2010
Mga Banal sa mga Huling Araw na Cambodian: Tumatahak sa Bagong Direksyon
Hunyo 2010


Mga Banal sa mga Huling Araw na Cambodian: Tumatahak sa Bagong Direksyon

Sa kabila ng pagharap sa matitinding pagsubok noong araw, natutuklasan ng mga Cambodian na Banal sa mga Huling Araw na ang ebanghelyo ni Jesucristo ang nagbibigay sa kanila ng dahilan para asamin ang hinaharap.

Sa gitna ng nagdaang maulang tagsibol sa Phnom Penh, Cambodia, sinalungat ng Tonle Sap River—na umagos sa Mekong River nang ilang buwan—ang likas na daloy nito at pumihit sa kabilang direksyon.

Dahil sa pagbabagong ito ng direksyon, umapaw ang Tonle Sap Lake na nasa unahan ng ilog at limang beses ang laki ng tubig nito, kaya naghatid ito ng kailangang-kailangang pagkain sa mga isda at ibon na nanginginain doon.

Gaya ng pagbabago ng direksyon ng ilog, nadama ng mga miyembro sa Cambodia kung paano binago ng ebanghelyo ni Jesucristo ang direksyon ng sarili nilang buhay. Ang puso nila ngayon ay umaapaw sa galak at kapayapaang hatid ng ebanghelyo. Ang nag-uumapaw na galak ay naglalaan ng espirituwal na pagkain sa kanilang kaluluwa.

Bagaman naharap ang bansa sa madidilim na panahon, nakatulong ang ebanghelyo ni Jesucristo sa maraming Cambodian para makita ang liwanag ng pagsikat ng bagong araw sa kabila ng kadiliman ng nakaraan.

Nagbabago ng Direksyon

Nang magkaroon ng kaguluhan sa pulitika sa bansa noong 1970s, maraming Cambodian ang pinalayas mula sa kanilang mga tahanan at nawalan ng mga kapamilya.

Si Loy Bunseak, president ng Siem Reap Branch sa Cambodia Phnom Penh Mission, ay siyam na taon noong 1975, nang kailanganin nilang lisanin ng kanyang pamilya ang tahanan nila. Pinagawa sila—kasama ang milyun-milyong iba pa—ng mabigat na trabaho sa malalawak na kabukiran ng bansa.

Sa panahong ito, nawalan ng mga magulang at lima sa kanyang walong kapatid si President Loy.

Sa kabila ng hirap, lagi nang may isang bagay na laging ginagawa si President Loy para makayanan niya ang pighati.

“Hindi ako nawalan ng pag-asa,” wika niya.

Ang determinadong pag-asa na nakatulong kay President Loy na malampasan ang mga pagsubok ng kanyang kabataan ang mismong pag-asang nagtulot sa kanya kalaunan na makilala ang katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Dahil halos buong Cambodia ay Buddhist, lumaki si President Loy na walang alam tungkol kay Jesucristo. Nagsimula niyang malaman ang tungkol sa Tagapagligtas nang magpunta sa bahay niya ang mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw at sinabi sa kanya at sa kanyang pamilya na may mahalagang mensahe silang ibabahagi.

“Hindi ko kailanman narinig ang tungkol kay Jesucristo hanggang sa makilala ko ang mga misyonero,” wika niya. “Gusto kong makaalam pa tungkol sa Kanya.”

Pagkaraan ng matinding pag-aaral at talakayan, nabinyagan si President Loy at ang kanyang pamilya noong 2001.

“Tinulungan ako ng mga misyonero na matuto mula sa Aklat ni Mormon, pero natanggap ko ang aking patotoo sa katotohanan nito mula sa Diyos,” sabi ni President Loy. “Nakita ko kung paano mas lumigaya ang aking pamilya sa pamumuhay ng mga turo ng Aklat ni Mormon.”

Hindi kakaiba ang karanasan ni President Loy. Tinedyer pa lang si Khan Sarin, president ng Sen Sok Branch sa Phnom Penh Cambodia North District, nang mawalay sa kanyang pamilya at sapilitang pinagtrabaho sa bukid.

“Nawalan ako ng pag-asa noon,” sabi ni President Khan. “Hindi ko alam kung makakayanan ko.”

