2010
Mandaraya Ba Ako o Hindi
Hunyo 2010


Mandaraya Ba Ako o Hindi

Hindi ko maalala ang sagot sa isang tanong sa pagsusulit. Napakadali sanang sulyapan ang sagot ng kaklase ko.

Bilang 17-taong-gulang na estudyante sa nursing, nahirapan ako sa ikalawang taon ko sa kolehiyo. (Sa Pilipinas nagtatapos kami sa hayskul sa edad na 16.) Napapagod ako sa walang katapusang mga pagsusulit, proyekto sa pagsasaliksik, at takdang-gawain sa pagbabasa. Pakiramdam ko laging nangingitim ang ilalim ng mga mata ko, dahil lagi akong puyat. Kahit napakaraming gagawin, lagi kong sinisikap alalahanin na “biyaya’y bunga ng pagpapasakit.”1

Alam ko na kung magsisikap ako, gaganda ang kinabukasan ko. Sa tuwing gusto kong sumuko at matulog nang hindi nag-aaral, iniisip ko kung gaano kalungkot at kasaklap ang madarama ko kinabukasan kung mababa ang marka ko sa pagsusulit o asaynment. Sapat na pangganyak iyon upang manatili akong gising para mag-aral.

Marami sa mga kaklase ko ang naiinis kapag mababa ang marka nila sa pagsusulit. Pero ayaw naman nilang magsikap sa pag-aaral. Dahil dito, madalas ay “nagkokopyahan” ang mga estudyante ng mga sagot sa mga pagsusulit o test, at nagpapakitaan ng mga papel nila kapag hindi nakatingin ang propesor. Madalas akong matuksong gawin iyon, pero hindi ko tinangkang gawin kahit kailan. Ilang beses ko nang nabasa sa mga magasin ng Simbahan na ang mga miyembro ng Simbahan ay dapat magkaroon ng mataas na mga pamantayan, na ibig sabihin ay huwag mandaya. Kaya nag-aral ako nang husto at nilabanan ang tukso, kahit kung minsan ay nangahulugan ito ng pagtatamo ng mas mababang marka kaysa mga kaklase ko, dahil nagkopyahan sila.

Isang araw may klase ako mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi, at may nakatakda akong pagsusulit sa bawat klase. Sa unang pagsusulit pa lang ay 10 pahina na agad ang pinag-aralan ko. “Paano ko malalampasan ang lahat ng ito?” naisip ko. Salamat na lang, pumasa ako sa unang pagsusulit. Pagsapit ng tanghalian nag-aral ako para sa susunod na pagsusulit. Nang pumunta ako sa klase at magsimula sa pagsusulit, natanto ko na alam ko ang mga sagot sa bawat tanong maliban sa isa. “Paano nangyari iyon?” naisip ko. “Nag-aral ako nang husto para sa pagsusulit na ito. Dapat alam ko ang sagot dito!”

Habang itinutuktok ko nang malakas ang bolpen ko sa silya, naisip ko na sa isang iglap lang ay maipipihit ko ang ulo ko, maiaayos ang buhok ko, at masusulyapan ang sagot ng kaklase ko. “Minsan ko lang naman ito gagawin,” naisip ko, “at tataas na ang marka ko sa pagsusulit. Hindi naman masama kung minsan lang. Isa pa, hindi patas ito para sa akin. Nag-aaral ako nang husto, pero mas mababa ang marka ko kaysa mga kaklase ko dahil hindi ako nandaraya!” Gayunpaman, hindi ako komportable. Hindi ako mapakali sa silya ko, sa pagsisikap na magpasiya: kung mandaraya ba ako o hindi.

Pagkatapos ay may narinig ako, “Huwag, Shery! Mali ang mandaya, at alam mo iyan!” Bigla kong natanto na kahit tama lahat ang sagot ko sa pagsusulit, hindi magiging maganda ang pakiramdam ko sa marka ko kung nandaya ako. Umaasa ang aking Ama sa Langit na pipiliin ko ang tama—ang pagpiling ito ang tunay na pagsubok.

Noon mismo ay naisip ko ang isang talatang natutuhan ko sa Sunday School: “Paano ngang aking magagawa itong malaking kasamaan, at kasalanan laban sa Dios?” (Genesis 39:9). Alam ko na tinulungan ako ng Ama sa Langit na malampasan ang napakaraming hamon, pati na ang maraming pagsusulit at asaynment sa eskuwela. Paano ko malilimutan ang lahat ng nagawa Niya para sa akin at piliing magkasala?

Hanggang ngayon hindi ko maalala ang resulta ng pagsusulit na iyon. Nasagot ko man iyon o hindi, hindi ko maalala. Ngunit lagi kong naaalala na maganda ang pakiramdam ko sa pagpili ng tama.

Ngayong nasa ikatlong taon na ako sa paaralan nahaharap pa rin ako sa maraming gawain sa eskuwela at gayong mga tukso; pero, hindi mahirap piliing huwag mandaya dahil napili ko na iyon, noong napakahirap labanan ang tuksong iyon. Natutuhan ko na mas malaki ang kagalakan at kasiyahan na makakuha ng matataas na marka kapag nagsikap ako nang husto at nakamtan ito. Tunay ngang ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan (tingnan sa Alma 41:10). Ang tunay na kaligayahan ay matatagpuan sa pagsunod sa mga utos at payo ng ating propeta at iba pang mga lider ng Simbahan. Talagang naniniwala ako sa mga salitang “Ang mga utos sa t’wina’y sundin. Dito ay ligtas tayo at payapa.”2

Mga Tala

  1. “Purihin ang Propeta,” Mga Himno, blg. 21.

  2. “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin,” Mga Himno, blg. 191.

Paglalarawan ni Gregg Thorkelson