2011
Sila ang Dapat Magbago
Disyembre 2011


Sila ang Dapat Magbago

Nang binyagan ako, inayawan ng pamilya ko ang Simbahan. Kinailangan ko nang isipin kung paano tumugon kapag salungat sa mga alituntunin ng ebanghelyo ang kanilang pamumuhay.

Nang binyagan ako, ako lamang ang tanging miyembro ng pamilya na tumanggap sa ebanghelyo. Ako ay 19 na taong gulang, at masaya ako na nagpabinyag ako. Malugod akong binati ko ng mga miyembro sa Panuco First Branch sa Veracruz, Mexico. Bukod pa rito, nagsimula akong maghanda para sa full-time mission noong isang taon na akong miyembro ng Simbahan. Napakagandang malaman ang totoong Simbahan, at nais kong ibahagi ang ebanghelyo sa iba.

Inayawan ng aking ama, madrasta (namatay ang aking ina noong ako ay 12 taong gulang), at tatlong kapatid na lalaki ang Simbahan nang binyagan ako. Sa kasamaang-palad, hindi maganda ang ipinakita ko sa kanila. Hindi ko sila iginalang. Hindi ko isinaalang-alang ang aking ama o ang kanyang mga opinyon. Nang sabihin ko sa kanya na malapit na akong magmisyon, hindi siya naging masaya dahil titigil ako sa trabaho at lalo na’t baka mapalayo ako nang husto. Naliligalig ako tuwing salungat ang ginagawa ng pamilya ko sa mga prinsipyo ko, tulad ng panonood ng TV o pakikinig sa mga programang musikal na pakiramdam ko ay hindi angkop tuwing Linggo o kapag niyayaya ako ng aking ama na mananghalian sa Linggo ng ayuno.

Pinangatwiranan ko ang pangit kong pag-uugali sa aking pamilya sa pagsasabi sa sarili ko na wala akong ginagawang masama—bilang miyembro ng Simbahan, dapat kong ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo kahit naliligalig ako sa mga kapamilya ko. Sinabi ko sa sarili ko na sila ang dapat magbago. Dahil sa katwirang ito, hindi naging maganda ang relasyon naming mag-ama. Lumala pa ito dahil sa pag-uugali at kayabangan ko. Nagpatuloy akong ganito—walang pakialam sa kanyang espirituwal na kapakanan.

Isang araw habang nag-aaral ako para sa institute class, nabasa ko ang 1 Nephi 16, kung saan nabali ni Nephi ang kanyang busog na bakal, kaya naging mahirap makakuha ng pagkain. Nagsimulang bumulung-bulong ang lahat—sina Laman at Lemuel, na ugali na nila, pati na ang kanilang ama, ang propetang si Lehi. Tumugon si Nephi sa pamamagitan ng paggawa ng busog at pana at pagtatanong sa kanyang ama kung saan siya dapat magpunta para makakuha ng pagkain. Nanalangin ang kanyang ama para mapatnubayan at pinagsabihan ito ng Panginoon dahil sa pagbubulung-bulong. Maganda ang naging tugon ni Lehi at muling ginampanan ang kanyang tungkulin bilang pinuno ng kanyang pamilya at bilang propeta ng Panginoon. Hindi hinatulan ni Nephi ang kanyang ama sa kahinaan nito, ni hindi niya inisip na hindi na siya nararapat maging propeta, kahit nakausap na ni Nephi ang Panginoon at nakatanggap na siya ng mga pangitain.

Nang mabasa at maunawaan ko ang kuwentong ito, agad kong naisip kung gaano kasama ang pag-uugali ko sa aking pamilya. Napahiya ako dahil sa ugali ko—na madama na mas mabuti ako kaysa sa kanila—at lalo pang nalungkot dahil hindi ko iginalang ang aking ama. Nalungkot ako dahil hindi ko binigyan ng prayoridad ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa kanila.

Hindi ko nakita ang maaaring kahinatnan ng aking pamilya. Nagtuon lamang ako sa kanilang mga kahinaan. Mula noong araw na iyon, unti-unting nagbago ang pag-uugali at asal ko. Sinikap kong laging igalang ang mga opinyon ng aking ama, kahit maraming pagkakataon na hindi ako sang-ayon sa kanya. Kapag niyayaya niya akong mananghali sa oras na nag-aayuno ako, humihingi na lang ako ng paumanhin na hindi ko siya masamahang mananghalian. Hindi na ako naliligalig sa mga programa o musikang pinanonood o pinakikinggan nila tuwing Linggo, na inaalalang hindi pa sila nakikipagtipan sa ating Ama sa Langit, na katulad ko.

Isang umaga habang tinutulungan ko ang aking ama sa paghahanda ng pagkain, sinabi ko sa kanya kung gaano ko siya kamahal at humingi ako ng paumanhin sa masamang inasal ko. Sinabi ko sa kanya na ipinagmamalaki ko siya bilang ama at gusto kong magkaroon kami ng maayos na relasyon.

Nagsimulang magbago ang lahat. Nabawasan at nawala ang mga pagtatalo. Bagaman inisip ko na magtatagal pa bago sumapi ang pamilya ko sa Simbahan, bumuti ang saloobin nila tungkol sa Simbahan. Wala sa mga pagbabagong ito ang nangyari kung hindi ako ang unang nagbago.

Matapos maging miyembro ng Simbahan nang isang taon, naglingkod ako bilang full-time missionary sa Mexico Tijuana Mission. Tatlong buwan bago ako umuwi, tumanggap ako ng liham na nagsabing tinanggap ng pamilya ko ang ebanghelyo at bibinyagan na. Pagbalik ko, kasapi na sila ng Simbahan.

Sa 15 taon kong pagiging miyembro ng Simbahan, ang isa sa pinakamahahalagang aral na natutuhan ko ay nagmula sa pag-aaral ko ng Aklat ni Mormon at sa mga anak ng Diyos na pinakamalapit sa akin: ang aking pamilya.

Paglalarawan ni Dan Burr