2013
Pagbabalanse ng Katotohanan at Pagpaparaya
Pebrero 2013


Pagbabalanse ng Katotohanan at Pagpaparaya

Mula sa isang mensaheng ibinigay sa Church Educational System fireside noong Setyembre 11, 2011. Para sa buong teksto sa Ingles, magpunta sa mormonnewsroom.org/article/-truth-and-tolerance-elder-dallin-h-oaks.

Elder Dallin H. Oaks

Ang pag-iral at likas na katangian ng katotohanan ay isa sa mahahalagang tanong sa buhay. Sinabi ni Jesus sa Romanong gobernador na si Pilato na naparito siya sa mundo upang “bigyang patotoo ang katotohanan.” Sumagot ang taong iyon na walang pananalig, “Ano ang katotohanan?” (Juan 18:37–38). Bago iyon ipinahayag ng Tagapagligtas, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). Sa makabagong paghahayag, sinabi Niya, “Ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa” (D at T 93:24).

Naniniwala tayo sa lubos na katotohanan, kabilang na ang pag-iral ng Diyos at ang tama at mali na itinakda sa Kanyang mga utos. Alam natin na ang pag-iral ng Diyos at ng lubos na katotohanan ay mahalaga sa buhay sa daigdig na ito, pinaniniwalaan man ang mga ito o hindi. Alam din natin na ang kasamaan ay umiiral at na ang ilang bagay ay talagang tunay na mali magpakailanman.

Ang nakakagulat na mga report tungkol sa malawakang nakawan at kasinungalingan sa mga sibilisadong lipunan ay nagpapakita ng kawalan ng moralidad kung saan maraming hindi nakaaalam ng tama at mali. Dahil laganap ang kaguluhan, pandarambong, at pandaraya maraming nag-iisip kung nawawala na ba sa atin ang pundasyon ng moralidad na namana ng mga bansa sa Kanluran mula sa mga Judio at Kristiyano.1

Tama lang na mag-alala tayo tungkol sa pundasyon ng ating moralidad. Naninirahan tayo sa isang mundo kung saan lalong dumarami ang mga taong may impluwensya na nagtuturo at kumikilos ayon sa paniniwala na walang lubos na tama at mali—na lahat ng awtoridad at lahat ng tuntunin sa pagkilos at pag-uugali ay pagpapasiya ng tao na maaaring mangibabaw sa mga utos ng Diyos. Marami pa ngang nagdududa kung totoo ngang may Diyos.

Ang pilosopiya na ang moralidad ay depende sa tao, na nagsasabing bawat tao ay malayang magpasiya para sa kanyang sarili kung ano ang tama at mali, ay nagiging di-opisyal na doktrina ng marami sa Estados Unidos at iba pang mga bansa sa Kanluran. Ang pinakamatindi, ang masasamang gawain na iilan lang ang gumagawa at inililihim na parang pigsa ay ginawa nang legal ngayon at ipinapangalandakan na sa publiko. Dahil napaniwala sa pilosopiyang ito, marami sa bagong henerasyon ang nakisali sa aktibidad para sa pansariling kasiyahan, pornograpiya, pagsisinungaling, masasamang pananalita, hapit na pananamit, pagpapatato at pagpapabutas sa mga bahagi ng katawan, at nakasusuklam na pagpapakasawa sa seks.

Maraming pinuno ng relihiyon ang nagtuturo na mayroong Diyos na pangunahing tagapagbigay ng batas, na ginawang lubos na tama at totoo ang ilang pag-uugali at ang iba naman ay lubos na mali at hindi totoo.2 Nakinita ng mga propeta ng Biblia at Aklat ni Mormon ang panahong ito, na ang mga tao ay magiging “maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios” (II Kay Timoteo 3:4) at, sa katunayan, itatatwa ng mga tao ang Diyos (tingnan sa Judas 1:4; 2 Nephi 28:5; Moroni 7:17; D at T 29:22).

Sa magulong sitwasyong ito, tayo na naniniwala sa Diyos at sa kaugnay na katotohanan ng lubos na tama at mali ay may hamon na mamuhay sa mundong hindi naniniwala sa Diyos at moralidad. Sa ganitong sitwasyon, lahat tayo—lalo na ang bagong henerasyon—ay may tungkuling manindigan at magsalita upang pagtibayin na mayroong Diyos at may mga lubos na katotohanang itinakda sa Kanyang mga utos.

