Mensahe ng Unang Panguluhan
Isang Payo para sa Nag-aatubiling Missionary
Noon pa man ay obligasyon na ng mga disipulo ni Jesucristo na dalhin ang Kanyang ebanghelyo sa buong mundo (tingnan sa Marcos 16:15–16). Gayunpaman, kung minsan ay mahirap magbuka ng bibig at magsalita sa mga tao sa ating paligid tungkol sa ating pananampalataya. Samantalang ang ilang miyembro ng Simbahan ay may likas na talento sa pagsasalita sa ibang tao tungkol sa relihiyon, ang iba naman ay medyo atubili o maaaring asiwa, nahihiya, o natatakot pang gawin ito.
Dahil diyan, magmumungkahi ako ng apat na bagay na magagawa ng sinuman para masunod ang utos ng Tagapagligtas na ipangaral ang ebanghelyo “sa bawat kinapal” (D at T 58:64).
Maging Liwanag
Nakasaad sa paborito kong sawikain na madalas iukol kay St. Francis of Assisi na, “Ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng panahon at kung kailangan, magsalita.”1 Mahihiwatigan sa sawikaing ito ang pagkaunawa na ang pinakamabibisang sermon kadalasan ay yaong hindi sinasambit.
Kapag tayo ay may integridad at laging namumuhay ayon sa ating mga pamantayan, napapansin ito ng mga tao. Kapag nakita ng iba na masaya at maligaya tayo, lalo nila itong napapansin.
Lahat ng tao ay gustong sumaya. Kapag nabanaagan sa buhay nating mga miyembro ng Simbahan ang liwanag ng ebanghelyo, makikita nila ang ating kaligayahan at madarama ang pagmamahal ng Diyos na pumupuspos at nag-uumapaw sa ating buhay. Gusto nilang malaman kung bakit. Gusto nilang malaman ang ating sikreto.
Humahantong iyan sa pagtatanong nila ng “Bakit ang saya-saya ninyo?” o “Bakit laging positibo ang pananaw ninyo?” Siyempre pa, ang sagot sa mga tanong na ito ay humahantong sa pag-uusap tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Makipag-usap
Ang pakikipag-usap tungkol sa relihiyon—lalo na sa ating mga kaibigan at mahal sa buhay—ay maaaring nakakatakot at mahirap. Hindi kailangang magkagayon. Ang pagbanggit sa espirituwal na mga karanasan o aktibidad o kaganapan sa Simbahan sa kaswal na pag-uusap ay maaaring maging madali at nakasisiya kung magkakaroon tayo ng kaunting lakas ng loob at common sense o sentido komun.
Ang asawa kong si Harriet ay magandang halimbawa nito. Noong nakatira kami sa Germany, naghanap siya ng paraan na mapag-usapan ang mga paksang may kaugnayan sa Simbahan sa pag-uusap nila ng kanyang mga kaibigan at kakilala. Halimbawa, kapag may nangumusta sa ginawa niya sa araw ng Sabado’t Linggo, sasabihin niya, “Sa Linggong ito nagkaroon kami ng napakagandang karanasan sa simbahan namin! Isang 16-na-taong-gulang na binatilyo ang nagbigay ng magandang mensahe sa harap ng 200 katao sa aming kongregasyon tungkol sa malinis na pamumuhay.” O, “Nalaman ko na may isang 90-anyos na babaeng nakapaggantsilyo ng mahigit 500 kumot at ibinigay ang mga ito sa humanitarian program ng aming Simbahan para maipadala sa mga taong nangangailangan sa lahat ng dako ng mundo.”
Kadalasan, ang mga nakakarinig nito ay nagiging interesado na malaman pa ang tungkol dito. Nagtatanong sila. At humahantong iyan sa mga usapan tungkol sa ebanghelyo sa paraang natural, walang pangamba at di-nakasasakit sa iba.
Sa paglitaw ng Internet at social media, mas madali na ngayong pag-usapan ang mga bagay na ito sa di-pormal na paraan kaysa noon. Ang kailangan lang natin ay lakas ng loob na gawin ito.
