Ang Katunayan ng mga Bagay-bagay
Mula sa mensaheng ibinigay sa Church Educational System fireside sa Brigham Young University–Idaho noong Mayo 3, 2009.
Nagbababala ako bilang apostol tungkol sa posibleng nakakainis, nakakalimita, at nakakapigil na epekto ng ilang uri ng pakikipag-ugnayan at mga karanasan sa Internet sa ating kaluluwa.
Sa pag-asam at paghahanda ko para sa pagkakataong ito na matutong kasabay ninyo, mas naunawaan ko ang matitinding damdamin ni Jacob, na kapatid ni Nephi. Sabi niya, “Sa panahong ito ako ay labis na nabibigatan dahil sa … paghahangad at pag-aalaala para sa kapakanan ng inyong mga kaluluwa” (Jacob 2:3). Ang mensaheng ibabahagi ko sa inyo ngayon ay nagpadalisay sa aking “kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit” sa paglipas ng panahon (D at T 121:45). Sana makinig kayong mabuti sa seryosong paksang may agarang mga epekto sa ngayon at sa walang hanggan. Dalangin kong sumaatin ang Espiritu Santo at turuan ang bawat isa habang tayo’y magkakasama.
Matagal na akong hanga sa simple at malinaw na kahulugan ng katotohanan na nasa Aklat ni Mormon: “Ang Espiritu ay nagsasabi ng katotohanan at hindi nagsisinungaling. Anupa’t nagsasabi ito ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at mga bagay kung ano talaga ang magiging ito; kaya nga, ipinaalam sa amin ang mga bagay na ito nang malinaw, para sa kaligtasan ng ating mga kaluluwa” (Jacob 4:13; tingnan din sa D at T 93:24).
Magtutuon tayo sa unang mahalagang elemento ng katotohanang tinukoy sa talatang ito: “ang katunayan ng mga bagay-bagay.” Repasuhin muna natin ang ilang pangunahing elemento ng plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit bilang pundasyon ng doktrina sa pag-alam at pag-unawa sa katunayan ng mga bagay-bagay. Pagkatapos ay pag-uusapan natin ang mga paraan ng pagsalakay ng kaaway para linlangin tayo o pigilan ang kakayahan nating malaman ang katunayan ng mga bagay-bagay. At sa huli, pag-uusapan natin ang inyong mga responsibilidad bilang bagong henerasyon. Kailangan ninyong maging masunurin, igalang ang mga sagradong tipan, at malaman nang palagian ang katunayan ng mga bagay sa mundo ngayon, na lalong gumugulo at sumasama.
Ang Banal Nating Tadhana
Sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ipinahayag ng Unang Panguluhan at ng Kapulungan ng Labindalawang Apostol na bilang mga espiritung anak ng Diyos ating “tinanggap ang Kanyang plano na naglaan sa Kanyang mga anak na magkamit ng pisikal na katawan at magtamo ng karanasan sa mundo upang umunlad patungo sa kaganapan at sa huli ay makamtan ang [ating] banal na tadhana bilang tagapagmana ng buhay na walang hanggan.”1 Pansinin sana ninyo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng katawan sa proseso ng pag-unlad tungo sa ating banal na tadhana.
Itinuro ni Propetang Joseph Smith nang malinaw ang kahalagahan ng ating katawan:
“Naparito tayo sa mundong ito upang magkaroon ng katawan at dalisay itong iharap sa Diyos sa kahariang selestiyal. Ang dakilang alituntunin ng kaligayahan ay nasa pagkakaroon ng katawan. Ang diyablo ay walang katawan, at iyon ang kanyang kaparusahan. Nasisiyahan siya kapag nakakakuha siya ng katawan ng tao, at nang palayasin ng Tagapagligtas ay hiniling niyang makapasok sa katawan ng mga baboy, na nagpapakitang gugustuhin niya ang katawan ng baboy kaysa wala. Lahat ng nilalang na may katawan ay higit ang lakas kaysa mga yaong wala nito. …
“Ang diyablo ay walang kapangyarihan sa atin maliban kung tulutan natin siya; sa sandaling magrebelde tayo sa anumang nagmumula sa Diyos, nananaig ang kapangyarihan ng diyablo.”2
Ginagawang posible ng ating pisikal na katawan ang iba’t ibang matitinding karanasang hindi natin pagdaraanan sa buhay bago tayo isinilang. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang ating espiritu at katawan ay pinagsama sa paraan na ang ating katawan ay nagiging kasangkapan ng ating isipan at pundasyon ng ating pagkatao.”3 Kaya nga, ang pakikipag-ugnayan natin sa ibang tao, kakayahang kumilala at kumilos ayon sa katotohanan, at kakayahang sundin ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nagagawa dahil sa ating katawan. Sa pagkatuto sa mortalidad, dumaranas tayo ng kagiliwan, pagmamahal, kabaitan, kaligayahan, kalungkutan, kabiguan, pasakit, at mga hamon ng pisikal na limitasyon na naghahanda sa atin para sa kawalang-hanggan. Sa madaling salita, may mga aral na dapat nating matutuhan at mga karanasang dapat pagdaanan, na sabi sa mga banal na kasulatan [ay], “ayon sa laman” (1 Nephi 19:6; Alma 7:12–13).