Maraming guro sa mga paaralan, kolehiyo, at unibersidad ang nagtuturo at kumikilos ayon sa moralidad na depende sa tao. Ito ang humuhubog sa pag-uugali ng maraming kabataan na nagiging guro ng ating mga anak at humuhubog sa pag-uugali ng mga tao sa pamamagitan ng media at popular na libangan. Ang pilosopiyang ito na ang moralidad ay depende sa tao ay nagtatatwa sa itinuturing na mahalaga ng milyun-milyong naniniwalang Kristiyano, Judio, at Muslim, at ang pagtatatwang ito ay lumilikha ng mabibigat na problema para sa ating lahat. Ang dapat gawin ng mga nananalig tungkol dito ang simula ng pagtalakay ko sa ikalawa kong paksa, ang pagpaparaya.

Ang ibig sabihin ng pagpaparaya ay saloobing mabuti at patas sa mga di-pamilyar o iba’t ibang opinyon at gawi o sa mga taong naniniwala o gumagawa nito. Dahil sa modernong transportasyon at komunikasyon mas nakilala natin ang iba’t ibang tao at kultura, kailangang mas maging mapagparaya tayo.

Ang mas malawakang pagkalantad na ito sa pagkakaiba-iba natin ay kapwa pinagyayaman ang ating buhay at ginagawa rin itong kumplikado. Napagyayaman tayo sa pakikisalamuha sa iba’t ibang tao, na nagpapaalala sa atin ng magandang pagkakaiba-iba ng mga anak ng Diyos. Ngunit ang pagkakaiba-iba ng mga kultura at pinahahalagahan ay hamon din sa atin na tukuyin ang dapat na tanggapin na naaayon sa kultura at mga pinahahalagahan ng ating ebanghelyo at kung ano ang hindi natin dapat tanggapin. Sa ganitong paraan, lumalaki ang posibilidad na magkakaroon ng alitan at kailangan nating mas pag-isipan ang pagpaparaya. Ano ang pagpaparaya, kailan ito angkop, at kailan hindi angkop?

Mas mahihirap ang tanong na ito sa mga taong naninindigan na may Diyos at lubos na katotohanan kaysa sa mga taong naniniwala na ang moralidad ay depende sa tao. Ang taong mahina ang pananalig sa Diyos at hindi gaanong naninindigan sa kung ano ang lubos na tama at mali ay kadalasang hindi nahihirapang magparaya sa mga ideya o gawi ng ibang tao. Halimbawa, hindi kailangang magdesisyon ng isang atheist kung anong uri at tindi ng kawalang-paggalang o paglapastangan sa Espiritu Santo ang maaaring gawin at anong uri ang dapat komprontahin. Ang mga taong hindi naniniwala sa Diyos o sa lubos na katotohanan sa mga bagay na nauukol sa moralidad ay maaaring ituring ang kanilang sarili na pinakamapagparayang tao. Para sa kanila, halos lahat ay maaaring tanggapin. Ang ganitong sistema ng paniniwala ay maaaring magparaya sa halos lahat ng ugali at tao. Sa kasamaang-palad, ang ilang naniniwala na depende sa tao ang moralidad ay tila nahihirapang magparaya sa mga taong naninindigan na may Diyos na dapat igalang at may tiyak na mga panuntunan sa moralidad na dapat sundin.

Tatlong Lubos na Katotohanan

Kaya ano ang kahulugan ng pagpaparaya sa atin at sa ibang mga nananalig, at ano ang ating natatanging mga hamon sa pagsunod dito? Magsisimula ako sa tatlong lubos na katotohanan. Ipinapahayag ko ang mga ito bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, ngunit naniniwala ako na karamihan sa mga ideyang ito ay tanggap ng lahat ng nananalig.

