Hinikayat ng Simbahan ang mga Miyembro sa Buong Mundo na Maglingkod sa Kanilang Lugar
Nitong nakaraang taon, muling binigyang-diin ng Welfare Department ng Simbahan ang pagtulong ng mga miyembro sa lahat ng dako ng mundo sa sarili nilang komunidad.
Iminungkahi ng bahaging Humanitarian Service ng LDS.org na, “Anong mga pangangailangan o hamon ang nakikita o naririnig ninyo? … Kung tutukuyin ninyo ang isang pangangailangan sa inyong komunidad ngunit wala kayong makitang nakatatag na programa na lulutas sa pangangailangang ito, subukan ninyong humanap ng solusyon” (sa LDS.org, mag-klik sa Resources, Welfare, Humanitarian Service).
Itinuro ni Lynn Samsel, direktor ng emergency response para sa Simbahan, ang ilang pakinabang ng humanitarian response sa bawat lugar: “Ito’y mas mabilis, mas kakaunti ang problema sa customs, makakabili ang Simbahan ng mga produktong lokal na pamilyar sa mga miyembro sa lugar, nakakatulong ito sa ekonomiya ng lugar, at nagkakaroon sila ng mga bagong kaibigan.”
Noong 2011, libu-libo ang nawalan ng tahanan dahil sa kaguluhan sa pulitika sa ilang bansang Arabo. Sa halip na magbuo ng mga hygiene kit sa Salt Lake at ipadala ang mga ito sa Middle East, nagbigay ng pondo ang Simbahan sa area presidency sa lugar. Sa gayon ay nagawang makipagtulungan ng 50 miyembrong naninirahan sa Jordan sa iba pang mga organisasyon sa lugar sa pagbubuo at pamamahagi ng 40,000 hygiene kit at pakete ng pagkain sa loob lamang ng limang araw.
Sa buong mundo, maaaring magpasimula ang mga miyembro ng sarili nilang mga proyektong pangserbisyo. Sa iba pang mga pagkakataon maaaring bigyan ng branch, ward, district, o stake ng mga oportunidad ang mga miyembro at iba pa na makapaglingkod.
Ang mga solusyon sa lugar, pagpapaliwanag ni Gustavo Estrada ng Welfare Department, ay kadalasang natutugunan ang mga pangangailangan nang higit kaysa mga solusyong naisip ng mga tao na libu-libong milya ang layo.
Kasunod ng lindol at tsunami noong Marso 11, 2011, na puminsala sa Japan, tumugon kaagad ang Simbahan. Nagpadala sila ng pera sa mga lider sa lugar, na siyang namili ng pagkain at iba pang mga suplay sa loob ng bansa. Ang mga miyembro sa Japan na hindi naapektuhan ng lindol ang naglagay ng mga suplay sa mga kit na higit na tumugon sa kakaibang mga pangangailangan ng mga biktimang napinsala kaysa mga generic kit.
“Kapag nagsilabas at naglingkod ang mga miyembro sa kanilang komunidad, maaari nilang kaibiganin ang kanilang mga kapitbahay at matamasa ang tiwalang nabubuo sa pagtutulungan sa paglutas sa iisang problema,” sabi ni Sharon Eubank, direktor ng Church humanitarian services.
Noong 2012, sa pagsisikap na mabawasan ang dami ng namamatay na mga bata sa umuunlad na mga bansa, nagpadala ng 1.5 milyong text message ang mga LDS volunteer sa Ghana sa kapwa nila mga Ghanaian, para ipaalam ang immunization drive na itinaguyod ng isang partner ng Simbahan.
“[Ngayon] kapag may dumating na ibang problema sa hinaharap, maaasahan natin na may tutulong ulit,” sabi ni Sister Eubank. “Ang maglingkod nang magkakasama ay nagbubuo ng pagkakaunawaan at tunay na kapatirang Kristiyano nang mas mabilis kaysa anupamang maiisip ko.”