Palaging itinuturo ng mga apostol at propeta ang mortal at walang hanggang kahalagahan ng ating katawan. Ipinahayag ni Pablo:
“Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?
“Kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios, siya’y igigiba ng Dios; sapagka’t ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo” (I Mga Taga Corinto 3:16–17).
At sa dispensasyong ito inihayag ng Panginoon na “ang espiritu at ang katawan ang kaluluwa ng tao” (D at T 88:15). Ang tunay na katotohanan at lalaging totoo ay na ang katawan at espiritu ang bumubuo ng ating realidad at pagkatao. Kapag ang katawan at espiritu ay hindi mapaghihiwalay, tatanggap tayo ng ganap na kagalakan; kapag nagkahiwalay ang mga ito, hindi tayo tatanggap ng ganap na kagalakan (tingnan sa D at T 93:33–34).
Layon ng plano ng ating Ama sa Langit na patnubayan ang Kanyang mga anak, tulungan silang lumigaya, at ibalik sila nang ligtas sa Kanya taglay ang nabuhay na mag-uli at dinakilang katawan. Sinisikap ni Lucifer na lituhin at palungkutin ang mga anak ng Diyos at hadlangan ang kanilang walang hanggang pag-unlad. Ang pangunahing hangarin ng ama ng kasinungalingan ay gawin tayong lahat na “kaaba-abang katulad ng kanyang sarili” (2 Nephi 2:27), at binabaluktot niya ang mga elemento ng plano ng Ama na labis niyang kinamumuhian.
Si Satanas ay walang katawan, at wala na siyang walang hanggang pag-unlad. Tulad ng pagpigil ng dam sa pagdaloy ng tubig sa ilog, napigil din ang walang hanggang pag-unlad ng kaaway dahil wala siyang pisikal na katawan. Dahil naghimagsik, ipinagkait ni Lucifer sa kanyang sarili ang lahat ng mortal na pagpapala at karanasang napangyayari dahil sa katawang may laman at mga buto. Hindi niya matututuhan ang mga aral na matututuhan lang ng espiritung may katawan. Hindi siya makapag-aasawa o matatamasa ang biyaya ng pagkakaroon ng anak at bumuo ng pamilya. Hindi niya makakayanan ang katotohanan ng literal na pagkabuhay na mag-uli ng buong sangkatauhan. Isa sa mga kahulugan ng salitang mapahamak sa banal na kasulatan ay inilarawan sa kawalan niya ng kakayahang patuloy na lumago at makatulad ng ating Ama sa Langit.
Dahil napakahalaga ng pisikal na katawan sa plano ng kaligayahan ng Ama at sa ating espirituwal na pag-unlad, hindi tayo dapat magulat na hangad ni Lucifer na hadlangan ang ating pag-unlad sa pamamagitan ng panunukso sa atin na gamitin sa mali ang ating katawan. Isa sa mga kabalintunaan ng kawalang-hanggan ay ang kaaway, na miserable dahil wala siyang katawang pisikal, ay inaakit tayong makibahagi sa kanyang abang katayuan sa maling paggamit ng ating katawan. Kaya’t ang kasangkapang wala sa kanya at hindi niya magamit ang mismong puntirya niya para akitin tayo tungo sa pisikal at espirituwal na kapahamakan.
Ang mga Pagsalakay ng Kaaway
Tinatangka ng kaaway na akitin tayong gamitin sa masama ang ating pisikal na katawan at hindi pahalagahan ang ating katawan. Ang dalawang paraang ito ng pagsalakay ay mahalagang makilala natin at labanan.
