Paano Ko Nalaman
Nagbuhos ng mga Pagpapala ang Panginoon
Naisip ko, “Sino ang Diyos? Si Buddha ba, si Jesucristo, o iba pang diyos?”
Isinilang ako sa Cambodia, kung saan karamihan sa mga tao ay Buddhist. Nang patayin ng rehimeng Khmer Rouge ang napakaraming tao, hindi maunawaan ng marami sa mga nakaligtas kung bakit hinayaan ng Diyos, kung may Diyos nga, na mangyari ito sa aming lahi. Sa edad na 14, naisip ko rin iyon.
Nang magwakas ang rehimen, nagsimulang tanggapin ang ilang relihiyon sa Cambodia. Nalito ako dahil napakaraming iba’t ibang bagay ang itinuro ng mga simbahan. Nanatiling Buddhist ang pamilya ko, ngunit nais kong masagot ang mga tanong ng aking kaluluwa: saan tayo nanggaling, bakit tayo narito, at saan tayo tutungo pagkamatay natin?
Isang araw pag-uwi ko mula sa paaralan, sinabi sa akin ng tita ko na may dumating sa bahay niya na dalawang binatang nakaputing polo at nakakurbata at kinausap siya tungkol kay Jesucristo. Nagulat siya dahil mahusay silang magsalita ng Cambodian. Ginusto kong matuto tungkol kay Cristo. Gusto kong malaman kung sino ang lumikha sa atin. Naisip ko, “Sino ang Diyos? Si Buddha ba, si Jesucristo, o iba pang diyos?”
Tinanggap namin ng tita ko ang mga misyonero. Sa unang talakayan, nadama namin ang Espiritu na nagsabi sa amin na totoo ang sinabi nila. Binigyan nila kami ng Aklat ni Mormon at ipinangako na kung babasahin namin ito, pag-iisipan ito, at tatanungin ang Diyos nang taos-puso, na sumasampalataya sa Kanya, ihahayag Niya ang katotohanan sa amin. Makabuluhan iyon para sa akin. Tinanggap ko ang ebanghelyo, kasama ng tita ko at kanyang mga anak. Mga isang buwan pagkaraan, nabinyagan at nakumpirma kaming lahat.
Dumalo ako sa seminary nang apat na taon at institute nang isang taon at naglingkod bilang seminary teacher. Sa edad na 19, nadama ko na dapat akong magmisyon. Kinausap ko ang mga magulang ko, at sinabi nila na magandang ideya siguro iyon, kaya nag-aplay ako. Isang buwan pagkaraan natanggap ko ang tawag na maglingkod sa Sacramento California Mission, na Ingles at Cambodian ang salita.
Dahil tinanggap ko ang tawag, maraming pagpapalang ibinigay sa akin ang Diyos. Hindi maganda ang mga desisyon ng nakababata kong kapatid na lalaki. Ipinag-ayuno at ipinagdasal ko siya, at isang himala ang nangyari bago ako lumisan para magmisyon. Bininyagan ko siya, at ngayon ay aktibo siya sa Simbahan at dumadalo sa seminary. Tumanggap ng maraming iba pang pagpapala ang aking pamilya, at nagbuhos din ng mga pagpapala ang Panginoon sa akin sa misyon ko.
Si Jesus ang Cristo. Siya ay Buhay. Mahal Niya ang bawat isa sa atin at kilala Niya tayo sa pangalan. Alam Niya ang ating mga hamon at balakid sa buhay, at alam kong pagpapalain Niya tayo kapag nagsikap tayong sundin ang Kanyang mga kautusan.