Pagiging Disipulo sa Lahat ng Panahon, sa Lahat ng Bagay, sa Lahat ng Lugar
Si Melissa Merrill ay nakatira sa Idaho, USA.
Nang ipaliwanag ni Alma ang tipan ng binyag sa mga Tubig ni Mormon, itinuro niya na kabilang dito ang pagtayo bilang saksi ng Diyos “sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9). Ito ay isang pamantayan na sinisikap ng mga disipulo ng Tagapagligtas na ipamuhay ngayon at isang tipan na pinaninibago linggu-linggo sa pulong ng sakramento, kapag nangangako ang mga miyembro ng Simbahan na “laging [a]alalahanin” ang Tagapagligtas (D at T 20:77).
Ano ba talaga ang katangian ng taong namumuhay bilang isang disipulo? Inanyayahan ng Church Magazines ang mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo na lumahok sa tinawag naming isang “eksperimento sa pagiging disipulo.” Ibig sabihin, inanyayahan namin ang mga miyembrong ito na magtuon sa isang partikular na turo ni Jesucristo o kuwento tungkol sa Kanya, lagi nilang pag-aralan at pagnilayan ang napili nilang iyon sa loob ng isang linggo, at ireport kung paano nakaapekto ang masigasig na pag-aaral tungkol sa buhay at mga turo ng Tagapagligtas sa kanilang pagsunod sa Kanya “sa lahat ng panahon” sa kanilang buhay.
Pagiging Disipulo sa Lahat ng Panahon
Para kay Kara Laszczyk ng Utah, USA, ang kahulugan sa kanya noon pa man ng pagiging disipulo ay hangaring sundin si Jesucristo at maging higit na katulad Niya at handang magsakripisyo at maglingkod sa pagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo. Ngunit sa wari niya ay napipigilan siya ng kanyang pagkamahiyain.
“Ugali ko na ang manahimik sa isang tabi dahil hindi ako komportableng magsalita at makipag-usap sa ibang tao,” paliwanag niya. “Masyado kong inaalala ang iniisip ng ibang tao tungkol sa akin sa halip na kung ano ang pagkakakilala ko sa aking sarili at ang pagkakakilala ng Tagapagligtas sa akin.”
Gayunman sinabi ni Sister Laszczyk na ang buong linggong eksperimento sa pag-aaral niya ng Lucas 7, na tumatalakay sa pagmiministeryo ng Tagapagligtas sa ilang tao, ang dahilan para pag-isipan niyang muli ang kanyang mga hangarin. Itinanong niya sa kanyang sarili: “Ang ginagawa ko ba ay dahil sa tunay kong hinahangad na maging katulad ng Tagapagligtas at mahalin ang aking kapwa, o ginagawa ko lang ang mga dapat kong gawin para gumanda ang pakiramdam ko dahil alam kong nagampanan ko ang isang tungkulin? Mas inaalala ko ba ang kapakanan ng iba o ang iisipin ng iba sa mga ginagawa ko?”
Sabi niya, natanto niya na bahagi ng pagsunod sa Tagapagligtas—na gawin ang gagawin Niya sa isang sitwasyon—ay nangangahulugan ng pagmamahal at paglilingkod kapag kailangan siya, hindi lamang kapag madali itong gawin.
“Ang pagiging disipulo ay pinagsisikapan,” sabi niya. “Hindi ito laging madali. Ang oras, lakas, at iba pang bagay na ating isinakripisyo sa ating mapagkandiling paglilingkod sa kapwa ay tutulong sa atin na mas mapalapit sa Tagapagligtas.” At, dagdag pa niya, nahikayat siya nang malaman niyang hindi tayo pinatatakbo ng Panginoon nang mas mabilis kaysa ating lakas (tingnan sa Mosias 4:27) ni gawin ang mga bagay na hindi natin kayang gawin nang walang tulong Niya.
Nakatulong kay Sister Laszczyk ang kaalaman sa mga alituntuning iyon upang makibahagi sa pag-aayuno para sa mga miyembro ng pamilya, kahit hirap siyang mag-ayuno noong una. Ang kaalamang iyon ay naghikayat din sa kanya na baguhin ang iba pa niyang ugali.
“Gusto kong humanap ng iba pang mga pagkakataon na makapaglingkod sa halip na maghintay na lang na may mangailangan ng mga boluntaryo,” sabi niya. “Gusto kong maging mas mahusay na visiting teacher. Gusto kong humanap ng paraan na makapaglilingkod ako sa komunidad sa labas ng Simbahan. Gusto kong ang una kong maisip ay ‘Ano ang magagawa ko para sa kanila?’ o ‘Ano ang kailangan nila?’ at hindi ‘May oras ba ako?’ o ‘Ano ang mapapala ko rito?’