Kapag ginamit ng mga anak ng Ama sa Langit sa masama ang kanilang pisikal na katawan sa pamamagitan ng paglabag sa batas ng kalinisang-puri, paggamit ng droga at mga sangkap na nakakaadik, pagsira o pagdungis dito, o pagsamba sa katawan ng sinuman, tuwang-tuwa si Satanas. Sa ating mga nakakaalam at nakauunawa sa plano ng kaligtasan, anumang maling paggamit ng katawan ay anyo ng paghihimagsik at pagtatwa sa tunay nating pagkatao bilang mga anak ng Diyos (tingnan sa Mosias 2:36–37; D at T 64:34–35).
Ngayon mga kapatid, hindi ko masasabi sa inyo ang lahat ng paraan ng maling paggamit ng inyong katawan; “sapagkat maraming magkakaibang daan at mga paraan, na lubhang napakarami kung kaya’t hindi ko na yaon magagawang bilangin” (Mosias 4:29). Alam ninyo ang tama at mali, at responsibilidad ninyong alamin ito sa inyong sarili “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118) ang mga bagay na dapat at hindi ninyo dapat gawin at ang doktrina kung bakit dapat at hindi dapat gawin ang mga iyon. Pinatototohanan ko na kapag hinangad ninyong malaman ito, kapag inyong “babantayan ang inyong sarili, at ang inyong mga isipan, at ang inyong mga salita, at ang inyong mga gawa, at susunod sa mga kautusan ng Diyos, at magpapatuloy sa pananampalataya sa inyong mga narinig hinggil sa pagparito ng ating Panginoon, maging hanggang sa katapusan ng inyong mga buhay” (Mosias 4:30), espirituwal kayong maliliwanagan at mapoprotektahan. At batay sa inyong katapatan at kasigasigan, magkakaroon kayo ng kapangyarihang malaman ang panlilinlang at malabanan ang mga pagsalakay ng kaaway kapag tinukso niya kayong gamitin sa mali ang inyong katawan.
Sinisikap din ni Satanas na akitin ang mga anak ng Diyos na huwag pahalagahan ang kanilang pisikal na katawan. Ang ganitong uri ng pagsalakay ay di kapansin-pansin at pinakamasama. Magbibigay ako ng ilang halimbawa kung paano tayo mapapayapa at malilibang ng kaaway tungo sa makamundong seguridad (tingnan sa 2 Nephi 28:21) at mahikayat tayong ipagsapalaran ang mga natututuhan natin sa mundo na naging dahilan ng paghiyaw natin sa galak sa buhay bago tayo isinilang (tingnan sa Job 38:7).
Halimbawa, lahat tayo’y magagalak sa iba’t ibang makabuluhan at nakalilibang na mga aktibidad. Ngunit hindi natin pinahahalagahan ang ating katawan at ipinapahamak ang ating pisikal na kapakanan sa pagpunta sa di-karaniwan at mapanganib na mga kalagayan sa paghahanap ng mas matindi at masiglang pakiramdam na dulot ng “simbuyo” ng ating damdamin. Maaari nating ikatwiran na walang masama sa tila inosenteng pagsasamantala at pangangahas. Gayunman, ang pagsasapanganib sa kasangkapang bigay ng Diyos sa atin para matuto sa mga karanasan ng mortalidad—dahil lang sa katuwaan o inaakalang kasayahan, para masiyahan, o maging katanggap-tanggap—ay talagang nagpapawalang-halaga sa ating pisikal na katawan.
Nakakalungkot na ipinagwawalang-bahala ng ilang kabataan sa Simbahan ngayon ang “katunayan ng mga bagay-bagay” at ipinagpapalit ang mga walang hanggang kaugnayan sa mga digital device, libangan, at pampalipas oras na pansamantala lamang. Nasasaktan ako kapag ang isang bagong kasal—na ibinuklod sa kapangyarihan ng banal na priesthood sa bahay ng Panginoon para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan—ay hindi nagkakasundo dahil sa nakakaadik na epekto ng labis na paglalaro ng video games o pakikipag-chat online. Sasayangin ng isang kabataang lalaki o babae ang maraming oras, ipagpapaliban o babalewalain ang trabaho o pag-aaral, at sa huli’y isasakripisyo ang itinatanging ugnayan dahil manhid na ang kanilang isipan at espiritu sa kalalaro ng video at online games. Sabi nga ng Panginoon, “Kaya nga, binibigyan ko sila ng kautusan … : Huwag ninyong sayangin ang inyong panahon, ni huwag ninyong itago ang inyong talino upang ito ay hindi malaman” (D at T 60:13).