Una, lahat ng tao ay magkakapatid sa mata ng Diyos, na tinuruan sa kanilang iba’t ibang relihiyon na mahalin at gawan ng mabuti ang isa’t isa. Ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang ideyang ito para sa mga Banal sa mga Huling Araw: “Bawat isa sa atin [mula sa iba’t ibang sekta ng relihiyon] ay naniniwala sa pagiging ama ng Diyos, bagama’t maaaring magkakaiba ang pagkakakilala natin sa Kanya. Bawat isa sa atin ay bahagi ng isang malaking pamilya, ang pamilya ng tao, mga anak na lalaki at babae ng Diyos, at samakatwid tayo ay magkakapatid. Kailangan nating sikapin pang igalang ang isa’t isa, mag-unawaan, at magparaya sa isa’t isa anuman ang pinaniniwalaan nating mga doktrina at pilosopiya.”3

Pansinin na binanggit ni Pangulong Hinckley ang paggalang sa isa’t isa gayundin ang pagpaparaya. Ang mamuhay nang magkakasama na may paggalang sa pagkakaiba ng isa’t isa ay isang hamon sa mundo ngayon. Gayunman—at dito ay ipinapahayag ko ang ikalawang lubos na katotohanan—ang pamumuhay na ito sa kabila ng pagkakaiba-iba ang itinuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo na kailangan nating gawin.

Ang kaharian ng Diyos ay parang lebadura, pagtuturo ni Jesus (tingnan sa Mateo 13:33). Ang lebadura—pampaalsa—ay nakatago sa mas malaking masa hanggang sa mapaalsa ang kabuuan nito, na ibig sabihin ay pinaalsa ng impluwensya nito. Itinuro din ng ating Tagapagligtas na ang Kanyang mga disipulo ay may kapighatian sa mundo (tingnan sa Juan 16:33), na ang kanilang bilang at nasasakupan ay kakaunti (tingnan sa 1 Nephi 14:12), at na sila ay kamumuhian dahil hindi sila taga sanglibutan (tingnan sa Juan 17:14). Ngunit iyan ang papel natin. Tinawag tayo upang mamuhay kasama ang iba pang mga anak ng Diyos na iba ang relihiyon o mga pinahahalagahan at walang obligasyon sa mga tipan na ating tinanggap. Narito tayo sa mundo ngunit hindi tayo mamumuhay tulad ng mga nasa mundo.

Dahil ang mga disipulo ni Jesucristo ay inutusang maging lebadura, kailangang sikapin natin na matamo ang pagpaparaya ng mga taong namumuhi sa atin dahil hindi tayo namumuhay sa paraan ng mundong ito. Dahil bahagi tayo ng mundo, kung minsan ay kakailanganin nating harapin ang mga batas na makasisira sa kalayaan nating ipamuhay ang ating relihiyon, na ginagawa ito ayon sa ating mga karapatan sa konstitusyon na malayang ipamuhay ang ating relihiyon. Ang malaking problema ay “ang kakayahan ng mga tao sa lahat ng relihiyon na pagandahin ang relasyon nila sa Diyos at sa isa’t isa nang hindi nakikialam ang gobyerno.”4 Kaya nga kailangan natin ng pag-unawa at suporta kapag kailangan nating protektahan ang ating kalayaan sa relihiyon.

Kailangan din nating magparaya at igalang ang iba. Tulad ng itinuro ni Apostol Pablo, ang mga Kristiyano ay dapat “sundin ang mga bagay na makapapayapa” (Mga Taga Roma 14:19) at, hangga’t maaari, “[mamuhay nang payapa] sa lahat ng mga tao” (Mga Taga Roma 12:18). Samakatwid, dapat handa tayong purihin ang kabutihang dapat nating makita sa lahat ng tao at sa maraming opinyon at gawaing naiiba sa atin. Tulad ng itinuturo sa Aklat ni Mormon:

“Lahat ng bagay na mabuti ay nagmumula sa Diyos; …

“… kaya nga, bawat bagay na nag-aanyaya at nang-aakit na gumawa ng mabuti, at ibigin ang Diyos, at maglingkod sa kanya, ay pinapatnubayan ng Diyos.

“Samakatwid, mag-ingat … na huwag kayong humatol na … yaong mabuti at sa Diyos ay sa diyablo” (Moroni 7:12–14).

Ang paraang iyan sa pagharap sa mga pagkakaiba-iba ay magbubunga ng pagpaparaya at paggalang din sa atin.

Ang pagpaparaya at paggalang natin sa iba at sa kanilang mga paniniwala ay hindi dahilan para kalimutan natin ang ating katapatan sa mga katotohanang nauunawaan natin at sa mga tipang ginawa natin. Iyan ang ikatlong lubos na katotohanan. Ang tungkulin natin ay maging mga sundalo sa digmaan ng katotohanan at kamalian. Hindi tayo maaaring gumitna. Dapat tayong manindigan sa katotohanan, bagama’t nagpaparaya tayo at iginagalang ang mga paniniwala at ideyang naiiba sa atin at ang mga taong nagtataglay nito.

