Paluksu-lukso sa Tugtog na Jamaican
Sa isang maalinsangang gabi sa Kingston, Jamaica, maaari ninyong matagpuan sina Samuel (edad 10) at Giordayne (edad 7) sa labas na paluksu-lukso kasama ang dalawa nilang kapatid na lalaki. Habang paluksu-lukso, sinasabayan nila ng kanta ang tugtog:
1, 2, 3, Aunty Lulu,
4, 5, 6, Aunty Lulu,
7, 8, 9, Aunty Lulu,
10, Aunty Lulu,
10, Aunty Lulu,
Sina Samuel at Giordayne ay dalawang masasayang bata na maraming alam. Mahilig silang maglaro ng isports, mag-aral na mabuti sa eskuwela, tumulong sa bahay, at maging halimbawa sa mga nasa paligid nila sa kanilang ngiti at masayahing ugali.
Mga Araw ng Pasok sa Eskuwela
Sa Jamaica, may Boy Day at Girl Day taun-taon. Sa Girl Day, hindi pumapasok sa eskuwela ang mga batang lalaki. Sa halip, maaaring samahan ng mga ina ang mga anak nilang babae sa eskuwela. May pagtatanghal sila ng mga talento, paligsahan sa pagbaybay, at iba pang masasayang aktibidad.
Napili si Giordayne sa klase niya para sumali sa paligsahan sa pagbabaybay, at siya ang nanalo. “Ang salitang paborito kong baybayin ay environment [kapaligiran],” sabi ni Giordayne.
Sa Boy Day, maaaring samahan ng mga ama ang mga anak nilang lalaki sa eskuwela. Sumali si Samuel sa paligsahan sa pagsulat. Sumulat siya ng isang sanaysay na nagpapaliwanag kung paano niya iginagalang ang kanyang sarili at ang iba. Nanalo rin siya ng unang karangalan.
Pagbisita sa Temple Square
Inaasam ni Samuel ang araw na makadadalo siya sa templo. Para sa maraming pamilya sa Jamaica, malaking sakripisyo ang pagpunta sa templo dahil walang templo roon. Magastos pumunta sa Estados Unidos para dumalo sa templo.
Mabuti na lang, nakapunta ang pamilya nina Samuel at Giordayne. Sabi ni Samuel, “Ang paborito kong bakasyon ng pamilya namin ay nang magpunta kami sa New York City para bisitahin ang tita ko. Nakita namin ang Manhattan Temple. Iyon pa lang ang templong nakita ko.”
Tuwang-tuwa ang buong pamilya nang magbukas ang Panama City Panama Temple noong 2008 dahil hindi gaanong mahirap pumunta roon. Isa o dalawang beses sa isang taon, naglalakbay papuntang Panama City Temple ang mga miyembro sa Jamaica. “Nasasabik akong makapunta sa templo pagsapit ko sa edad 12,” sabi ni Samuel.
Isang Sagot sa Panalangin
Noong minsan ay isasara na ang kumpanya ng kanilang ama. Hinikayat ni Giordayne ang kanyang pamilya na humingi ng tulong sa Ama sa Langit. “Napakasipag magdasal ni Giordayne. Lagi niyang ipinapaalala sa pamilya namin ang mga bagay na kailangan naming ipagdasal,” sabi ng kanyang ina. Nasagot ang mga panalangin ng pamilya nang magkaroon ng bagong trabaho ang tatay nila. “Alam ko na kung magdarasal kami, magiging maayos ang lahat,” tiwalang sabi ni Giordayne.
Dalawang Magagaling na Guro
Pangarap ni Samuel na maging isang guro paglaki niya. Gusto niyang ituro ang mga paborito niyang asignatura: mathematics at science. Si Giordayne, na hanga sa kuya niya, ay gusto ring maging guro.
Sina Samuel at Giordayne ay mga guro na ngayon sa pamamagitan ng magandang halimbawa nila sa kanilang mga kaibigan. Iilan lang ang mga bata sa eskuwela nila na miyembro ng Simbahan.
“Kapag may gumagawa ng masama, tulad ng pakikipag-away, sinasabi ko sa kanila na gawin ang tama,” sabi ni Samuel.
Nagagalak sina Samuel at Giordayne na magpatotoo, at alam ng kanilang Primary president na maaasahan niya silang magbigay ng mensahe kung hindi makarating ang tagapagsalita. Tuwing Linggo maagang-maaga silang gumigising para maghanda ng mensahe sakaling kailanganin silang magbigay nito.
Sinisikap nina Samuel at Giordayne na maglingkod nang tapat sa Panginoon sa lahat ng kanilang ginagawa. Sabi ni Giordayne, “Alam ko na kung may pananampalataya ako, hindi ako masasawi, kundi mabubuhay akong muli sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.”