Mga Tanong at mga Sagot
“Paano ko mapananatiling maganda ang aking pananaw tungkol sa hinaharap?”
Lahat tayo ay dumaranas ng mga panahon na tila palaging dumadagsa ang kalungkutan at masasamang balita sa atin at kung minsan kahit sa buong mundo. Ngunit dapat nating alalahanin na may dahilan tayong umasa dahil sa ating pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.
Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2009, ipinaalala sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson ang utos ng Panginoon na “magalak” (D at T 68:6) at hinikayat tayo nang ganito: “Kahit magtipon ang mga ulap, kahit bumuhos sa atin ang mga ulan, ang ating kaalaman sa ebanghelyo at ating pagmamahal sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas ay aalo at magtataguyod sa atin at magdudulot ng kagalakan sa ating mga puso habang lumalakad tayo nang matuwid at sumusunod tayo sa mga kautusan. Walang anumang bagay sa mundo na makadadaig sa atin.”
Kahit mukhang malabo ang mga bagay-bagay, at wala kahit isang palatandaan na titigil ang unos sa paligid, makatutulong ang ating pag-unawa sa ebanghelyo para manatiling maganda ang ating pananaw tungkol sa hinaharap. Sabi nga ni Pangulong Monson sa mensahe ring iyon: “Ang hinaharap ay kasingliwanag ng inyong pananampalataya” (“Magalak,” Liahona, Mayo 2009, 92).
Magbasa, Manalangin, Ngumiti
Ilang taon na ang nakararaan, binigyan kami ng Young Women general presidency ng 100 porsiyentong hamon: basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw, manalangin araw-araw, at ngumiti. Naisip ko na susubukan ko ito at gagawin ko hangga’t kaya ko. Sa gulat ko, malaking pagbabago ang idinulot ng hamon sa buhay ko. Mas masaya ako, napasaakin ang Espiritu, at maganda ang aking pananaw. Kahit na makakaranas pa rin ako ng paghihirap, nakatulong sa akin ang lakas ng Espiritu para makatiis nang maligaya.
Ariana G., edad 16, Virginia, USA
Magkaroon ng Pag-asa
Palagay ko ang pinakamagandang magagawa natin para magkaroon ng magandang pananaw ay ngumiti at magkaroon ng pag-asa! Ang pag-asa ay nakatulong sa buong buhay ko sa napakaraming paraan. Dapat din nating isipin kung gaano tayo kapalad at malaman kung gaano tayo kamahal ng ating Ama sa Langit. Maaari tayong bumaling sa Kanya upang mapanatag sa anumang sitwasyon. Nagdusa ang Kanyang Anak para sa atin, kaya alam Niya ang ating mga pasakit. Sa pamamagitan Niya maaari tayong magkaroon ng pag-asa, mapagaling, at siyempre pa, magiging masaya tayo.
Corey D., edad 18, Utah, USA
Isipin ang Pagbabayad-sala
Ang pag-iisip tungkol sa Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas ay laging nagbibigay ng pag-asa at tutulungan tayong maging masaya. Lahat tayo ay dumaranas ng mga pagsubok sa buhay na ito. Ngunit sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, lahat ng pagsubok at problema, kapwa temporal at espirituwal, ay may solusyon. Ipinapakita sa atin ng Pagbabayad-sala ang mga solusyong ito. Ang Pagbabayad-sala ay isang dakilang pagpapamalas ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak. Ito ay walang hanggan, gayundin ang Kanyang pagmamahal sa atin. Bibigyan tayo nito ng tapang at lakas na harapin ang kinabukasan nang walang takot.
Daryl A., edad 18, Laguna, Philippines
Manatiling Tapat
Ang nakaliligalig na mga panahong ito ay bahagi ng plano ng Panginoon at naipropesiya na noon pang panahon ng Lumang Tipan. Sa buong banal na kasulatan, ipinangako ng Panginoon na pagpapalain at pangangalagaan ang mabubuti. Kapag nanatili kayong tapat, sasainyo ang Espiritu Santo upang gabayan kayo sa napakagulong panahong ito, upang panatagin kayo, at ipaalala sa inyo na may plano ang Panginoon para sa inyo. Kung mayroon na kayong patriarchal blessing, pag-aralan ito upang malaman ang inilaan sa inyo ng Panginoon.
Rae B., edad 17, Washington, D.C., USA
Isipin ang Inyong mga Pagpapala
Isa sa mga bagay na nagbibigay sa akin ng galak at pag-asa sa nakaliligalig na mga panahong ito ay ang pagtigil sandali at isipin ang aking mga pagpapala at kaalaman tungkol sa ebanghelyo. Ang isang bagay na kasingsimple ng pagkakaroon ng matalik na kaibigan o kasingganda ng plano ng kaligtasan ay nagdudulot sa akin ng labis na galak at hinihikayat akong ibahagi ang kagalakang iyon. Pinananatili nitong maganda ang aking pananaw.
Annette M., edad 15, Michigan, USA
Alalahanin ang Templo
Kapag pinanghihinaan ako ng loob, pinagninilay-nilay ko ang mga salita sa dulo ng tema ng Young Women: “Naniniwala kami na sa pagtanggap at pagsasagawa namin ng mga pinahahalagahang ito, magiging handa kaming palakasin ang tahanan at mag-anak, gawin at sundin ang mga sagradong tipan, tanggapin ang mga ordenansa sa templo, at tamasahin ang mga biyaya ng kadakilaan.” Napapanatag ako sa mga salitang ito, at alam ko na matutupad ang mga ito sa buhay ko at sa buhay ng lahat ng mabubuting kabataang babae. Walang dudang may pag-asa ako sa mga sagradong ordenansa sa templo. Ang mga pagpapala ng mabuting pamumuhay ay walang katapusan, at habang inaalala ko ang mga bagay na ito, napupuspos ng galak, pag-asa, pagmamahal, at tapang ang puso ko.
Nathalia M., edad 18, Mérida, Venezuela
Sumama sa Panig na Magwawagi
Para mapanatili ang magandang pananaw, kailangan mong malaman ang simpleng katotohanang ito: ang panig ng Panginoon ang magwawagi sa huli. Ganyan kadali iyon. Walang kapangyarihan si Satanas sa Diyos. Dahil alam na natin kung sino ang magwawagi, kailangan tayong manatili sa panig ng Panginoon. Kapag namuhay tayo nang karapat-dapat para makapasok sa templo, suot natin ang ating uniporme na nagpapakita sa Panginoon na nasa panig Niya tayo. Sa pagbabasa ng ating mga banal na kasulatan, pagdarasal, at paglilingkod sa ating mga kapatid, natatagpuan natin ang tunay na kaligayahan kaya mas madaling magkaroon ng magandang pananaw.
Brayden F., edad 17, Utah, USA
Maging Mapagpasalamat
Huwag magtuon sa nakaliligalig na mga panahon. Nagsusulat ako sa isang “Journal ng Pasasalamat.” Araw-araw sumusulat ako ng kahit isang bagay lang na pinasasalamatan ko sa araw na iyon. Gaano man kapangit ang araw, lagi akong nakakakita ng isang bagay na mapasasalamatan. Bilangin ang iyong mga pagpapala. Ang pagiging mapagpasalamat ay makatutulong sa iyo na magtuon sa magagandang bagay sa buhay mo.
Ashlee H., edad 18, Oklahoma, USA