Siguro nagtatanong kayo ngayon, “Pero Brother Bednar, nagsimula kayo ngayon sa pagtalakay sa kahalagahan ng pisikal na katawan sa ating walang hanggang pag-unlad. Ibig ba ninyong sabihin may kinalaman ang paglalaro ng video games at iba’t ibang klase ng komunikasyon sa computer sa pagbabalewala sa aming pisikal na katawan?” Iyan mismo ang ibig kong sabihin. Magpapaliwanag ako.
Nabubuhay tayo sa panahon na ang teknolohiya ay nagagawang kopyahin at dagdagan ang totoo, at nakalilikha ng kunwari’y totoo. Halimbawa, makakagamit ng software simulation ang doktor para maisagawa ang isang kumplikadong operasyon nang hindi inilalagay sa panganib ang buhay ng pasyente kahit kailan. Paulit-ulit na mapapraktis ng piloto sa flight simulator ang paglapag ng eroplano sa oras ng emergency para mailigtas ang maraming buhay. At magagamit ng mga arkitekto at inhinyero ang mga bagong teknolohiya para imodelo ang mahihirap na plano at pamamaraan sa pagtatayo para mabawasan ang namamatay at pagkasira ng mga gusali sanhi ng mga lindol at iba pang sakunang dulot ng kalikasan.
Sa bawat halimbawang ito, nakakatulong ang ganap na katumpakan sa simulation o modelo sa pagiging epektibo ng karanasan. Ang katagang katumpakan ay ukol sa pagkakatulad ng totoo at ng representasyon ng totoo. Kapaki-pakinabang ang gayong simulation kung ganap ang katumpakan at mabuti ang mga layunin—halimbawa, ang paglalaan ng karanasang nakapagliligtas o nagpapahusay sa kalidad ng buhay.
Pansinin ninyo ang katumpakan sa pagitan ng representasyon ng katotohanan na ipinapakita sa computer (pahina 26) at ng katotohanan ng kinumpletong silid sa retrato sa kasunod na pahina.
Sa halimbawang ito, gumamit ng katumpakan para magawa ang isang napakahalagang layunin—ang disenyo at pagtatayo ng isang sagrado at magandang templo. Gayunman, ang simulation o modelo ay maaaring makasira at maging panganib sa espirituwalidad kung ganap ang katumpakan at masama ang mga layunin—tulad ng pagsubok sa mga gawaing salungat sa mga utos ng Diyos o pang-aakit na isipin o gawin ang mga bagay na hindi natin iisipin o gagawin “dahil laro lang ito.”
Nagbababala ako bilang apostol sa mga maaaring idulot na paghadlang, pagpigil, at pagsupil ng ilang uri ng pakikipag-ugnayan at karanasan sa cyberspace o Internet sa ating kaluluwa. Ang mga pag-aalala ko ay hindi na bago; akma rin ito sa iba pang uri ng media, tulad ng telebisyon, pelikula, at musika. Pero sa mundo ng mga digital device, mas matindi at laganap ang mga hamong ito. Nakikiusap ako na iwasan ang impluwensya ng mga digital device na nagpaparupok ng isipan at espiritu na ginagamit para lumikha ng ganap na katumpakan at nagtataguyod ng nakahihiya at masasamang layunin.
Kung hindi tayo maakit ng kaaway na gamitin sa mali ang ating pisikal na katawan, isa sa pinakamabisa niyang taktika ang dayain tayo na mga espiritung may katawan na unti-unti at pisikal na lumayo sa katunayan ng mga bagay-bagay. Sa kabuuan, hinihikayat niya tayong mag-isip at kumilos na tila tayo ay mga espiritung walang katawan. At, kung papayagan natin siya, matalino niyang magagamit ang ilang aspeto ng makabagong teknolohiya para isakatuparan ang kanyang mga layunin. Mag-ingat at huwag malulong at mawili sa mga pixel, texting, headphone, pagsulat ng anuman online tungkol sa buhay ninyo, online social networking, at sa nakaaadik na gamit ng media at Internet na nakakaligtaan na ninyo ang kahalagahan ng inyong pisikal na katawan at ang personal na pakikipag-usap sa tao. Iwasan ang paggamit ng maraming anyo ng mga digital display at data na maaaring pumalit sa mga bagay na magagawa at mararanasan ng inyong katawan.
