2010
Pinagkakaisa ng Diwa ng Katapatan ang Koponan, mga Miyembro ng Korum
Hunyo 2010


Pinagkakaisa ng Diwa ng Katapatan ang Koponan, mga Miyembro ng Korum

Isa sa magagandang kuwentong nagmula sa Africa nitong tag-init ay tungkol sa football. Pero hindi ito tungkol sa World Cup.

Ang mahuhusay na koponan ng football mula sa iba’t ibang panig ng mundo ay maglalaro sa South Africa sa buwang ito, na umaasam na mapanalunan ang World Cup. Ang mga magkakampi ay aasa sa isa’t isa, sa kanilang mga coach, at sa kanilang mga tagahanga para makarating sa finals. Sa mga manlalaro at tagahanga mula sa bawat bansa, talagang madarama mo ang diwa ng katapatan sa koponan.

Ngunit wala nang mga miyembro ng koponan na mas tapat pa sa isa’t isa, sa kanilang coach, at sa kanilang mga tagahanga kaysa sa priests quorum ng Kagiso Ward, Soweto South Africa Stake, kahit hindi sila maglalaro para sa World Cup. Mahigit isang taon na ang nakalilipas, lima sa mga binatilyong ito ang dinala sa Simbahan ng kanilang football coach, na kabibinyag pa lang din. Sila ngayon ay mahalagang bahagi ng isa pang “koponan”—ang kanilang priests quorum—at may isa pa silang “coach”—ang bishop nila—sa pamumuhay nila ng ebanghelyo sa araw-araw at paghahandang maglingkod bilang mga full-time missionary.

Matalino si Coach Solomon

Tulad ng maraming tao sa South Africa, mahilig sa football ang 29-na-taong-gulang na si Solomon Eliya Tumane. Walang kapaguran siyang gumugugol ng maraming oras bawat linggo bilang coach ng Hurricanes Football Club. Mahal niya ang kanyang mga manlalaro at natutuwa siya sa kanilang mga tagumpay. At siya man ay mahal at iginagalang nila. Kaya nang maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw si Coach Solomon, nag-usisa ang kanyang mga manlalaro.

“Dumidiretso siya sa praktis mula sa klase niya sa institute,” sabi ni Siyabulela Manyakanyaka, 17, na tinatawag nilang “McDonald.” “Nakikita namin ang mga banal na kasulatan at magasin ng Simbahan sa bag niya, kaya sinimulan naming magtatanong, at para masagot iyon, binabasahan niya kami,” sabi ni Thapelo Benjamin Sesinyi, 17.

“Sabik akong turuan ang mga kabataang ito dahil mahal na mahal ko sila,” sabi ni Coach Solomon. “Gusto kong maituwid ang kanilang landas. Sabi ko sa isa sa kanila, ‘Makakabuti sa inyo ang magbasa ng mga banal na kasulatan,’ kaya lahat sila ay nagsimulang magbasa ng mga banal na kasulatan. Nagustuhan nila ito, kaya tinuruan ko sila tungkol sa panalangin. Tapos isang araw sinorpresa nila ako. Maaga akong nakapagpraktis, at umiidlip ako nang gisingin nila ako at sabihing, ‘Coach, kailangan naming pumunta sa simbahan ninyo.’ Iyon ang araw na hinding-hindi ko malilimutan, dahil alam kong nasa tamang landas na sila.”

May Pahintulot

Ngunit hindi sila isinama ng coach nang walang pahintulot ng mga magulang. Nagpunta siya sa bahay ng bawat manlalaro, paisa-isa, para itanong kung puwedeng anyayahan ang mga manlalaro sa simbahan. Pumayag ang mga magulang. “Tatlong linggong sunud-sunod kami nagsimba,” pag-alaala ni Thapelo. “Gusto naming higit pang matuto.” Kaya muling nagpaalam ang coach sa mga magulang, sa pagkakataong ito para maturuan ng mga full-time missionary ang mga manlalaro. Muling pumayag ang mga magulang.

“Binigyan kami ng mga misyonero ng tig-iisang kopya ng aklat ni Mormon,” sabi ni McDonald. “Sinabihan nila kaming basahin at ipagdasal ito dahil ito ay totoo, kaya sumunod kami. Nagdasal ako at nagbasa at nalaman ko na totoo ang Aklat ni Mormon.” Gayundin ang ginawa ng iba pang mga manlalaro, na kalaunan ay nabinyagan at nakumpirma. Ngayon ay mga Banal sa mga Huling Araw na ang lima sa mga miyembro ng koponan.

Mga Mithiin para sa Ebanghelyo

Karamihan sa mga koponan ay nagtatakda ng mga mithiing manalo, ngunit may isa pang mithiing sinisikap tuparin ng limang kabataang Hurricane na ito sa malao’t madali. Sa patnubay ni Bishop Bongani Mahlubi, isang taong itinuturing nilang coach sa espirituwalidad, naghahanda silang makapaglingkod bilang full-time missionary.

“Malaking katatagan sila sa aming ward,” sabi ng bishop. “At bahagi sila ng malaking koponan ng mga maytaglay ng Aaronic at Melchizedek Priesthood sa iba’t ibang panig ng mundo. Sama-samang ginagawa ng mga binatilyong ito ang lahat—magkakasama silang pumapasok sa eskuwelahan, naglalaro ng football, pumupunta sa seminary, at naglilingkod sa priesthood. Kapag nagpatulong ako sa isang binatilyo, dumarating silang lima.” Sabi ni McDonald regular ding pinag-aaralan ng priests quorum ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo, at sabi ni Thapelo bukod pa sa pag-anyaya sa mga kaibigan sa simbahan, hinahanap din ng mga miyembro ng korum ang mga hindi na dumadalo. “Sa maraming paraan, natututo kami ngayong maging mga misyonero,” wika niya.

“Madalas naming marinig ang mga binatilyong ito sa pulong-patotoo,” sabi ng bishop. “Madalas silang mangako kay Coach Solomon na magmimisyon sila.” Wala nang iba pang mas magpapasaya sa football coach nila. “Sabik na akong makapaglingkod sila,” sabi ni Solomon.

Pagkakaisa, kaalaman sa ebanghelyo, at pagtuon sa paglilingkod—lahat ng iyon ay bahagi ng mahusay na programa sa pagsasanay para sa mga magiging misyonero. At bukod pa rito, nagkaroon na ng matinding hangarin ang mga binatilyong ito na magtulungan sa paggawa ng mabuti. Tulad ng mga koponan ng football na nakikipagpaligsahan para sa World Cup, umaasa sila sa isa’t isa, sa kanilang mga coach, at sa kanilang mga tagahanga (kabilang na ang mga miyembro ng ward, pamilya, at kaibigan) para makarating sila sa “kampeonato.” Sa gayong diwa ng pagkakaisa, matutupad nila ang kanilang mga mithiin.

Sumapi sa Simbahan ang mga manlalarong sina Siyabulela “McDonald” Manyakanyaka, Thapelo Sesinyi, Emmanuel Pebe, at Lawrence Tsetse dahil na rin sa halimbawa ng kanilang coach na si Solomon Tumane (gitna).

Mga larawang kuha ni Richard M. Romney