Hindi Na Ako Kinabahan
Boris Antúnez, Chile
Mamimigay kami noon ng mga polyeto para makahanap ng mga missionary referral para sa aktibidad sa aming stake youth conference. Noon ko pa binabasa ang Para sa Lakas ng mga Kabataan. Nang magsimula ang aktibidad, initsa ko ito pabalik sa mesa kung saan ko ito nakita. Pero naisip ko na dapat ko itong dalhin. Kaya dinampot ko ito at isiningit sa aking mga banal na kasulatan.
Kinakabahan kaming lahat na kumausap ng mga estranghero tungkol sa ebanghelyo, pero nang tumigil kami para kausapin ang isang babaeng nagsasampay sa kanyang bakuran, napakabait niya at tinanggap ang isa sa mga polyeto namin. Sa aming pag-uusap ikinuwento niya sa amin ang mga alalahanin niya para sa kanyang pamilya. Lalo na’t may isa siyang anak na lalaking nahihirapang umiwas sa droga at may iba pang mga problema. Ginawa namin ang lahat para panatagin ang kanyang kalooban, at umalis na kami.
Makalipas ang ilang minuto binuklat ko ang aking mga banal na kasulatan. Nang makita ko ang aking polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan, naalala ko ang sinabi ng babae tungkol sa kanyang anak at parang nadama kong dapat akong bumalik. Hindi na ako kinakabahan.
Inabutan pa rin namin sa labas ang babae. Sinabi kong may isang bagay akong maaaring magustuhan niya. Ipinaliwanag ko ang mga pamantayang sinusunod ng ating mga kabataan at ibinigay sa kanya ang polyeto para mabasa nila ng kanyang anak. Halata kong naging masaya siya. Pinalabas niya ang kanyang anak, at nakapagtakda kami ng appointment para madalaw sila ng mga misyonero.
Para akong misyonero! Masarap magkaroon ng pagkakataong turuan at siguro’y tulungan ang binatilyong ito. Alam kong ang Espiritu Santo ang nagsabi sa akin na dalhin ko ang polyetong iyon.