Sa paggunita, dama ni President Khan na ilang beses siyang pinrotektahan ng Panginoon mula sa kapahamakan sa buhay niya. Noong binata pa siya sumali siya sa hukbong-sandatahan at binaril ng isang tao na 20 talampakan (6 m) lang ang layo ngunit hindi siya tinamaan. Nakatapak din siya ng maraming aktibong bomba na nakabaon sa lupa na hindi sumabog. Isang bomba sa lupa na natapakan niya ang sumabog, ngunit hindi siya malubhang nasugatan.

Dahil sa mapanganib na mga sitwasyong pinagdaraanan ng mga sundalo, ginawa nila ang lahat para maprotektahan. Ilang lalaki sa militar ang nagpatato dahil naniwala sila na makakatulong ang mga tato para manatili silang ligtas.

“Bago ako naging miyembro ng Simbahan, wala akong alam,” sabi ni President Khan. “Alam ko na ngayon na si Jesucristo—hindi ang mga tato—ang nagligtas sa akin.”

Nang makilala ng asawa ni President Khan, na si Suon Sokmo, ang mga misyonero at mabinyagan, humanga siya sa mga pagbabagong nakita niya rito. Tinanggap niya ang paanyaya nito na sabay nilang pag-aralan ang mga banal na kasulatan, at di naglaon ay nagpabinyag siya.

“Ang pinakamahalagang natanggap ko sa aking buhay ay ang patotoong natamo ko mula sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan,” wika niya.

Nakaranas din si Pich Sareth, isang miyembro ng Phnom Penh 12th Branch sa Phnom Penh Cambodia North District, ng mga pagsubok noong bata pa siya. Limang taong gulang pa lang siya nang mawalay sa kanyang pamilya at sapilitang pagtrabahuhin sa bukid. Kung minsan ay nakakakita siya ng mga alimango o palakang makakain niya para mawala ang kanyang gutom.

Ang asawa ni Brother Pich, na si Seng Tha, at ang pamilya nito ay sapilitan ding pinalayas mula sa kanilang tahanan. Dahil apat na taong gulang pa lang siya at maliit, hindi siya pinagtrabaho, na tulad ng ibang mga bata. Halos maghapon siyang nakahiwalay sa kanyang pamilya at binabantayan siya ng isang matandang babaing hindi makapagtrabaho.

Matapos makilala ang mga misyonero noong 1995, nagsimulang malaman ni Brother Pich at ng kanyang asawa ang tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit para sa kanila. “Noong may mga problema ako, nakita kong nakatulong sa akin ang pagdarasal para malagpasan ang mga ito,” sabi ni Brother Pich. “Alam kong nagmamalasakit ang Ama sa Langit.”

Matapos magpasiyang magpabinyag si Brother Pich, nagkaroon din ng patotoo sa ebanghelyo ang kanyang asawa at nabinyagan.

Umaapaw na Galak

Mula nang mabinyagan, nadama na ni Brother Pich at ng kanyang pamilya ang galak na nagmumula sa pagkakaroon ng patotoo kay Jesucristo. Ang pamilya Pich ay nagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw. Nang gawin nila ito, ang kagalakang dulot ng ebanghelyo ay tumagos sa kanilang kaluluwa.

“Dama naming nasa tamang landas na kami ngayon, at nais naming manatili sa makitid na landas na ito at patuloy na umunlad,” sabi ni Sister Seng. “Araw-araw akong nagpapasalamat na maisasama namin ang aming mga anak sa landas na ito.”

Ang galak na nadarama ni President Loy ay umaabot sa magkabilang direksyon—sa kanyang mga ninuno at gayon din sa kanyang mga inapo. Binisita ni President Loy at ng kanyang pamilya ang Hong Kong China Temple noong 2004. Hindi lamang nabuklod si President Loy sa kanyang asawa’t mga anak, kundi naisagawa rin ang nakapagliligtas na mga ordenansa sa templo para sa kanyang ama, ina, at mga kapatid na pumanaw na.

“Ni hindi ko maipaliwanag ang galak na nadama ko sa templo,” sabi ni President Loy. “Alam ko na napapalakas nito ang aking pamilya. Alam ko na kailangan ang templo para magkasama-sama ang mga pamilya magpakailanman.”

Nagkaroon din ng pagkakataon si President Khan at ang kanyang pamilya na mabuklod bilang walang hanggang pamilya sa Hong Kong Temple. “Ang nadama ko sa templo ay isang bagay na hindi ko pa nadama kahit kailan. Mahirap ipaliwanag ang nadarama ko,” sabi ni President Khan.

