2013
Ang Patakaran sa mga Rating
Pebrero 2013


Ang Patakaran sa mga Rating

Si Jennifer Maddy ay nakatira sa Utah, USA.

“Mga anak, magsitalima kayo sa inyong magulang sa lahat ng mga bagay, sapagka’t ito’y totoong nakalulugod sa Panginoon” (Mga Taga Colosas 3:20).

Nakatitig si Ethan sa makulay na pabalat ng video games na nakasalansan. Sinabi ng kanyang mga magulang na maaari siyang pumili ng isang laro bilang regalo sa kanyang kaarawan, at napakaraming pagpipilian! Nagpalipat-lipat ang tingin ni Ethan sa car racing game, sa adventure game, at sa isang dance game. Sa wakas, pinili niya ang racing game at dinala ito sa kanyang ama.

“May nagustuhan ka na ba?” tanong ni Itay.

“Parang gusto ko po itong racing game,” sabi ni Ethan.

“Mukhang maganda nga,” sabi ni Itay. “Ano ang rating niyan?”

Binaligtad ni Ethan ang pabalat. Alam niya na ang puwede lang niyang laruin na mga game ay iyong may partikular na rating. Noong bagong bili pa lang ang kanyang computer, sinabi ng kanyang mga magulang ang kahalagahan ng pagsunod sa patakaran ng kanilang pamilya tungkol sa rating ng video games. Alam ni Ethan na maraming games o laro ang may masasamang nilalaman, at nais niyang maging masunurin.

Nakita ni Ethan ang rating na nasa pabalat at ipinakita ito kay Itay. “Para po sa lahat ang rating nito,” sabi niya.

“Okey,” sabi ni Itay. “Bayaran na natin ito. Maligayang kaarawan sa iyo, Ethan!”

“Salamat po, Itay!” Ngumiti si Ethan, sabik nang makauwi para masubukan na ang kanyang bagong lalaruin.

Makaraan ang ilang araw, nagpunta si Ethan sa bahay ng kaibigan niyang si Chase para maglaro. Magkasama sila ni Chase sa klase sa Primary, at palagi silang naglalaro. Dinala ni Ethan ang kanyang bagong video game.

“Hi, Ethan,” sabi ni Chase nang buksan niya ang pinto. “Halika, pasok ka. May bago akong video game na malalaro natin!”

“Ako rin!” Sabi ni Ethan, habang ipinakikita ang kanyang game.

Naupo na ang mga bata sa harap ng computer, at inilagay na ni Chase ang kanyang laro. Lumitaw sa screen ang pamagat, at gayundin ang rating. Nagulat si Ethan. Hindi siya pinapayagang laruin ang gayong rating.

Sabik na tumingin-tingin si Chase sa mga menu gamit ang kanyang controller at sinimulan ang laro. Wala pang nakikitang masama si Ethan. Nag-klik siya sa kanyang controller para pagalawin ang kanyang character sa game. Nakakatuwa, pero habang naglalaro siya, lalo siyang hindi naging komportable. Wala pa rin siyang nakikitang anumang masama, pero gusto niyang sundin ang patakaran ng kanyang pamilya.

“Hoy, Chase, bawal akong maglaro kapag ganito ang rating,” sabi ni Ethan.

“Hay, OK lang ‘to,” sabi ni Chase. “Wala namang masama rito.”

“Sigurado ka?” tanong ni Ethan.

“Oo,” sabi ni Chase. “Nilalaro ito ng pamilya ko. Sa tingin ko mali ang naibigay na rating dito.”

Noon biglang sumilip sa silid ang ina ni Chase. “Hi, mga iho,” sabi niya. “OK lang ba kayo?”

Napalunok si Ethan. “Hi, Sister Murphy,” sabi niya. “Hindi po kasi ako puwedeng maglaro ng video game na ganito ang rating.”

“Sinabi ko pong wala namang masama rito,” sabi ni Chase.

Ikinaway lang ng nanay ni Chase ang kamay nito. “Huwag kang mag-alala, Ethan,” sabi niya. “Alam kong marami sa mga larong ganito na ang rating ay hindi maganda, pero sigurado akong papayagan ka ng nanay mo na laruin ang isang ito.” Ngumiti siya at umalis na ng silid.

Patuloy na naglaro si Chase, pero binitiwan na ni Ethan ang kanyang controller. “Chase, bakit ‘di na lang natin laruin ang racing game na dala ko?” tanong ni Ethan.

Nagkibit-balikat lang si Chase at patuloy na tumutok sa screen. “Ayoko, mas gusto kong laruin ito.”

Dahan-dahang tumayo si Ethan at nagpunta sa silid ni Chase, kung saan nakakita siya ng ilang laruang kotseng pangkarera na puwedeng laruin. Hindi ito nakakatuwang tulad ng kanyang video game, pero maganda ang pakiramdam ni Ethan dahil alam niyang sinusunod niya ang patakaran ng kanyang pamilya.

Paglalarawan ni Bryan Beach