Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya
Ang Paghingi ni Itay ng Paumanhin
Si David Hixon ay nakatira sa Texas, USA.
Mas mabisa ito kaysa isang libong sermon.
Ako ay 16 anyos noon at nagpapatugtog ng bago kong rock-and-roll album sa unang pagkakataon. Sa kasamaang-palad, habang nakikinig ako, nadismaya ako nang makarinig ako ng di-magandang salita sa huling kanta. Hiyang-hiya ako. Alam kong hindi sasang-ayon ang mga magulang ko—hindi angkop ang kanta sa mga pamantayan ng pamilya namin. Ngunit nagustuhan ko ang iba pang mga kanta sa album, kaya tuwing patutugtugin ko ito, hinihinaan ko ang volume nito bago makanta ang mahalay na salita.
Ang kapatid kong babae na may mabuting intensyon ay ikinuwento sa tatay ko ang tungkol sa album ko. Kalaunan, noong nasa dining room kaming dalawa, sinabi niya ang pag-aalala niya tungkol sa di-angkop na salita. Bagama’t mahinahon ang pagpuna niya, nagmatigas ako at ipinagtanggol ko pa rin ang sarili ko.
Lahat ng maisip ko ay idinahilan ko para makumbinsi si Itay na hindi ko itatapon ang record. “Hindi ko po alam na may ganyang salita sa album nang bilhin ko ito,” sabi ko, “at kapag tumutugtog ang kantang iyon, hinihinaan ko ito.”
Nang sabihin niya na dapat ko pa ring itapon ang record, sinabi ko, “Kung iyan ang iniisip ninyo, titigil na rin ako sa pag-aaral! Naririnig ko ang salitang iyan—at mas malala pa riyan—araw-araw sa eskuwela!”
Nagsimulang mayamot si Itay. Muli niyang ipinaalala sa akin na hindi kami dapat magkaroon ng di-magandang musika sa bahay namin. Tumindi ang pagtatalo namin nang sabihin ko na may mas mabibigat na kasalanan na maaari kong magawa at na hinding-hindi ko ginamit ang salitang iyon.
Sinubukan kong baligtarin ang sitwasyon: “Sinisikap kong magpakabuti, pagkatapos pagtutuunan ninyo ang maliit na bagay na ito at iisipin ninyong makasalanan ako!”
Magkagayunman, hindi natinag si Itay. Ako rin. Padabog akong umakyat sa kuwarto ko, pabagsak na isinara ang pinto, at humiga sa kama ko, na galit na galit. Paulit-ulit kong inisip ang ikinatwiran ko, lalong pinaninindigan ang mali kong katwiran at kinukumbinsi ang sarili ko na tama ako.
Makalipas ang sampung minuto, may mahinang katok sa pinto. Si Itay pala. Nagbago na ang kanyang anyo. Hindi siya naparoon para makipagtalo. “Sori at nagalit ako,” sabi niya. “Mapapatawad mo ba ako?” Sinabi niya kung gaano niya ako kamahal at mataas ang pagtingin niya sa akin. Hindi siya nangaral. Hindi niya ako pinayuhan. Pagkatapos ay tumalikod siya at tahimik na umalis sa silid.
Kailanman ay hindi magiging gayon kabisa sa akin ang isang libong sermon tungkol sa pagpapakumbaba. Hindi na ako galit sa kanya, sa sarili ko na lang ako galit dahil matigas ang ulo ko at ayaw kong makinig. Kinuha ko ang record, sinira ito, at itinapon. Hindi ko alam kung nasabi ko kay Itay ang ginawa ko, ngunit hindi na mahalaga iyon. Ang mahalaga ay nalaman ko na pinahahalagahan ni Itay ang aming ugnayan nang higit kaysa sarili niyang dignidad, kahit na siya ang tama.