Nang makatapos sa pag-aaral dahil sa pautang sa PEF, nakakita siya ng bagong trabaho na mas mataas ang suweldo. Inilarawan siya ng kanyang stake president bilang “isang higanteng napalaya ng oportunidad.”

Mga larawang kuha ni Brian Wilcox; mga icon ni Brent Croxton