Tinulungan ng mga Nakaligtas ang mga Kapwa Nila Nasalanta
Kahit matapos bahain ng Tropical Storm Ketsana ang kabisera ng Pilipinas, ang Maynila, at ang mga lugar sa paligid nito noong Setyembre 2009, hindi diyan natapos ang pinsalang dulot nito. Hindi pa rin nagwakas ito matapos daanan nang mabilis ng Typhoon Parma ang hilagang bahagi ng Pilipinas makalipas lamang ang walong araw. Hindi pa rin natapos ang pananalasa kahit matapos bumalik ang bagyong Parma at muling bumagsak sa kalupaan pagkaraan lang ng ilang araw bilang tropical storm, na nagdagdag pa ng pinsala.
Gayunman, hindi na hinintay pa ng mga Banal sa buong Pilipinas, maging yaong nagsisikap makabangon mula sa naunang mga bagyo, ang ikatlo at huling pananalasa ng bagyong Parma para simulang tulungan ang mga nangangailangan.
Pamimigay ng mga Naisalba
Tinamaan ng Tropical Storm Ketsana ang Parañaque City, malapit sa Maynila, noong Setyembre. Sa kasagsagan ng bagyo, sinuong ng bishop ng isa sa apat na ward sa lugar ang bahang hanggang leeg gamit ang takip ng Styrofoam cooler para tulungang makalikas ang tatlong pamilya. Kinabukasan nakansela ang sacrament meeting; gayunman, maraming miyembro ng apektadong ward, kahit naapektuhan mismo ng bagyo, ang nagkita-kita sa meetinghouse nang nakasuot ng pantulog, shorts, at jacket, na may dalang mga pagkain at damit na ibibigay sa mga nangangailangan. Sa loob ng mga dalawang oras, lahat ng pamilya sa ward ay nadalaw, natingnan, at natulungan.
Pagkaraan, dalawang gabi lamang matapos ikutin ng marami sa kanila ang pinsala sa sarili nilang baryo, nagtipun-tipon sa kanilang meetinghouse ang mga miyembro sa Parañaque at nag-impake ng 26 na bag ng mga damit, na bigay nila, na nakabukud-bukod at nakasupot nang lahat.
“Isa ito sa mga home evening na hinding-hindi malilimutan ng maraming pamilya sa ward namin,” sabi ni Bishop Franco Advincula.
Tumawag sa bishop ang isang sister mula sa isang pamilyang nangangailangan para magtanong kung kailan nila maibibigay ang kanilang mga kontribusyon. “Natigilan ako, at hindi ko malaman ang sasabihin ko,” sabi ni Bishop Advincula. “Gayunman, nagkaroon ako ng inspirasyon na hindi ko dapat ipagkait sa butihing sister na ito ang pagkakataong tumulong.”
Paulit-ulit na Pagtulong
Nang manalasa ang bagyong Ketsana sa Metro Manila, sinabi ng pangulo ng Alaminos Philippines District na si Porferio Balute Jr. na nabigyang-inspirasyon siyang hilingin sa mga miyembro sa kanyang district na tulungan ang kanilang kapwa sa bandang timog. Gayunman, bumabangon pa ang maraming miyembro sa Alaminos district mula sa pinsalang dulot ng Bagyong Emong, na nanalasa apat na buwan bago iyon noong Mayo 2009. Ito ang bagyong tumama sa kanlurang bahagi ng Pilipinas na pinakamalaki ang pinsalang idinulot. Marami sa mga miyembro na pangingisda o pagsasaka ang ikinabubuhay, at winasak ng baha ang kanilang kabuhayan.
Bagaman nangangambang humiling sa mga yaong nagsisikap na muling itayo ang kanilang tahanan, ginawa pa rin ito ni President Balute.
Nang hapong iyon nagdatingan sa meetinghouse ang mga miyembro na may dalang 21 sako ng mga damit, isang bag ng mga pagkain, at halagang Php1,500.
Nang manalasa ang bagyong Parma makaraan ang isang linggo, sa pagkakataong ito sa dakong hilaga, muling tumugon at nagtipon ng mas maraming damit, pagkain at pera ang mga miyembro ng Alaminos district. Ang ilan sa kanila ay nagboluntaryo pang personal na dalhin at ipamahagi ang mga ito.
“Gusto lang naming makatulong,” sabi ni President Balute. “Hindi namin akalain na malaki ang mapapakinabang namin. Lumaki ang aming pananampalataya, nag-ibayo ang pagmamahal namin sa kapwa, lumakas ang aming patotoo at lumalim ang aming pag-unawa sa pagmamahal ng Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala.”
Pagiging Di-makasarili at Pagkakaroon ng Magandang Pananaw
Si Elder Kendall Ayres, na naglilingkod kasama ang kanyang asawa sa Perpetual Education Fund program, ay tinawag upang pangasiwaan at isaayos ang pamamahagi ng mga suplay. Inilarawan niya ang pagkakaisa ng mga Pilipinong Banal sa pagtulong.
“Nakamamanghang pagmasdan na yaong mga higit na nawalan ay nakadarama ng malaking ginhawa sa pagboboluntaryo at pagtulong sa mga napinsala ring katulad nila,” sabi ni Elder Ayres. “Naunawaan ko ang pagsasabuhay ng ‘mawalan ng buhay upang masumpungan iyon’ sa paraang hindi ko naunawaan noon. Para sa akin hindi na ito doktrina lang—totoong pangyayari ito. Mas maraming hiling na makatulong kaysa kailangan namin. Halos mahirap maunawaan ang pagdagsa ng mga suplay at tulong; kagila-gilalas ito.”
“Karaniwan ay madaling umakma sa buhay ang mga Pilipino,” sabi ni Elder Benson Misalucha, isang Area Seventy sa Philippines Area. Sa halip na tingnan ang baso na kakalahati o kulang ng kalahati ang laman, “tinitingnan namin ang baso at sinasabing, ‘Napakagandang baso nito, kahit walang lamang tubig.’”