2011
Isang Tiyak na Patotoo
Disyembre 2011


Isang Tiyak na Patotoo

Elder Carl B. Pratt

Dahil lumaki ako sa isang aktibong pamilyang Banal sa mga Huling Araw, palagay ko lumaki akong may patotoo. Hindi ko talaga pinagdudahan kailanman ang katotohanan ng ebanghelyo. Gaya ng maraming tinedyer, paminsan-minsan ay may mga tanong ako sa isipan, ngunit hindi ko naisip kailanman na hindi totoo ang Simbahan.

Ang pananampalatayang ito ang nagbigay-inspirasyon sa akin na magmisyon. Alam ko na kailangan kong maglingkod. Ngunit kahit hindi ko talaga pinagdudahan ang Simbahan, natanto ko na kailangan kong magkaroon ng sariling patotoo.

Nagsimula ako sa misyon noong Pebrero 1961, at nilisan ko ang taglamig sa Salt Lake City at nagtungo sa Argentina noong tag-init doon. Walang nagtuturo ng wika sa mga misyonero noon, ngunit ipinangako sa amin ng aking mission president na mahusay kaming makapagsasalita ng Espanyol matapos basahin nang malakas ang buong Aklat ni Mormon. Natuto ako ng Espanyol noong bata pa ako at mahusay na nakapagsalita sa loob ng unang ilang linggo, ngunit sinunod ko pa rin ang mga bilin ng aking mission president.

Sa unang bayang iniatas sa akin, tumira kaming magkompanyon sa isang bahay sa likod ng isang lumang tindahan. Hindi kami makapagturo sa hapon sa oras ng pahinga sa Argentina, kaya ginamit ko ang oras na iyon para manalangin at magbasa ng Aklat ni Mormon sa pasukan sa harapan ng lumang tindahan.

Isang araw, libu-libong milya mula sa aking tahanan sa harapan ng tindahang iyon, tumigil ako para isipin kung ano ang aking binabasa. Kapag ipinagdasal at pinag-isipan mo ang Aklat ni Mormon, maaari kang maantig ng Espiritu. Pinag-isipan ko ang itinuturo ng Aklat ni Mormon, inisip ko ang pagsasalin ni Joseph Smith ng mga lamina, at bigla akong may nadama. Sa sandaling iyon nalaman ko na lahat ng naituro sa akin sa buong buhay ko ay totoo. Biglang nagliwanag sa akin na si Joseph Smith ay isang propeta at ang binabasa ko ay salita ng Diyos. Totoong lahat ito.

Nakakaantig ang biglaang damdaming iyon. Nadama ko iyon mula ulo hanggang paa. Hindi iyon dahil sa lamig o init. Kundi iyon ay isang tiyak na patotoo.

Hindi ko nalimutan ang araw na iyon kailanman, at maraming beses ko nang nadama ang Espiritu Santo mula noon. Dahil sa karanasang iyon, nakikilala ko ang Espiritu Santo kapag nagpapatotoo Siya sa akin. Ang damdaming iyon ay hindi pare-pareho, ngunit lagi iyong nakasisigla at nakapapanatag.

Kahit nagsasalita sa atin nang personal ang Espiritu, ang pangako ni Moroni ay para sa lahat (tingnan sa Moroni 10:3–5). Ang pangako ni Moroni sa Aklat ni Mormon ay patototohanan sa inyo ng Espiritu ang katotohanan ng Aklat ni Mormon kung kayo ay magbabasa, mag-aaral, magbubulay-bulay, at pagkatapos ay mananalangin nang may tunay na layunin. Ang pangakong iyan ay para sa akin, sa inyo, at sa lahat ng tao sa mundo. Isang tiyak na patotoo ang darating sa mga yaong naghahanap nito.

Paglalarawan ni Keith Larson