Mga Pagkain para Mabuhay

Salamat sa paglaganap ng ebanghelyo, tinatanggap ng mga miyembro sa Cambodia ang mga espirituwal na pagkaing kailangan nila para mabuhay. Bagaman lumalago ang Simbahan sa Cambodia, umaasa ang mga miyembro na ang paglagong ito ay mauuwi sa malawakang paglaganap ng ebanghelyo sa kanilang bansa.

Tulad ng pagtanggap ng kinakailangang mga pagkain ng mga isda at hayop kapag umaapaw ang Tonle Sap Lake, dumarami ang bilang ng mga Cambodian na tumatanggap ng espirituwal na pagkaing kailangan nila. Salamat sa umaapaw na hangarin sa puso ng mga miyembro na ibahagi ang ebanghelyo.

“Kapag may takip ang kaldero, sumusubo ito,” sabi ni President Khan. “Ito ang nadarama ng puso ko. Kailangan kong buksan ang puso ko para masabi ko sa lahat ang nadarama ko.”

Umaasa si President Loy na ang magiging bunga ng pagturo ng ebanghelyo sa kanilang tahanan ay patuloy na yakapin ng kanyang mga anak na babae ang ebanghelyo at ituro ito sa kanilang mga anak.

“Matapos malaman ang tungkol kay Jesucristo, umigi ang lahat sa buhay ko at sa aking pamilya,” wika niya. “Ang pagkakaroon ng priesthood sa aming tahanan ay naglapit sa amin sa isa’t isa. Kung may problema kami, nag-uusap-usap kaming magpapamilya.”

Simula nang legal na kilalanin ng pamahalaan ng Cambodia ang Simbahan noong 1994, libu-libong Cambodian na ang tumanggap sa ebanghelyo. Inaasam ng pamilya Pich ang araw ng paglaganap ng ebanghelyo sa iba’t ibang panig ng bansa. Sabi ni Brother Pich, “Sana balang-araw magkaroon ng templo sa Cambodia.”

Sumang-ayon si Sister Seng: “Ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay buhay. Umaasa ako na patuloy na uunlad ang Simbahan sa hinaharap upang makapagtayo ng templo rito.”

Kinikilala ni President Khan ang pagbabago sa kanyang buhay mula nang makilala niya ang Tagapagligtas. Naniniwala siya na ebanghelyo ni Jesucristo ang tanging makapagpapahilom sa mapait na karanasan noon ng mga Cambodian.

“Nang maging miyembro ako ng Simbahan, nawala ang maraming sakit na nadama ko mula sa mga bagay na nangyari noong araw. Natanggap ko ang bagong kaliwanagang hindi ko natanggap noon,” wika niya. “Lahat ay parang bago.”

Mga larawang kuha ni Chad E. Phares, maliban kung iba ang nakasaad

Kabilang pahina: Ipinapakita ni Loy Bunseak, isang branch president at tour guide sa Siem Reap, sa mga bisita ang sinaunang mga templo ng lungsod. Nagkaroon din siya ng mga oportunidad na magturo tungkol sa mga templo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa pagdidispley ng isang larawan ng Hong Kong Temple sa kanyang tour van. Kaliwa: Sa kabila ng kawalang-pag-asa noong kanyang kabataan, sumapi si Sen Sok Branch President Khan Sarin sa Simbahan matapos anyayahan ng kanyang asawang si Suon Sokmo na magkasama nilang pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Itaas: Phnom Penh.

Ibaba: Nagkakasya sa isang katatapos na meetinghouse ang dumaraming mga miyembro sa kabiserang lungsod ng Phnom Penh sa Cambodia. Ilalim: Noong bata pa sila, matagal na nawalay sina Pich Sareth at ang kanyang asawang si Seng Tha sa kanilang mga pamilya. Nagpapasalamat sila sa pagkakataong makasama ang kanilang mga anak at mapalaki sila sa Simbahan.

Background © Getty Images; larawan ng Hong Kong China Temple na kuha ni Craig Dimond

Bagaman laganap ang sinaunang arkitektura at mga templo sa Cambodia, ang ebanghelyo ay naghatid ng damdamin ng pagbabago sa buhay ng mga miyembro ng Simbahan doon.

Background © Getty Images