Pagpapasensya sa Pag-uugali

Bagama’t kailangan nating magparaya at igalang ang iba at ang kanilang mga paniniwala, pati na ang kanilang karapatang ipaliwanag at panindigan ang kanilang opinyon, hindi natin kailangang igalang at pagpasensyahan ang maling pag-uugali. Ang ating tungkulin sa katotohanan ay pigilan ang maling pag-uugali. Madali ito sa may napakasamang pag-uugali na alam ng karamihan sa mga nananalig at walang pananalig na mali ito o hindi katanggap-tanggap.

Tungkol naman sa mga pag-uugaling di-gaanong mabuti, na kahit ang mga nananalig ay hindi magkasundo kung mali ang mga ito, ang uri at limitasyon ng pagpaparaya ay lalong mahirap matukoy. Sa gayon, isinulat ng isang nag-aalalang babae na Banal sa mga Huling Araw na “ang pakahulugan ng mundo sa salitang ‘pagpaparaya’ ay tila lalong ginagamit para hayaan ang masasamang uri ng pamumuhay.” Itinanong niya kung ano ang pakahulugan ng Panginoon sa pagpaparaya.5

Sinabi na ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang salitang pagpaparaya ay hindi mag-isa sa kahulugan nito. Kailangan nito kapwa ng isang bagay na ipagpaparaya at pagtugon sa pagpaparayang iyon upang maituring itong isang kagandahang-asal. … Ang pagpaparaya ay kadalasang hinihingi ngunit bihirang ibalik. Mag-ingat sa salitang pagpaparaya. Ito ay isang kagandahang-asal na maaaring hindi maunawaan at magamit nang mali.”6

Ang babalang ito na binigyang-inspirasyon ay nagpapaalala sa atin na para sa mga taong naniniwala sa lubos na katotohanan, ang pagpaparaya sa pag-uugali ay parang baryang may magkabilang panig. Ang pagpaparaya o paggalang ay nasa isang panig ng barya, ngunit ang katotohanan ay laging nasa kabila. Hindi kayo maaaring magparaya at kasabay nito ay binabalewala ang mga alituntunin ng katotohanan.

Ginamit ng ating Tagapagligtas ang alituntuning ito. Nang makaharap Niya ang babaeng nangalunya, bumanggit si Jesus ng nakapapanatag na salita ng pagpaparaya: “Ako man ay hindi hahatol sa iyo.” Pagkatapos, nang sabihin Niyang humayo ang babae, sinabi Niya ang nag-uutos na katotohanang ito: “Humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo’y huwag ka nang magkasala” (Juan 8:11). Lahat tayo ay dapat mapasigla at mapalakas ng halimbawang ito tungkol sa pagpaparaya at katotohanan: mabait makipag-usap ngunit matatag sa katotohanan.

Isinulat ng isa pang nag-aalalang Banal sa mga Huling Araw: “Madalas kong marinig ang pangalan ng Panginoon na ginagamit sa walang kabuluhan, at may mga kakilala rin ako na sinasabi sa akin na nagsasama na sila ng kasintahan nila. Nalaman ko na ang paggalang sa araw ng Sabbath ay halos hindi na sinusunod. Paano ko matutupad ang aking tipan na tumayo bilang saksi at huwag saktan ang damdamin ng mga taong ito?”7

Magsisimula ako sa ating sariling asal. Sa paggamit ng kung-minsan-ay-nagpapaligsahang mga hinihingi ng katotohanan at pagpaparaya sa tatlong pag-uugaling ito—masamang pananalita, pagsasama nang hindi kasal, at hindi paggalang sa Sabbath—at marami pang iba, hindi tayo dapat magparaya sa ating sarili. Dapat tayong sumunod sa mga hinihingi ng katotohanan. Dapat tayong maging matatag sa pagsunod sa mga kautusan at sa ating mga tipan, at dapat tayong magsisi at magpakabuti kapag nagkukulang tayo.

