Mga Ideya para sa Family Home Evening
Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na maaaring gamitin para sa family home evening. Narito ang ilang halimbawa.
“Nakatayo sa Bato,” p. 12: Matapos ibahagi ang artikulo, pag-isipang talakayin ang ibig sabihin ng “ang Simbahang ito ay nakatayo sa bato ni Cristo, sa alituntunin ng agaran at patuloy na paghahayag.” Maghanap ng mga halimbawa mula sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa patuloy na paghahayag.
“Ang Katunayan ng mga Bagay-bagay,” p. 22: Pag-isipang basahin nang maaga ang artikulo at mapanalanging piliin ang mga bahaging angkop sa mga pangangailangan ng inyong pamilya. Magagamit ninyo ang artikulong ito para sa dalawang family home evening lesson.
“Ang Misyon Ninyo sa Buhay ay Ngayon,” p. 42: Ipabigay sa isang kapamilya ang kahulugan ng sangandaan. Pag-isipang basahin ang bahagi sa artikulong “Isang Misyon sa Bawat Araw.” Pagkatapos ay pagbahaginin sila ng karanasan kung saan nakita nila o ng iba na kailangan nilang tumulong at nakatulong sila.
“Mandaraya Ba Ako o Hindi,” p.50: Matapos ibahagi ang kuwentong ito sa inyong pamilya, bigyang-diin ang pahayag na, “Hindi mahirap piliing huwag mandaya dahil napili ko na iyon.” Pag-isipang talakayin ang tanong na, “Paano padadaliin ng pagdedesisyon nang maaga ang paggawa ng tama?
Paggawa ng Barko
Labis ang paghanga ko nang pag-aralan ko ang mga karanasan ng propetang si Nephi, at lalo na ang kanyang tiyaga at disiplina sa paggawa ng barko. Natutuhan kong pahalagahan na may matalinong layunin ang Panginoon kaya siya inutusang gawin iyon.
Nang bumisita si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) sa Guatemala noong 1997, ang payo niya na lubos na umantig sa aking puso ay ang simpleng paghikayat na magdaos ng family home evening. Naantig sa sinabi ng ating propeta, kaming mag-asawa at ang apat naming anak ay nagpulong at nagtakda ng mithiin na “gagawa kami ng barko na tatawaging family home evening.” Alam naming mangangailangan ito ng pagsisikap at natanto rin namin na may matalinong layunin ang Panginoon kaya ito ipinagagawa sa atin.
Pagkaraan ng maraming taon at daan-daang home evening, sabay na lumago ang aming barkong family home evening at ang aming pamilya. At tunay naming naranasan ang ipinangako ni Pangulong Hinckley. Mula sa mga mumunting pagtitipong ito—na regular at matiyagang idinaos—may magandang nangyari. Tumindi ang pagmamahal namin sa mga magulang. Tumibay ang pagmamahalan ng magkakapatid. At nag-ibayo ang pagmamahal namin sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Taos-puso naming napahalagahan ang mga simple at mabuting bagay. (Tingnan sa Gordon B. Hinckley, “Some Lessons I Learned as a Boy,” Ensign, Mayo 1993, 54.)
Rony Saúl García Méndez, Guatemala