2010
Malayuang Family Home Evening
Hunyo 2010


Malayuang Family Home Evening

Bilang pamilya palagi kaming nagdaraos ng family home evening; gayunman, madalas magbiyahe nang matagalan ang tatay ko dahil sa kanyang trabaho. Kung minsan ibig sabihin nito ay nasa ibang bayan siya sa oras ng family home evening.

At dalawang taon na ang nakalilipas, nang magkaroon ng sariling laptop ang tatay ko, naisip ng isang kapatid ko, “Bakit hindi na lang tayo mag-family home evening na kasama si Dad sa pamamagitan ng Internet?”

Magmula noon, kapag malayo ang tatay namin sa oras ng family home evening, nagtatakda kami ng oras, at nagkakaugnay na kami sa pamamagitan ng Internet. Nakikita namin siya at naririnig, at nakikita at naririnig niya kami. Dahil sa Internet at computer nakakasama namin si Itay sa mga home evening namin.

Hindi namin kailangang ibahin ang nakatakdang iskedyul namin: kung si Dad ang magbibigay ng aralin, halimbawa, siya ang nagbibigay niyon. Isa sa mga tradisyon ng pamilya namin ang suriin ang personal na mga mithiin bawat linggo; hindi na ito kailanman nahinto. At ang isa pang mahalaga: tuluy-tuloy na ang pagbabasa namin ng Aklat ni Mormon bilang pamilya, dahil wala na kaming katwiran para hindi magbasa.

Gamit din ni Itay ang Internet para makausap kami sa iba pang mga paraan. Kapag wala siya sa bahay namin sa Peru, nakikipag-ugnayan siya at inaalam kung ano ang ginagawa namin at nasaan kami. At kapag oras na para sa mga interbyu o family council, isinasagawa ang mga ito sa takdang oras, kahit nasa biyahe siya.

Maraming mabubuti at kapaki-pakinabang na pag-unlad sa teknolohiya na hindi natin madalas gamiting mabuti dahil natatakot tayong magkamali sa paggamit at baka tayo mapahamak. Pero kung gagamitin natin ang gayong teknolohiya nang matalino at sa mapakumbabang paraan, malaki ang maitutulong nito.

Lubos ang pasasalamat ng aming pamilya sa Internet dahil naging magandang kasangkapan ito sa pag-aalis ng mga hadlang na naghihiwalay sa aming pamilya.

Tanong ng isa kong kapatid, “Bakit hindi na lang tayo mag-family home evening na kasama si Dad sa pamamagitan ng Internet?”

Paglalarawan ni David Stoker