Basahing mabuti ang sumusunod na sipi na naglalarawan ng matinding pakikipagniig ng isang babae sa kanyang manliligaw sa Internet. At pansinin kung paano winalang-halaga ng gamit sa komunikasyong ito ang pisikal na katawan: “Kay PFSlider [pangalan ng lalaki sa Internet] uminog ang buhay ko. Nawalan ng kabuluhan ang iba pang bagay. Parang wala akong katawan. Wala akong balat, buhok, o buto. Lahat ng pagnanasa ko ay naging daloy ng isipan na walang narating kundi harap lang ng utak ko. Walang labas-labas, walang kai-kaibigan, walang pana-panahon. Tanging computer screen lang at telepono, silya ko, at siguro’y isang basong tubig.”4
Sa kabilang banda, kailangan nating sundin ang payo ni Pablo: “Na ang bawa’t isa sa inyo’y makaalam na maging mapagpigil sa kaniyang sariling katawan sa pagpapakabanal at kapurihan” (I Mga Taga Tesalonica 4:4).
Isiping muli ang halimbawang binanggit ko kanina tungkol sa mag-asawang bagong kasal sa bahay ng Panginoon. Ang batang-isip o di-naturuang asawa ay maaaring mag-ukol ng maraming oras sa video games, pakikipag-chat online, o sa iba pang mga paraan na nagtutulot na mangibabaw ang digital sa katunayan ng mga bagay-bagay. Noong una tila hindi naman masamang magsayang ng oras, dahil ilang minuto lang ito ng pagpapahinga mula sa kaabalahan sa mga gawain araw-araw. Ngunit nakakaligtaan ang mahahalagang pagkakataon na matuto at humusay sa pakikisama, tumawa at umiyak nang magkasama, at lumikha ng sagana at tumatagal na bigkis ng pagkakalapit ng damdamin. Unti-unti, ang tila inosenteng libangan ay nagiging isang uri ng nakasisirang pagkaalipin.
Ang madama ang init ng magiliw na yakap ng walang hanggang kabiyak o makita ang katapatan sa mga mata ng ibang tao habang nagbabahagi ng patotoo—na dinaranas ang katunayan ng lahat ng bagay na ito sa pamamagitan ng ating pisikal na katawan—ay maaaring maipagpalit sa ganap na katumpakang di nagtatagal. Kung kayo at ako ay hindi maingat, tayo ay magiging “manhid” (1 Nephi 17:45), tulad nina Laman at Lemuel noon.
Narito ang isa pang halimbawa ng unti-unting pisikal na paglayo sa katunayan ng mga bagay-bagay. Ngayon mapapasok na ng isang tao ang isang mundong kunwa-kunwarian, tulad ng “Second Life,” at magkunwang ibang tao. Makalilikha ang tao ng isang avatar, o isang katauhan sa Internet, na akma sa sarili niyang anyo at pagkilos. O makalilikha ang isang tao ng huwad na pagkatao na walang kaugnayan sa katunayan ng mga bagay-bagay. Gaano man kalapit ang panggagaya ng bagong pagkatao sa totoong tao, ang gayong pagkilos ay malinaw na halimbawa ng mga bagay na hindi tunay. Kanina ay ipinaliwanag ko ang katumpakan ng simulation o modelo. Ngayon ay bibigyang-diin ko ang kahalagahan ng personal na katumpakan—ang ugnayan ng totoong tao at ng pakunwaring pagkatao sa Internet. Pansinin ang kawalan ng personal na katumpakan sa yugtong ito na iniulat sa Wall Street Journal:
Si Ric Hoogestraat ay “malaking [53-anyos] na lalaki na may mahaba at kulay-abong ponytail, makapal na patilya, at namumuti nang bigote. … [Gumugugol si Ric] ng anim na oras sa gabi at kadalasan ay 14 na oras kapag Sabado’t Linggo bilang si Dutch Hoorenbeek, na anim na talampakan at siyam na pulgada ang taas, matipunong … cyber-self. Ang tauhan ay parang mas bata at matipunong bersiyon ni [Ric]. …
“… Nakaupo [siya] sa harap ng computer at sarado ang blinds. … Habang ang asawa niyang si Sue ay nanonood ng telebisyon sa sala, si Mr. Hoogestraat ay nakikipag-chat online sa nasa screen na tila matangkad at balingkinitang babae na pula ang buhok.
Hindi pa niya nakita ang babae sa labas ng mundo ng computer ng Second Life, isang napakahusay na gawang digital fantasyland. … Ni hindi pa niya ito nakausap sa telepono. Ngunit ang kanilang relasyon ay parang totoong-totoo. May dalawang aso sila, [at] nagbabayad sila ng sangla, at gumugugol ng oras [sa mundo nila sa Internet] sa pamimili sa mall at matagalang pagsakay sa motorsiklo. … Napakatibay ng bigkis nila kaya tatlong buwan na ang nakararaan ay hiniling ni Mr. Hoogestraat kay Janet Spielman, ang 38-taong gulang na babaing taga-Canada na siyang kumokontrol sa babaeng pula ang buhok, na maging asawa niya kunwari.
