Mga Kabataan
Pagbabahagi sa Isang Kaibigan
Isang araw habang nag-aaral para sa seminary class ko, nakadama ako ng maganda at malinaw na impresyon. Habang binabasa ko ang aralin para sa susunod na araw, nakita ko sa aking isipan ang mukha ng isang kaibigan ko sa eskuwela at nadama ko na dapat kong ibahagi sa kanya ang aking patotoo.
Sa kabila ng malinaw na impresyong ito, natakot ako. Nag-alala ako na baka hindi ako pansinin ng kaibigan ko, lalo na’t tila hindi siya ang klase ng babae na magiging interesadong sumapi sa Simbahan.
Naalala ko ang mensahe ni Sister Mary N. Cook ng Young Women general presidency kung saan hinamon niya kaming magsikap at maging magiting.1 Gusto kong maging ganito, kaya sinulatan ko ang babaeng ito at nagpatotoo ako tungkol sa katotohanan ng Simbahan at sa pagmamahal ko sa Aklat ni Mormon. Kinabukasan naglagay ako ng kopya ng Aklat ni Mormon, na may liham ko, sa kanyang bag.
Nagulat ako na nakahanda siyang tanggapin ang ebanghelyo. Simula sa araw na iyon, sinasabi na niya sa akin ang natutuhan niya sa kanyang pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Pagkaraan ng ilang linggo, ipinakilala ko siya sa mga missionary. Halos agad-agad, natanggap niya ang pagpapatibay ng Espiritu Santo na ang kanyang natututuhan noon ay totoo. Napaiyak kami ng mga missionary nang sabihin niya sa amin ang kanyang saloobin. Hindi nagtagal nabinyagan ang kaibigan ko, at namangha ang kanyang mga magulang sa nakitang mga pagbabago sa kanya.
Napakasaya ko na nadaig ko ang aking mga kinatatakutan at nakatulong ako sa paghahatid ng ebanghelyo sa kanyang buhay.