Kilalanin si Brother Joseph
Alam ninyo na si Joseph Smith ang unang propeta sa mga huling araw na ito, pero alam ba ninyo na mahilig siyang tumawa at magpatawa sa ibang tao? o na sila ng kanyang asawang si Emma ay nag-ampon ng kambal? Narito ang ilang bagay na maaaring hindi pa ninyo alam tungkol kay Propetang Joseph:
-
Si Joseph Smith Jr. ay isinilang noong Disyembre 23, 1805, sa Sharon, Vermont, USA, at isinunod ang pangalan sa kanyang ama. Ang mga kapatid ni Joseph, ayon sa edad, ay sina Alvin, Hyrum, Sophronia, Samuel Harrison, Ephraim, William, Katherine, Don Carlos, at Lucy.
-
Noong pitong taon si Joseph, nagkasakit siya ng tipus. Nawala ang kanyang lagnat pero naimpeksyon ang kanyang kaliwang binti. Siyam na pirasong buto ang inalis nang walang pampamanhid (pampawi ng sakit). Habambuhay na paika-ika ang paglakad niya.1
-
Si Joseph ay 14 nang unang manalangin nang malakas at makita ang Ama sa Langit at si Jesucristo (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17).
-
Ang panganay na kapatid ni Joseph, si Alvin, ay namatay noong 17 si Joseph. Pagkaraan ng halos 13 taon nakita ni Joseph si Alvin sa isang pangitain tungkol sa kahariang selestiyal (tingnan sa D at T 137:5–7).
-
Ayaw ni Isaac Hale, ama ni Emma, kay Joseph at ayaw niya silang magpakasal. Nagpasiyang magtanan sina Joseph at Emma at nagpakasal sila noong Enero 18, 1827.2
-
Sina Emma at Joseph ay 17 taon nang kasal at may 11 anak, na ang 6 ay bata pa nang mamatay.
-
Matapos matapyas ang isang ngipin niya nang sugurin siya ng mga mandurumog noong 1832, medyo nahirapan si Joseph na bigkasin ang ilang salita.3
-
Mahilig maglaro si Joseph. Kabilang dito ang paglalaro ng bola, wrestling, batuhan ng mga snowball, pamimingwit, at hatakan sa patpat.4
-
Inilarawan ng isang Banal sa mga Huling Araw noong araw ang boses ni Joseph na parang “mga kulog ng Langit.”5
-
Si Joseph ay malakas at matangkad, mga 6’2” (1.9 m) at may timbang na 200 libra (91 kg).6
-
Si Joseph ay hindi lamang Pangulo ng Simbahan, kundi tumakbo rin siya bilang pangulo ng Estados Unidos.7
-
Nang paslangin si Joseph, isinulat ni Elder John Taylor (1808–87), na noon ay nasa Korum ng Labindalawang Apostol, tungkol sa kanya, “Si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito” (D at T 135:3).