“Hindi natuwa ang legal na asawa niya. ‘Talagang nakakabahala,’ sabi ni Sue Hoogestraat, … na pitong buwan nang kasal kay Mr. Hoogestraat.”5
Mga kapatid, unawain sana ninyo. Hindi ko sinasabing lahat ng teknolohiya ay talagang masama; hindi po. Ni hindi ko sinasabing hindi natin dapat gamitin ang maraming kakayahan nito sa wastong mga paraan para matuto, makipag-ugnayan, magpasigla at magpasaya, at patatagin at palakasin ang Simbahan; siyempre dapat nating gawin ito. Pero nagbababala ako na hindi natin dapat sayangin at sirain ang mga tunay na relasyon sa pagkapit sa mga artipisyal na bagay. “Halos 40% ng mga lalaki at 53% ng mga babaeng naglalaro ng online games ang nagsabi na ang kunwari nilang mga kaibigan ay katumbas ng o higit pa sa tunay nilang mga kaibigan, ayon sa survey ng 30,000 manlalaro na isinagawa ng … isang bagong Ph.D. graduate mula sa Stanford University. Mahigit 25% ng mga manlalaro [na tumugon ang nagsabi na] ang pinakamagandang naranasan nila sa nakaraang linggo ay naranasan nila sa mundo ng computer.”6
Napakahalaga, walang hanggan, at napapanahon ang pakahulugan ng Panginoon sa katotohanan: “ang katunayan ng mga bagay-bagay.” Itinanong ng propetang si Alma, “O ngayon, hindi ba ito ay tunay?” (Alma 32:35). Ang tinutukoy niya ay ang liwanag at kabutihang nadarama kaya’t matitikman mo ang mga ito. Tunay, “sila na nananahanan sa … kinaroroonan [ng Ama] … ay nakikita ang gaya ng pagkakakita sa kanila, at nakaaalam gaya ng pagkakaalam sa kanila, makaraang matanggap ang kanyang kaganapan at ang kanyang biyaya” (D at T 76:94).
Mahal kong mga kapatid, mag-ingat! Sa pagkabawas ng personal na katapatan sa komunikasyong ipinadadaan sa computer at sa baluktot, lisya, at masamang layon ng gayong komunikasyon, napakataas ng posibilidad na masira ang ating espirituwalidad. Isinasamo ko sa inyo na agad at tuluyang talikuran ang gayong mga lugar at aktibidad (tingnan sa II Kay Timoteo 3:5).
Ngayon, gusto kong talakayin ang iba pang paraan ng mga pagsalakay ng kaaway. Madalas mag-alok si Satanas ng nakatutuksong ilusyon ng lihim na pagkatao. Noon pa man ay lihim na ang pagsasakatuparan ni Lucifer sa kanyang gawain (tingnan sa Moises 5:30). Gayunman, tandaan na ang pag-aapostasiya ay hindi lihim dahil lamang sa nangyari ito sa isang blog o sa inimbentong pagkatao sa chat room o kunwa-kunwariang mundo. Ang malalaswang kaisipan, salita, at gawain ay talagang mahalay, kahit sa Internet. Ang panlilinlang na ikinukubli nang palihim, tulad ng ilegal na pag-download ng musika mula sa Internet o pagkopya ng mga CD o DVD para ipamigay sa mga kaibigan at pamilya, ay panlilinlang din. Lahat tayo ay mananagot sa Diyos, at sa huli ay hahatulan Niya tayo ayon sa ating mga gawa at mga hangarin ng ating puso (tingnan sa Alma 41:3). “Sapagka’t kung ano ang iniisip [ng tao] sa loob niya, ay gayon siya” (Mga Kawikaan 23:7).
Alam ng Panginoon kung sino tayo talaga, ano ang iniisip at ginagawa natin, at kung ano ang kahihinatnan natin. Binalaan Niya tayo na “ang mga mapanghimagsik ay babagabagin ng labis na pighati; sapagkat ang kanilang mga kasamaan ay ipagsisigawan sa mga bubungan, at ang kanilang mga lihim na gawain ay ihahayag” (D at T 1:3).
