Ibinuklod sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos
Isang grupo ng seminary sa Berlin, Germany, ang nagbahagi ng ilang ideya tungkol sa mga banal na kasulatan.
Ano ang kahulugan ng mga banal na kasulatan sa atin? Paano tayo magtatamo ng patotoo tungkol sa mga ito? Paano natin higit na mauunawaan ang mga ito?
Gaya ng iba pang mga tinedyer na Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang panig ng mundo, naghahanap ng mga sagot ang mga dalagita sa Dahlem Ward, Berlin Germany Stake, sa mga tanong na ito sa pamamagitan ng pagpupulong tuwing umaga bago pumasok sa eskuwela upang mag-aral ng mga banal na kasulatan sa seminary. Malaki ang epekto ng mga karanasan nila sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa kanilang buhay, at handa silang magbahagi ng kanilang nadarama.
Mga Sagot mula sa mga Banal na Kasulatan
Isa sa mahahalagang bagay na naranasan ng mga dalagitang ito sa mga banal na kasulatan ay ang paghahanap ng sagot sa mga tanong nila sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Kung minsan kapag pinag-aaralan ni Sariah Gruse, 16, ang mga banal na kasulatan, biglang lumilitaw ang sagot mula sa pahina, sabi niya. “Pero karaniwan ay hindi ko na makita ulit ang banal na kasulatang iyon nang katulad ng unang paglitaw nito sa harapan ko, dahil ang mga ideya at Espiritung napasaakin ang talagang tumulong sa akin.”
Gayon din ang naranasan ni Denise Reiner, 16. Natatandaan niya na may tanong siya, at binuklat niya ang kanyang mga banal na kasulatan, at nakita ang sagot sa pahinang nabuklat niya. Humanga siya sa karanasang ito, ngunit mas madalas, sabi niya, “napapansin mo na ginagabayan ka pa, na talagang nakikita mo ang sagot sa lahat ng tanong mo kapag regular kang nagbabasa ng mga banal na kasulatan.”
Pagkakaisa sa Pamamagitan ng mga Banal na Kasulatan
Naniniwala ang mga dalagitang ito na tinutulungan tayo ng mga banal na kasulatan na magkaisa bilang mga Banal sa Simbahan ni Cristo. “Ang ebanghelyo ay nasa mga banal na kasulatan,” sabi ni Elizabeth Clark, 16. “Hindi tayo talaga dapat magdebate at magtalo tungkol dito. Naroon ang mga alituntunin. Makakatulong iyan para magkaisa tayo.”
Sang-ayon si Sariah: “Pare-pareho ang ebanghelyo sa lahat ng dako ng mundo dahil sa mga banal na kasulatan. Hindi mahalaga kung saan ka man naroroon sa mundo. Lagi kang mapapanatag sa simbahan dahil makikita mo na pare-pareho ang mga turo at paniniwala.”
Naniniwala si Sarah Clark, 17, na ang Aklat ni Mormon ay lalong mahalaga “dahil ang ebanghelyo ay malinaw na ipinahayag doon. Kung susundin natin ito at ang iba pang mga banal na kasulatan, tutulungan tayo nitong magkaisa at manatiling nagkakaisa.”
Ang pagkakaisang ito ay naghihikayat sa Espiritu, sabi ni Elizabeth. “Kapag nakaayon tayong lahat sa ebanghelyo, madarama mo ang Espiritu kapag itinuro ito. Kapag may pagtatalo, hindi mo madarama ang Espiritu.”
Higit na Pang-unawa sa Pamamagitan ng Seminary
Pagdating sa pagkakaroon ng higit na pang-unawa sa mga banal na kasulatan, sang-ayon ang lahat ng dalagitang ito na napakahalaga ng seminary. “Sa seminary marami kang matututuhan tungkol sa mga tao sa mga banal na kasulatan at sa buong kasaysayan nila,” sabi ni Denise.
“Bahagi ng buhay ko ang seminary,” sabi ni Lesley Reiner, 17. “Alam kong mahalaga ito. Dapat kang mag-aral sa sarili mo, at nariyan ang seminary para mag-aral kayo nang sama-sama.”
Dagdag pa ni Sarah, “Lagi kong inaasam ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan tuwing umaga sa seminary. Lumakas ang patotoo ko. Para sa akin espesyal na oras ito.”
Para kay Sariah, ang seminary ay isang lugar para magbahagi ng kanyang damdamin. “Noong una mahirap para sa akin dahil nanay ko ang seminary teacher at pakiramdam ko hindi ko masabi talaga ang nasa isipan ko,” sabi niya. Pero naglaho ang pag-aalala niya at naging lugar ng kaligtasan at suporta ang seminary sa pagpapahayag ng kanyang mga tanong, iniisip, at damdamin tungkol sa ebanghelyo.
Ang Epekto ng mga Banal na Kasulatan
Tunay na malaki ang epekto ng mga banal na kasulatan sa buhay ng mga dalagitang ito, at naipamumuhay nila ang mga banal na kasulatan sa iba’t ibang paraan.
Halimbawa, natulungan sila ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan na masagot ang mga tanong ng iba gayundin ang sa kanila. “Kung naiintindihan mo ang mga banal na kasulatan at ang mga alituntuning naroon,” sabi ni Elizabeth, “kung may magtanong sa iyo tungkol sa ebanghelyo, talagang mas maipapaliwanag mo ito dahil nauunawaan mo mismo ito. Dahil diyan ay mas madali na ito.”
Bukod pa rito, tumatag at lumakas ang loob ni Denise dahil sa mga banal na kasulatan. “Kung mababasa mo lang kung anong klaseng mga tukso ang dinanas ng mga tao noon at kung paano nila nadaig ang mga ito, palalakasin ka niyon ngayon,” sabi niya. “At kapag nabasa mo sa mga banal na kasulatan ang lahat ng pagpapala ng ebanghelyo, alam mo kung ano ang kapalit ng katapatan mo, at mabuti ring malaman iyan.”
Dahil sa epekto ng mga banal na kasulatan sa kanilang buhay, nakikita ngayon ng mga dalagitang ito ang kanilang sarili sa landas tungo sa dagdag pang pang-unawa at patotoo. At dama nilang kaisa sila ng mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako sa pamamagitan ng salita ng Diyos.