Sa mga Balita
Nasa Wikang Lao na Ngayon ang Aklat ni Mormon
Mahigit 4,500 miyembro ng Simbahan sa Laos, Thailand, at mas maliliit na grupo sa Estados Unidos at Canada ang may access na ngayon sa buong Aklat ni Mormon sa wikang Lao.
Ang pagsasalin sa bagong wika ay makukuha sa softcover sa lokal na mga distribution center ng Simbahan at online sa store.lds.org (item blg. 35607331) at LDS.org.
Tinulungan ng Leadership Training Library ang mga Miyembro sa mga Bagong Tungkulin
Mahigit isang taon matapos ilunsad patuloy na nagiging mahalagang sanggunian ang Leadershiplibrary.lds.org sa mga miyembro—na naglalaman ng humigit-kumulang 100 video sa 11 wika na nag-aalok ng tulong hinggil sa iba’t ibang tungkulin sa Simbahan.
Kabilang sa mga video ang walang script na recording ng totoong mga ward at branch sa iba’t ibang bansa. Kapag natukoy ng mga Area Presidency ang karagdagang mga pangangailangan sa training, magdaragdag ng bagong materyal sa library bawat quarter.
“Ang layunin ng [Leadership Training Library] ay tulungan ang mga lokal na lider na matutuhan, maituro, at masunod ang mga alituntunin at patakaran mula sa handbook,” sabi ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Nilikha ng mga Lider ang Ikalawang Stake sa Russia, Ikawalo sa Italy
Noong Setyembre 9, 2012, ang araw na naging 88 taong gulang si Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, nilikha niya ang St. Petersburg Russia Stake—ang ikalawang stake sa Russia.
Pitong araw pagkaraan, hinati ni Elder Ronald A. Rasband ng Panguluhan ng Pitumpu ang Milan Italy Stake para likhain ang bagong Milan Italy East Stake. Ang Milan Italy Stake ay tinawag nang Milan Italy West Stake.
Binisita ng mga Pinuno ng Simbahan ang mga Pinuno ng Pamahalaan sa Croatia at Bosnia
Kinausap nina Elder Ronald A. Rasband ng Panguluhan ng Pitumpu at Elder Kent F. Richards, Pangalawang Tagapayo sa Europe Area Presidency, ang mga pinuno ng pamahalaan sa Croatia at Bosnia at sa Herzegovina noong Setyembre 2012.
Sa Croatia, kinausap ni Elder Rasband si President Ivo Josipović at nangako siya na patuloy na patatatagin ng Simbahan ang pamilya.
Noong Setyembre 12, kinausap ni Elder Rasband si Željko Komšić, isa sa tatlong-taong panguluhan ng Bosnia at Herzegovina, sa unang-unang pakikipagkita ng isang pinuno ng Simbahan sa isang pinuno ng pamahalaan mula sa Bosnia.
Inilarawan ni President Komšić ang iba’t ibang relihiyong umiiral sa Bosnia at malugod na tinanggap ang Simbahan bilang miyembro ng komunidad na iyon. Ipinaliwanag ni Elder Rasband na mataas ang prayoridad ng Simbahan sa pamilya at inaasam ng mga miyembro na masuportahan ang adhikaing ito sa Bosnia at Herzegovina.