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ang anyo ng kasalanan ngayon ay kadasalang nakabalatkayo ng pagpaparaya. Huwag palinlang; sa kabila ng balatkayong iyan ay nariyan ang sama ng loob, kalungkutan, at pasakit. … Kung ipagagawa sa inyo ng itinuturing ninyong mga kaibigan ang alam ninyong mali, kayo ang manindigan sa tama, kahit nag-iisa kayo.”8

Gayundin, sa ating mga anak at sa ibang mga taong tungkulin nating turuan, ang tungkulin natin sa katotohanan ay napakahalaga. Mangyari pa, ang pagtuturo ay nagkakaroon lamang ng bunga sa pamamagitan ng kalayaan ng iba, kaya dapat ang ating pagtuturo ay laging gawin nang may pagmamahal, tiyaga, at paghihikayat.

Tatalakayin ko ngayon ang mga obligasyon natin sa katotohanan at pagpaparaya sa ating personal na pakikipag-ugnayan sa mga nagsasalita nang masama sa ating harapan, nakikisama sa kasintahan nang hindi kasal, o hindi angkop ang paggalang sa araw ng Sabbath.

Ang obligasyon nating magparaya ay nangangahulugan na wala sa mga pag-uugaling ito—o sa iba pang itinuturing nating lihis sa katotohanan—ang dapat maging dahilan para tumugon tayo nang may galit o sa masamang paraan. Ngunit ang obligasyon natin sa katotohanan ay may sariling set ng mga dapat gawin at sariling set ng mga pagpapala. Kapag “[nagsalita] ang bawa’t isa sa [atin] ng katotohanan sa kanyang kapuwa” at kapag tayo ay “[nagsalita] ng katotohanan na may pagibig” (Mga Taga Efeso 4:15, 25), kumikilos tayo bilang mga lingkod ng Panginoong Jesucristo, sa paggawa ng Kanyang gawain. Susuportahan tayo ng mga anghel, at isusugo Niya ang Kanyang Banal na Espiritu upang gabayan tayo.

Sa sensitibong bagay na ito dapat muna nating pag-isipan kung—o hanggang saan—dapat nating sabihin sa ating mga kasamahan ang alam nating totoo tungkol sa kanilang pag-uugali. Mas madalas ang desisyong ito ay maaaring depende sa kung paano tayo direktang naaapektuhan nito.

Ang pagsasalita nang masama na palaging ginagawa sa ating harapan ay angkop na dahilan para ipaalam ang katotohanan na nasasaktan tayo rito. Ang pagsasalita nang masama na ginawa ng mga walang pananalig sa harap ng ibang tao ay malamang na hindi isang pagkakataon para harapin natin ang mga gumawa nito.

Ang pagsasama nang hindi kasal ay alam nating mabigat na kasalanan, na hindi dapat gawin ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kapag ginagawa ito ng mga nakapaligid sa atin, maaari itong lihim na gawain o isang bagay na hinihiling sa atin na palagpasin, kunsintihin, o bigyang-daan. Sa pagbalanse ng katotohanan at pagpaparaya, maaaring manaig ang pagpaparaya kung hindi tayo mismo sangkot sa gawaing ito. Ngunit kung tayo mismo ang sangkot sa pagsasama nang hindi kasal, dapat tayong magabayan ng ating tungkulin sa katotohanan. Halimbawa, iba ang ibig sabihin ng balewalain ang mabibigat na kasalanan kapag lihim na ginawa ang mga ito; iba rin ang mahilingang kunsintihin o di-direktang suportahan ang mga ito, tulad ng patirahin sila sa sarili nating pamamahay.

Sa paggalang sa araw ng Sabbath, marahil ay dapat nating ipaliwanag ang ating paniniwala na ang paggalang natin sa araw ng Sabbath, pati na ang pakikibahagi natin ng sakramento, ay nagpapanumbalik ng ating espirituwalidad at ginagawa tayong mas mabubuting tao sa buong linggong iyon. Pagkatapos, sa iba pang mga nananalig, maaari tayong magpasalamat sa katotohanan na iisa ang pinakamahalaga sa atin: bawat isa sa atin ay naniniwala sa Diyos at na may lubos na katotohanan, kahit na magkakaiba ang pakahulugan natin sa mahahalagang bagay na iyon. Bukod dito, dapat nating tandaan ang turo ng Tagapagligtas na dapat nating iwasang makipagtalo (tingnan sa 3 Nephi 11:29–30) at na ang ating halimbawa at ating pangaral ay dapat maging “tinig ng babala, bawat tao sa kanyang kapwa, sa kahinahunan at kaamuan” (D at T 38:41).

Sa lahat ng ito huwag nating akalaing maaari nating hatulan ang ating kapwa o kasamahan sa ibinunga ng kanilang mga pag-uugali. Ang Panginoon ang hahatol, hindi tayo.