“Kailangan natin ang ating Tagapagligtas,” pagtatapos niya, “pero kailangan din tayo ng ating Tagapagligtas. Kailangan Niya tayo para tulungan at pasiglahin ang bawat isa.”
Sinabi ni Francisco Samuel Cabrera Perez ng Chihuahua, Mexico, na hindi niya itinuturing ang kanyang sarili na isang masamang tao; hinahangad niyang sundin ang mga utos at gampanan ang kanyang mga tungkulin sa kanyang pamilya at sa kanyang kapwa-tao simula nang mabinyagan siya sa edad na 16. Ngunit ang eksperimento na may kinalaman sa pag-aaral ng buhay ng Tagapagligtas ay nakatulong sa kanya na maunawaan na ang pagiging disipulo ay praktikal o ginagawa at hindi teoriya lamang.
Sa pag-aaral ng Juan 6:27–63, ang sermon kung saan tinawag ng Tagapagligtas ang Kanyang Sarili na Tinapay ng Kabuhayan, natanto ni Brother Cabrera na may ugali rin siyang taglay ng marami: ang unahin ang sarili niyang kapakanan.
“Lagi akong may isa o maraming ‘dahilan’—mga pangangatwiran—para ipagpaliban ang aking mga tungkulin,” paliwanag niya. Mga ideyang katulad ng “Sandali lang” o “Bukas na” o “Hindi kailangang magmadali” ang pumapasok sa kanyang isipan, sabi niya, na “patuloy na humahadlang sa aking pamilya, trabaho, pakikihalubilo, at, higit sa lahat, sa aking walang-hanggang pag-unlad.”
Kapag sinusunod lamang natin ang Tagapagligtas pagkatapos nating gawin ang gusto natin, tayo ay nagiging “parang mga disipulo,” hindi tunay na mga disipulo, sabi niya. Nag-ibayo ang sariling katapatan ni Brother Cabrera nang mabasa niya ang katapatan ng Tagapagligtas sa pagsunod sa kalooban ng Ama, at higit niyang naunawaan kung paano siya tinutulungan ng pagtanggap ng sakramento na “hubarin ang likas na tao” (Mosias 3:19).
“Nagpapailalim ako sa impluwensya ng Banal na Espiritu at hinahayaan ko ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na mapabanal ako,” paliwanag ni Brother Cabrera. “Para mangyari ito, kailangan kong taglayin ang mga katangian ni Cristo: maging katulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa kalooban ng Panginoon” (tingnan sa Mosias 3:19).
Nang sikapin ni Brother Cabrera na hubarin ang likas na tao, mas minahal niya ang Ama sa Langit at si Jesucristo, ang kanyang pamilya, ang kanyang mga lider, at iba pa niyang kasamahan. Nakita niya na humusay siya sa trabaho. At higit sa lahat, nakita niya na nagalak siya—hindi nahirapan—sa paggawa ng mga bagay-bagay para itayo ang kaharian ng Diyos.
“Kahit dati-rati ay itinuturing kong pasanin ang pagiging disipulo ng Tagapagligtas, nakikita ko na ngayon na malambot ang Kanyang pamatok at magaan ang Kanyang pasan” (tingnan sa Mateo 11:30), sabi ni Brother Cabrera. “Iyan ang dakilang plano ng kaligayahan: ang sundin si Jesucristo at magalak sa Kanya ngayon at sa mga kawalang-hanggan.”
Pagiging Disipulo sa Lahat ng Bagay
Pinag-aralan ni Chioma N., edad 15, ng Nigeria, ang Juan 7 at 3 Nephi 14 bilang bahagi ng hangarin niyang maging mas masunurin. Inaamin niya na mahirap “gawin ang ilang bagay na kinaiinisan kong gawin—lalo na ang paglilinis ng kusina kapag pagod ako.” Pero hangad din niyang “mahalin ang mga tao sa kanyang paligid,” at nalaman niya na ang pagsunod ay paraan para ipakita ang pagmamahal na iyon (tingnan sa Juan 14:15).