Nagbabala na ako tungkol sa ilan lamang sa mga espirituwal na panganib sa ating mundong sanay sa teknolohiya at mabilis na nagbabago. Inuulit ko: ang teknolohiya o mabilis na pagbabago ay maaaring maging mabuti o masama; ang kailangan lang ay unawain ang dalawang ito batay sa walang hanggang plano ng kaligayahan. Hihikayatin kayo ni Lucifer na gamitin sa mali at pawalang-halaga ang inyong pisikal na katawan. Tatangkain niyang ihalili ang paulit-ulit na kunwari’y totoo sa iba’t ibang uri ng likha ng Diyos at kukumbinsihin tayo na mortal na bagay lamang tayo na maaaring pakilusin sa halip na mga walang hanggang kaluluwang may kalayaang kumilos para sa ating sarili. Nililinlang at inaakit niya ang mga espiritung may katawan na kalimutan ang mga pagpapala at natutuhan natin mula sa ating karanasan “sang-ayon sa laman” (1 Nephi 19:6; Alma 7:12–13) na ginawang posible sa pamamagitan ng plano ng kaligayahan ng Ama at ng Pagbabayad-sala ng Kanyang Bugtong na Anak.
Para sa inyong kaligayahan at proteksyon, masigasig na pag-aralan ang doktrina ng plano ng kaligtasan—at mapanalanging pagbulay-bulayin ang mga katotohanang pinag-usapan natin. Pag-isipan ninyo ang dalawang tanong ko sa inyong personal na pagninilay at mapanalanging pag-aaral:
1. Ang paggamit ba ng iba’t ibang teknolohiya at media ay nag-aanyaya o pumipigil sa palagiang pagsama ng Espiritu Santo sa inyong buhay?
2. Ang oras bang ginugugol ninyo sa paggamit ng iba’t ibang teknolohiya at media ay nagpapalawak o naglilimita sa kakayahan ninyong mabuhay, magmahal, at maglingkod sa makabuluhang paraan?
Tatanggap kayo ng mga sagot, inspirasyon, at tagubilin mula sa Espiritu Santo na angkop sa inyong sariling sitwasyon at pangangailangan. Inuulit ko at pinagtitibay ang turo ni Propetang Joseph: “Lahat ng nilalang na may katawan ay may kapangyarihang mangibabaw sa mga yaong wala nito. Ang diyablo ay walang kapangyarihan sa atin maliban kung tulutan natin siya.”
Ang mga walang hanggang katotohanang ito tungkol sa kahalagahan ng ating pisikal na katawan ay magpapatibay sa inyo laban sa panlilinlang at mga pagsalakay ng kaaway. Ang isa sa mga taimtim kong hangarin para sa inyo ay ang patuloy na paglago ng patotoo at pagpapahalaga sa Pagkabuhay na Mag-uli—maging ang inyong pagkabuhay na mag-uli taglay ang isang selestiyal, at dinakilang katawan “dahil sa inyong pananampalataya sa [Panginoong Jesucristo] alinsunod sa pangako” (Moroni 7:41).
Ang Bagong Henerasyon
Gusto kong magsalita lalo na sa inyo kung sino talaga kayo. Kayo talaga ang sumisibol na henerasyon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Noong Oktubre ng 1997, bumisita si Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Brigham Young University–Idaho para magsalita sa isang debosyonal. Noong araw na nasa kampus siya, nagkausap kami tungkol sa iba’t ibang paksa ng ebanghelyo sa pangkalahatan at lalo na sa mga kabataan ng Simbahan. Naaalala ko na may sinabi si Elder Maxwell na talagang hinangaan ko. Sabi niya, “Ang mga kabataan ng henerasyong ito ay mas may kakayahang sumunod kaysa mga nakaraang henerasyon.”
At sinabi niyang ang sinabi niya ay batay sa katotohanang itinuro ni Pangulong George Q. Cannon (1827–1901), Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang Diyos ay nagreserba sa dispensasyong ito ng mga espiritung may tapang at determinasyong harapin ang mundo at lahat ng kapangyarihan ng demonyo, na nakikita at hindi nakikita, upang ipahayag ang Ebanghelyo at panindigan ang katotohanan at itatag at itayo ang Sion ng ating Diyos nang walang takot sa lahat ng ibubunga nito. Ipinadala Niya ang mga espiritung ito sa henerasyong ito upang ilatag ang pundasyon ng Sion na hindi na maibabagsak kailanman at magkaroon ng binhing magiging matwid at gagalang sa Diyos at igagalang Siya sa lahat at susundin Siya sa lahat ng pagkakataon.”7
Madalas bigyang-diin ng mga magulang at lider ng Simbahan na ang kabataan ng henerasyong ito ay inireserba sa panahong ito ng kasaysayan ng mundo at kabilang sa pinakamagigiting na anak ng Ama sa Langit. Tunay, ang gayong mga pahayag ay totoo. Ngunit madalas iniisip ko kung naririnig ng mga kabataan ang payong ito nang madalas kung kaya’t gasgas na ito—at ang kahalagahan at matinding epekto nito ay hindi na pinapansin. Alam natin na “siyang binigyan ng marami ay marami ang hihingin” (D at T 82:3). At ang mga turo nina Pangulong Cannon at Elder Maxwell ay mas lubos na ipinauunawa ang hinihingi sa atin ngayon. Kayo at ako ay dapat maging magiting at “sundin Siya sa lahat ng pagkakataon.” Sa gayon, pagsunod ang pangunahing sandatang dapat asahan ng sumisibol na henerasyon sa mga huling araw na labanan ng mabuti at masama.
