Pagtuturo ng Para sa Lakas ng mga Kabataan
Libangan at Media
Ang ating lipunan ay puno ng pagpipiliang media. Dapat tayong mag-ingat kung anong mga larawan at kaisipan ang ipapasok natin sa ating isipan dahil “anuman ang [ating] binabasa, pinakikinggan, o tinitingnan ay makakaapekto sa [atin]” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 11). Sumulat si Adrián Ochoa, pangalawang tagapayo sa general Young Men presidency, tungkol sa libangan at media sa pahina 48 ng isyung ito.
“Tandaan na ang totoo ay narito kayo sa buhay na ito para palaguin ang inyong pananampalataya, subukan, at matuto at lumigaya,” pagsulat niya. “Bilang miyembro ng tunay na Simbahan ni Cristo, nasa inyo ang malaking kapangyarihan na tutulong sa inyo. Nasa inyo ang kapangyarihan ng Espiritu Santo na nagbibigay-babala sa inyo kapag ang nasa harapan ninyo ay hindi tama. Nasa inyo rin ang kapangyarihan ng kalayaan, kaya mapipili ninyo ang inyong gagawin at hindi gagawin.”
Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Kabataan
-
Talakayin sa inyong mga tinedyer ang mga pelikulang pinanonood ninyo bilang pamilya. Pakinggan ang musikang hilig nila. Magkasama ninyong pag-isipan kung angkop ang media na iyon sa mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan.
-
Magpunta sa youth.lds.org at mag-klik sa “For the Strength of Youth” sa ilalim ng Youth Menu. Matatagpuan ninyo roon ang mga video, mga reperensya sa banal na kasulatan, mga radio program sa Mormon Channel, mga tanong at mga sagot, at mga artikulo (tingnan, halimbawa, sa “Getting Real”), kabilang na ang mga mensahe ng mga General Authority.
-
Isiping magdaos ng family home evening tungkol sa kahalagahan ng pagpili ng mabuting media (magandang pagkunan ang mensahe ni David A. Bednar, “Ang Katunayan ng mga Bagay-bagay,” Liahona, Hunyo 2010, 22–31.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Bata
Sa kuwentong “Ang Patakaran sa mga Rating,” na matatagpuan sa pahina 70, alam ni Ethan kung anong media ang angkop na gamitin dahil napag-usapan na nila ito sa pamilya. Maaari ninyong basahin ang artikulong ito sa inyong mga anak at pag-usapan ninyo ito gamit ang mga tanong na ito:
-
Sino ang makatutulong sa atin sa pagpili ng tamang media at libangan?
-
Anong media ang mabuting panoorin, basahin, o pakinggan natin?
-
Kailan OK na gamitin ang media?
-
Saan natin dapat gamitin ang media?
-
Bakit mahalagang maging maingat tungkol sa libangan?
Isiping gumawa ng gabay ng pamilya sa pagpili ng media sa pagtutupi ng mga blangkong papel sa gitna at pagsama-samahin ito gamit ang stapler para makabuo ng buklet. Sa bawat pahina, maisusulat ninyo ang uri ng media na ginagamit sa inyong tahanan, kasama ang mga pamantayan ng pamilya at payo ng propeta na angkop sa media na iyon.
Maaari din ninyong basahin ang “Isara at Isumbong” ni Danielle Kennington (Liahona, Hunyo 2011, 64) para mapag-usapan na ninyo ang angkop na paggamit ng media.