Nagtuon ang mga Apostol sa Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo nang Bumisita Sila sa Pilipinas
Bumisita sina Elder David A. Bednar at Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol, kasama ang iba pang mga pinuno ng Simbahan, sa Philippines Area mula Agosto 24 hanggang Setyembre 2, 2012.
Sa mga priesthood leadership conference, young single adult devotional, stake conference, at mission meeting, nagturo ng doktrina ang mga Kapatid at hinikayat nila ang mga Banal na palakasin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.
Sa Laguna, sinagot ni Elder Bednar ang mga tanong ng mga young single adult sa isang espesyal na pulong. Ipinaliwanag niya, “Gumamit ng mga tanong ang Tagapagligtas bilang isa sa Kanyang mga pangunahing kasangkapan sa pagtuturo. Kung sisikapin nating magtanong ng mga bagay na inspirado at epektibo habang nagninilay at nagdarasal tayo, kayo at ako ay maaaring matuto sa paraang makatatanggap tayo ng inspirasyon at malalaman natin ang sagot sa ating sarili mula sa Espiritu Santo.”
Sa araw ng Linggo sa chapel, punung-puno ng mga miyembro ang mga cultural hall, at iba pang mga silid sa paligid ng Legazpi Stake Center nang ituro ni Elder Cook na, “Huwag hayaang magambala ng inyong mga pagdududa ang inyong pananampalataya.”
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga lalaki at babae bilang pantay na magkatuwang sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa na itinuro sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (Liahona at Ensign, Nob. 2010, 129).
Binati ni Elder Cook ang mga miyembro sa pagtatapos ng pulong.
Naglakbay ang mga miyembro at missionary sa Iloilo, sa Panay Island, nang hanggang limang oras sakay ng barko at bus para dumalo sa mga pulong kung saan itinuro ni Elder Bednar na palakasin nila ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at tulungan ang iba na lumapit kay Cristo.
“Narito tayo para ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo, pero dapat nating tandaan na ang tunay na guro ay ang Espiritu Santo,” pagbubuod ni Sister Manguil, isang full-time missionary na naglilingkod sa Philippines Iloilo Mission.
Sa Cagayan de Oro sinabi ni Elder Cook sa mga young adult sa lugar, “Ang inyong kabutihan ay kailangan, at kailangang maging mas matatag ang bansang ito. Magkakaroon ng epekto [ang] lakas ng Simbahan sa Pilipinas na magpapala sa mga tao sa buong Asya.”
Hinikayat niya ang mga miyembro na magtuon sa pinakamahalaga, alisin ang mga pagdududa, manampalataya, at magpakasal sa templo.
“Ang tiyempo ng mga turo ng mga alituntunin at mga ideya mula sa banal na kasulatan na ibinahagi nila ay [napaka]halaga,” sabi ni Iligan Philippines Stake president Carlo V. Crisanto. “Walang pagsala na ang mga alituntuning iyon ang kailangan natin ngayon. … Sa lahat ng tungkulin natin, ang pinakamahalaga ay sa pamilya.”
Tinapos ng mga Apostol ang kanilang pagbisita sa Pilipinas sa pakikipag-usap sa dalawang senador ng bansa at pagdalo sa kultural na kaganapang nagtampok sa mga kabataan sa lugar.