Ang Ating Pahina
Isang hapon naglalaro kami ng nakababata kong kapatid na si Camilia habang nagtatabas ng damo ang tatay ko. Nagpasiya kaming tulungan siya. Kahit napakainit, masaya kaming nagtulung-tulong. Nang matapos kami, sumama kami sa tatay ko para ibalik ang pantabas ng damo sa matanda naming kapitbahay. Pagdating namin sa may pintuan niya, nag-alok ang tatay ko na tabasan din ang kanyang damuhan. Nagpasiya kaming magkapatid na tumulong din. Habang nagtatabas siya ng damo, pinulot namin ang mga damo at inilagay sa sako. Nang matapos kami, sabi ng kapitbahay namin, “Maraming salamat, Sofia at Camilia, sa paglilinis ng bakuran ko. Napakabait at napakamatulungin ninyong mga bata.” Pagkatapos ay binigyan niya kami ng kendi. Umuwi kaming masayang-masaya, hindi lang dahil nabigyan kami ng kendi kundi dahil napaglingkuran namin ang aming kapitbahay.
Sofia Carolina P., edad 9, Argentina
Noong maliit pa ako, lumalabas kami kapag recess para maglaro. Kapag babalik na kami sa klase, pumipila pa kami. Tuwing gagawin namin iyon, kinakanta namin ang “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99). Isang araw sinabi sa akin ng isang batang babaeng katabi ko, “Ang ganda ng kinakanta ninyo. Saan nanggaling iyon?”
Sagot ko’y, “Galing iyon sa Primary. Miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at sumasampalataya ako.” Pagkatapos niyon naging matalik ko siyang kaibigan!
Noémi D., edad 12, France