Nang pag-aralan ni Chioma ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa pagsunod at mabasa ang Kanyang pagpapasakop sa kalooban ng Ama sa Langit, naunawaan niya na dahil alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na tayo ay magkakasala at maliligaw, binigyan Nila tayo ng mga kautusan para tulungan tayong manatili sa makipot at makitid na landas. Nalaman din niya na kapag hindi tayo sumunod, hindi tayo makapapasok sa kaharian ng Diyos.
“Nalaman ko na walang perpektong tao, ngunit sa pagsunod, mapagsisikapan nating lahat na maging perpekto,” sabi niya. “At nalaman ko na dapat tayong maging masunurin para mapagpala tayo ng Ama sa Langit.”
Naipakita niya ang kanyang pagkamasunurin sa paaralan nang utusan siyang magwalis sa silid-aralan kahit hindi siya ang dapat gumawa nito.
“Mapagpakumbaba akong sumunod nang makinig ako sa Espiritu Santo na nagsasabi sa akin na sumunod at walisan ang silid. Nagulat ang mga kaklase ko, at maging ang aming guro. Dahil sa nangyaring ito, alam na ngayon ng mga tao na masunurin at mapagpakumbaba ako. Masaya ako sa buong linggo dahil masunurin ako.”
Si Michelle Kielmann Hansen ay lumaki sa Greenland at nakatira ngayon sa Denmark, dalawang lugar na kapwa may kulturang “nagpapakita ng kabaitan at pagkamatulungin,” sabi niya. Sa maraming aspeto, sabi niya, ang mga lugar na natirhan niya ay nakatulong para mas madali niyang matularan si Cristo sa kanyang pamumuhay.
Pero sa ibang paraan, sinabi niya na mahirap ipaunawa sa mga tao na ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay hindi lamang paminsan-minsan ginagawa kundi isang paraan ng pamumuhay. Ang mga kabarkada raw niya, pati na ang dalawang kasama niya sa kuwarto na hindi miyembro, ay madalas mahirapang unawain ang pamumuhay na kinapapalooban ng “lahat ng oras na iyon sa simbahan,” pagpunta sa templo, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at buwanang pag-aayuno. Nagiging mas mahirap pang mamuhay bilang disipulo kapag naharap siya sa masamang media, magaspang na pananalita, o iba pang negatibong impluwensya sa labas. “Dahil sa mga impluwensyang iyon,” sabi niya, “napakahirap alalahanin na talagang ako ay disipulo ni Jesucristo.”
Inamin ni Sister Hansen na mahirap maging young adult sa isang mundong ang moralidad ay tila pabagu-bago. Sa ilang pagkakataon, madaling magdesisyon kung alin ang tama at mali. Sa ilang pagkakataon, hindi ito madali. Ngunit, sabi niya, kahit kung minsan ay kumplikado ang mga sitwasyong nakakaharap niya, simple lang ang mga banal na kasulatan.
“Mas mahirap maging disipulo ni Jesucristo kung hindi mo Siya kilala,” sabi ni Sister Hansen. “Ang mga banal na kasulatan ay mga kasangkapan para makilala natin Siya. Tuwing hindi ko alam kung paano kumilos, kaagad akong bumabaling sa napag-aralan ko sa araw at gabi,” sabi niya. “Ang pag-aaral ng buhay at mga turo [ng Tagapagligtas] ay higit na nagpaunawa sa akin na ginawa Niya ang ginawa Niya dahil mahal Niya ang bawat isa sa atin.
“Nang higit ko Siyang makilala, naunawaan ko na ang ibig sabihin ng pagiging disipulo ni Jesucristo ay makilala Siya. At nakatulong iyan para kumilos ako sa paraang itinuro Niya. Ang pagiging disipulo ay ang malaman [at piliin] ang gagawin ni Jesucristo sa anumang sitwasyon—kung gayon, mahalagang pag-aralang madalas ang Kanyang mga turo.”
Pagiging Disipulo sa Lahat ng Lugar
Si Stacey White, may apat na anak sa Indiana, USA, ay hangad na magkaroon ng pagkakataong makatulong sa isang kapitbahay, kaibigan, o kahit sa hindi kakilala noong buong linggong pag-aralan niya ang Mateo 25:35–40, kung saan itinuro ng Tagapagligtas na ang paglilingkod “kahit sa pinakamaliit na ito” ay, sa katunayan, paglilingkod sa Kanya (talata 40).
“Dahil isa akong abalang maybahay at nag-aalaga ng apat na musmos na anak, kung minsan ay nalulungkot ako na hindi ako makapaglingkod nang madalas ayon sa gusto ko,” paliwanag ni Sister White. “Abalang-abala ako sa pag-aasikaso ng mga pangangailangan ng sarili kong pamilya kaya halos wala na akong oras para sa iba pa.”