Mga Alituntunin sa Talakayan sa Publiko

Kapag sumali ang mga nananalig sa pampublikong talakayan upang subukang impluwensyahan ang paggawa o pagpapatupad ng mga batas dahil sa kanilang mga paniniwala, dapat nilang gamitin ang ilang naiibang alituntunin.

Una, dapat nilang hangarin ang inspirasyon ng Panginoon na maging mapili at matalino sa pagpapasiya kung aling totoong mga alituntunin ang hahangarin nilang isulong ng batas o ipatupad ng pamahalaan. Karaniwan, dapat silang tumigil sa paghahangad ng mga batas o hakbanging-administratibo na magsusulong sa mga paniniwalang natatangi sa mga nananalig, tulad ng pagpapatupad ng mga pagsamba, kahit na ito ay ipinahiwatig lamang sa batas. Ang mga nananalig ay dapat maghangad sa pamahalaan ng mga hakbanging magsisilbi sa mga alituntunin na mas malawak kaysa isulong ang gawain ng kanilang relihiyon, tulad ng mga batas tungkol sa kalusugan, kaligtasan, at moralidad ng publiko.

Ang mga nananalig ay maaaring maghangad at kailangang maghangad ng mga batas na poprotekta sa kalayaan sa relihiyon. Kasabay ng pag-iibayo ng paniniwala na ang moralidad ay depende sa tao, dumaranas ng nakababahalang pagbaba ng paggalang sa relihiyon ang Estados Unidos at iba pang mga bansa. Minsang naging tanggap na bahagi ng buhay-Amerikano, ngayon ay pinagdududahan na ng marami ang relihiyon. Kinukuwestiyon pa ng ilang maimpluwensyang tao ang lawak ng proteksyong dapat ibigay ng ating mga konstitusyon sa kalayaan sa relihiyon, pati na ang karapatang sumamba at mangaral ng mga alituntuning pang-relihiyon.

Mahalagang bagay ito na tayong mga nananalig sa isang Poong Maykapal na siyang nagtakda ng lubos na tama at mali sa pag-uugali ng tao ay kailangang magkaisa upang ipaglaban ang matagal na nating karapatang sumamba sa ating relihiyon, na bumoto alinsunod sa ating konsiyensya tungkol sa mga isyung pampubliko, at makilahok sa mga halalan at debate sa pampublikong liwasan at mga bulwagan ng katarungan. Kailangan tayong makiisa sa iba pang mga nananalig para protektahan at palakasin ang kalayaang isulong at ipamuhay ang ating mga paniniwala sa relihiyon, anuman ang mga ito. Dahil dito kailangan nating tumahak nang sama-sama sa iisang landas upang matiyak ang ating kalayaang tahakin ang magkakahiwalay nating landas kapag kailangan ayon sa magkakaiba nating paniniwala.

Ikalawa, kapag isinulong ng mga nananalig ang kanilang opinyon sa pampublikong talakayan, dapat ay lagi silang mapagparaya sa opinyon ng mga taong iba ang mga paniniwala. Ang mga nananalig ay kailangang magsalita palagi nang may pagmamahal at magpasensya, umunawa, at mahabag sa kanilang mga kaaway. Ang mga nananalig na Kristiyano ay inutusang mahalin ang kanilang kapwa (tingnan sa Lucas 10:27) at magpatawad (tingnan sa Mateo 18:21–35). Dapat din nilang alalahanin ang turo ng Tagapagligtas na “pagpalain … ang sa [kanila’y] sumusumpa, [gawan ng mabuti ang mga napopoot sa kanila], at ipanalangin … ang sa [kanila’y] lumalait” (Lucas 6:28).

Ikatlo, ang mga nananalig ay hindi dapat mapigil ng paratang na sinisikap nilang gumawa ng mga batas batay sa mga pamantayang moral. Maraming bahagi ng batas ang batay sa moralidad ng mga Judio at Kristiyano noon pa man. Ang kanluraning sibilisasyon ay batay sa moralidad at hindi maaaring umiral nang wala ito. Bilang pangalawang pangulo ng U.S., ipinahayag ni John Adams: “Ang ating Konstitusyon ay nilikha para lamang sa mga mamamayang may moralidad at relihiyoso. Hindi nito lubos na mapamamahalaan ang mga taong iba kaysa rito.”9