Nagagalak tayo na ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang awtorisadong mga lingkod ay “itinaas ang pamantayan” para sa mga kabataan ngayon. Dahil alam natin kung sino tayo at bakit tayo narito sa mundo, tanggap natin at pinasasalamatan ang gayong inspiradong tagubilin. At dapat nating unawain na walang-humpay na nagpupursigi si Lucifer na “ibaba ang pamantayan” sa pag-uudyok sa atin na gamitin sa mali at pawalang-halaga ang ating pisikal na katawan.
Ang Tagapagligtas ay paulit-ulit na nagbabala na mag-ingat tayo sa panlilinlang ng kaaway:
“Si Jesus ay sumagot, at sinabi sa kanila: Mangag-ingat kayo upang huwag kayong malinlang ninuman; …
“Sapagkat sa mga araw na yaon ay may magsisilitaw ring mga bulaang Cristo, at bulaang propeta, at magpapakita ng mga dakilang palatandaan at kababalaghan, ano pa’t malilinlang nila kung maaari, pati ang mga nahirang, na mga hinirang alinsunod sa tipan. …
“At sinuman ang magpapahalaga sa aking salita ay hindi malilinlang” (Joseph Smith—Matthew 1:5, 22, 37).
Pagsunod ang nagbubukas ng daan para laging makasama ang Espiritu Santo. At ang mga espirituwal na kaloob at kakayahang pinakikilos ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nag-iiwas sa atin sa panlilinlang—at upang makita, madama, malaman, maunawaan, at maalaala ang katunayan ng mga bagay. Kayo at ako ay pinagkalooban ng higit na kakayahang makasunod dahil mismo sa mga bagay na ito. Ipinahayag ni Moroni:
“Makinig sa mga salita ng Panginoon, at humingi sa Ama sa pangalan ni Jesus ng anumang bagay na inyong kailangan. Huwag mag-alinlangan, kundi maging mapagpaniwala, at magsimula katulad noong unang panahon, at lumapit sa Panginoon nang buong puso ninyo, at isakatuparan ang inyong sariling kaligtasan nang may takot at panginginig sa harapan niya.
“Maging matalino sa mga araw ng inyong pagsubok; hubaran ang inyong sarili ng lahat ng karumihan; huwag humingi upang ubusin lamang sa inyong pagnanasa, kundi humingi nang may katatagang di matitinag, upang hindi kayo sumuko sa tukso, kundi kayo ay maglingkod sa tunay at buhay na Diyos” (Mormon 9:27–28).
Kapag pinakinggan natin ang inspiradong payong iyan, pagpapalain tayong makilala at labanan ang mga pagsalakay ng kaaway—ngayon at sa darating na mga araw. Magagampanan natin ang ating mga responsibilidad na inorden noon pa man at makakatulong sa gawain ng Panginoon sa buong mundo.
Pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay at Siya ang ating Ama sa Langit. Siya ang may-akda ng plano ng kaligtasan. Si Jesus ang Cristo, ang Manunubos, na ang katawan ay sinugatan, binalian, at hinampas para sa atin nang ialay Niya ang nagbabayad-salang sakripisyo. Siya ay nabuhay na mag-uli, Siya ay buhay, at Siya ang ulo ng Kanyang Simbahan sa mga huling araw na ito. Ang “[mayakap] magpakailanman ng mga bisig ng kanyang pagmamahal” (2 Nephi 1:15) ay magiging tunay at hindi kunwa-kunwariang karanasan.
Pinatototohanan ko na tayo ay bibiyayaan ng tapang at determinasyong harapin ang mundo at lahat ng kapangyarihan ng demonyo. Mananaig ang kabutihan. Walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain. Pinatototohanan ko ang katunayan ng mga bagay na ito ngayon at sa darating na mga araw, sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.