Mapuspos ng Biyaya
Ang nakalulungkot, napakadaling makainisan ka. Napakadalas nating makipagtalo, manghamak, at manghusga. Kapag tayo ay nagalit, nawalan ng paggalang, o nagsalita nang masakit sa mga tao, ang huling bagay na gusto nilang malaman ay ang tungkol sa atin. Imposibleng malaman kung ilang tao na ang tumalikod sa Simbahan o hindi sumapi dahil may sinabi ang isang tao na nakasakit sa kanila o nagpasama sa kanilang kalooban.
Napakaraming kagaspangan ng pag-uugali sa mundo ngayon. Dahil mahirap malaman kung sino ang sumulat ng isang bagay sa Internet, mas madali ngayong magbitaw ng mga salitang masakit o nakasasama ng loob online. Hindi ba nararapat na tayo, na umaasang mga disipulo ng magiliw nating Cristo, ay magkaroon ng mas mataas, puno ng pagmamahal na pamantayan? Itinuro sa mga banal na kasulatan, “Ang inyong pananalita nawa’y laging may biyaya, na magkalasang asin, upang inyong maalaman kung ano ang nararapat ninyong isagot sa bawa’t isa” (Mga Taga Colosas 4:6).
Gusto ko ang ideya na maging malinaw ang ating mga salita na tulad ng maaliwalas na kalangitan at puno ng biyaya. Nawawari ba ninyo kung ano ang kahihinatnan ng ating pamilya, ward, bansa, at maging ng mundo kung susundin natin ang simpleng alituntuning ito?
Mapuspos ng Pananampalataya
Kung minsan ay labis nating pinupuri o sinisisi ang ating sarili pagdating sa pagtanggap ng iba sa ebanghelyo. Mahalagang alalahanin na hindi inaasahan ng Panginoon na tayo ang magpabalik-loob sa iba.
Ang pagbabalik-loob ay hindi nagmumula sa ating mga salita kundi sa makalangit na pagtulong ng Banal na Espiritu. Kung minsan ang kailangan lang gawin ay ipahayag nang maikli ang ating patotoo o ang isang karanasan para mapalambot ang puso ng isang tao o mabuksan ang daan na aakay sa iba na maranasan ang nakasisiglang mga katotohanan sa pamamagitan ng mga pahiwatig ng Espiritu.
Sinabi ni Pangulong Brigham Young (1801–77) na alam niya na ang ebanghelyo ay totoo nang “[makakita siya] ng taong walang kahusayan sa pagsasalita, o mga talento sa pagsasalita sa harap ng madla, na nakapagsasalita lamang ng, ‘Alam ko, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na ang Aklat ni Mormon ay totoo, na si Joseph Smith ay Propeta ng Panginoon.’” Sinabi ni Pangulong Young nang marinig niya ang mapagpakumbabang patotoong iyon, “[Binigyang]-liwanag ng Espiritu Santo na nagmumula sa taong iyon ang aking pang-unawa, at ang liwanag, kaluwalhatian, at imortalidad ay nasa harapan ko.”2
Mga kapatid, sumampalataya. Maaaring punuin ng inspirasyon ng Panginoon ang mga salitang sinasambit ninyo at gawin itong makapangyarihan. Hindi iniuutos sa inyo ng Diyos na pagbalik-loobin ang mga tao kundi sa halip ay sinabing ibuka ang inyong bibig. Hindi ninyo gawain ang magpabalik-loob—iyan ay para sa taong nakikinig at sa Banal na Espiritu.
Bawat Miyembro ay Misyonero
Mahal kong mga kaibigan, mas marami ngayon ang mga paraan kaysa noon para ibuka ang ating bibig at ibahagi sa kapwa ang masayang balita ng ebanghelyo ni Jesucristo. May paraan para ang lahat—maging ang nag-aatubiling missionary—ay makibahagi sa dakilang gawaing ito. Makahahanap ng paraan ang bawat isa sa atin na gamitin ang ating kani-kanyang mga talento at interes para suportahan ang dakilang gawain na punuin ng liwanag at katotohanan ang mundo. Kapag ginawa natin ito, madarama natin ang galak na nadarama ng mga taong sapat ang katapatan at tapang na “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon” (Mosias 18:9).