Ikaapat, hindi dapat iwasan ng mga nananalig ang paghahangad ng mga batas na magpapanatili ng mga kundisyon o patakarang pampubliko na tumutulong sa kanila na ipamuhay ang mga hinihingi ng kanilang relihiyon kung saan ang mga kundisyon o patakarang iyon ay angkop din sa kalusugan, kaligtasan, o moralidad ng publiko. Halimbawa, kahit na mga paniniwala sa relihiyon ang pinagbatayan ng maraming batas laban sa krimen at ilang batas na pampamilya, ang mga batas na iyon ay matagal nang angkop sa mga demokratikong lipunan. Ngunit kapag ang mga taong nananalig ang nakararami, dapat silang maging sensitibo sa mga opinyon ng mga walang pananalig.

Ang huli, ang gabay na alituntunin sa pagbalanse natin ng katotohanan at pagpaparaya ay ginamit sa mga salitang ito ni Pangulong Hinckley: “Tumulong tayo sa mga nasa ating komunidad na hindi natin miyembro. Maging mabubuti, mababait at mapagbigay at magigiliw tayong kapitbahay. Makilahok tayo sa mabubuting layon ng komunidad. Maaaring may mga sitwasyon kung saan, pagdating sa mabibigat na problema ukol sa moralidad, hindi natin maaaring ipagpalit ang ating prinsipyo. Ngunit sa gayong mga sitwasyon maaari tayong hindi sumang-ayon nang may paggalang at nang hindi kinaiinisan. Maaari nating kilalanin ang katapatan ng mga taong hindi natin matanggap ang opinyon. Maaari nating pag-usapan ang mga prinsipyo sa halip na ang pagkatao.”10

Bantay sa Tore

Itinuro sa Biblia na isa sa mga tungkulin ng isang propeta ang maging “bantay” upang balaan ang Israel (tingnan sa Ezekiel 3:17; 33:7). Sa paghahayag idinagdag ng Panginoon ang payong ito para sa makabagong Sion: “Maglagay ng … bantay sa tore,” na “[makakakita sa] kaaway samantalang sila ay malayo pa” at magbibigay-babala upang maligtas ang ubasan “mula sa mga kamay ng mangwawasak” (D at T 101:45, 54).

Nagsasalita ako bilang isa sa mga bantay na yaon. Tinitiyak ko sa inyo na ang aking mensahe ay totoo. Ipinahahayag ko ang aking kaalaman na ang Diyos ay buhay! Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, na ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan, at na tinutulungan Niya ang bawat isa sa atin sa walang-hanggang paanyaya na tanggapin ang Kanyang kapayapaan sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol sa Kanya at pagtahak sa Kanyang landas (tingnan sa D at T 19:23).

Mga Tala

  1. “Is US a Nation of Liars? Casey Anthony Isn’t the Only One,” The Christian Science Monitor, Hulyo 19, 2011, 20; “Anarchy in the UK,” The Economist, Ago. 13, 2011, 144.

  2. Tingnan, halimbawa, sa Joseph G. Donders, ed., John Paul II: The Encyclicals in Everyday Language (2005), 212–13; tingnan din sa Rabbi Harold Kushner, Who Needs God (2002), 78.

  3. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 665.

  4. Eric Rassbach, sa William McGurn, “Religion and the Cult of Tolerance,” Wall Street Journal, Ago. 16, 2011, A11.

  5. Liham kay Dallin H. Oaks, Mayo 14, 1998.

  6. Boyd K. Packer, “Be Not Afraid” (pananalita sa Ogden Utah Institute of Religion, Nob. 16, 2008), 5; tingnan din sa Bruce D. Porter, “Defending the Family in a Troubled World,” Ensign, Hunyo 2011, 12–18.

  7. Liham kay Dallin H. Oaks, Dis. 22, 1987.

  8. Thomas S. Monson, “Mga Halimbawa ng Kabutihan,” Liahona, Mayo 2008, 65.

  9. Sa Charles Francis Adams, ed., The Works of John Adams, Second President of the United States, 10 tomo (1850–56), 9:229.

  10. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 131.

Paglalarawan ni Welden C. Andersen

Ang Labindalawang Ito na Isinugo ni Jesus, ni Walter Rane © IRI

Si Pablo na Apostol, ni Jeff Ward

Ang Babae na Nahuling Nangangalunya, ni Harry Anderson, © Pacific Press Publishing Association