Napansin ni Sister White na nang patuloy niyang pag-aralan, i-cross-reference, at pagnilayan ang mga talatang ito sa banal na kasulatan, na ipinagdarasal na magkaroon siya ng mga pagkakataong makapaglingkod, “tila mas humirap kaysa dati ang pagiging ina”—na hindi niya talaga inasahan.
“Pagtulong sa mga school project, paglilinis ng mas maraming kalat, pag-awat sa nag-aaway na magkapatid, at santambak na labahin na tila lalong dumarami sa halip na mabawasan. Parang hindi matapus-tapos ang mga dapat gawin. Tila hindi nasasagot ang panalangin ko habang inaasam kong magkaroon ako ng libreng oras at lakas para makapaglingkod sa iba bukod sa aking asawa’t mga anak.”
Subalit, sa kalagitnaan ng linggo, napagtanto ni Sister White: hindi dahil wala siyang pagkakataong makapaglingkod sa labas ng kanyang tahanan ay hindi na sinagot ng Panginoon ang kanyang panalangin, at hindi rin ibig sabihin nito na hindi siya nakakapaglingkod sa makabuluhang paraan.
“Ang Panginoon ay sumagot sa aking panalangin sa pagbibigay sa akin ng mga pagkakataong iyon sa sarili kong pamilya,” sabi niya. “Kung minsan pakiramdam ko hindi matatawag na paglilingkod ang ginagawa ko sa sarili kong pamilya, na para matawag itong paglilingkod, kailangan ay sa labas ng tahanan, sa isang taong hindi kapamilya. Pero dahil may bago akong naunawaan, habang nag-aayos ako ng mga kobrekama at nagtutupi ng mga kumot, naglalaba, naghahatid ng mga bata sa eskuwela, at ginagawa araw-araw ang tungkulin ko bilang ina, mas masaya ko nang ginagawa ang mga iyon. Ang mga ginagawa ko ay may kabuluhan, at natanto ko na may nagagawa pala akong kaibhan para sa pamilya ko.”
Para kay Dima Ivanov ng Vladivostok, Russia, ang imbitasyong makibahagi sa “eksperimento sa pagiging disipulo” ay dumating sa oras na napakarami niyang ginagawa. Nagbitiw sa trabaho si Brother Ivanov kamakailan para simulan ang sarili niyang negosyo, at dahil napakarami niyang responsibilidad na dapat isipin sa kanyang trabaho, inisip niya kung mahihirapan siyang unahin sa kanyang isipan ang pagiging disipulo.
Gayunpaman, pumayag siyang makibahagi, at dahil ang pagiging disipulo para sa kanya ay “pagsunod sa utos o payo ng isang guro,” pinag-aralan niyang mabuti ang Sermon sa Bundok, na matatagpuan sa Mateo 5 at 3 Nephi 12.
Ang natuklasan ni Brother Ivanov nang pag-aralan niya ang mga katangian ng sermon na iyon, ayon sa kanya, ay ang sarili niyang mga kahinaan. Ngunit batid na nangako ang Tagapagligtas na gagawing malakas ang mahihinang bagay sa mga nagpapakumbaba (tingnan sa Eter 12:27), bumaling si Brother Ivanov sa Kanya, na naghahanap ng mga pagkakataong para umunlad pa siya.
“Nadama ko na mas malapit sa akin ang Tagapagligtas,” pag-uulat ni Brother Ivanov. “Nalaman ko na Siya ang pinakadakilang Guro, at nalaman ko kung paano ko Siya higit na matutularan. Nang pag-aralan ko ang katangian ng pagiging disipulo, nalaman ko na makakakita tayo ng bagong paraan para matularan ang Tagapagligtas tuwing pinag-aaralan natin ang Kanyang buhay. At patuloy nating natututuhan iyon sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang halimbawa. Kailangan nating gawin ang natututuhan natin.”
Nagbago raw ang pagkaunawa niya sa pagiging disipulo noong linggong iyon. “Ang pagsunod sa Tagapagligtas ay hindi lamang pag-aaral ng mga alituntunin ng ebanghelyo o pagsunod sa Kanyang mga utos,” paliwanag niya. Saanman tayo naroon o anuman ang ating ginagawa, maaari tayong magkaroon ng “tunay na hangaring tularan ang Kanyang halimbawa at magkaroon ng hangaring maging katulad Niya.”