Mga Balita tungkol sa Templo
Ibinalita ang Bagong Templo sa Utah
Ibinalita ni Pangulong Thomas S. Monson noong Enero ang bagong templong itatayo sa Payson, Utah, USA. Ang templo ay tutugon sa dumaraming miyembro sa lugar at babawasan nito ang gumagamit sa Provo Utah Temple, isa sa pinakaabalang templo ng Simbahan. Ang Payson Temple ang magiging ika-15 sa Utah. Aabot na sa 152 ang kabuuang bilang ng mga templong ginagamit na o nakaplanong itayo dahil dito.
Inilaan ang Templo sa Arizona
Naganap ang open house para sa The Gila Valley Arizona Temple mula Abril 23, 2010, hanggang Mayo 15, 2010. Idinaos ang kultural na pagdiriwang noong Mayo 22, 2010. Sumunod ang paglalaan ng templo noong Mayo 23, 2010, na may tatlong sesyon sa paglalaan. Ang templo ay unang ibinalita noong Abril 2008. Ito ang pangatlong templo sa estado ng Arizona sa Estados Unidos.
Ilalaan ang Cebu Temple
Ang Cebu City Philippines Temple ay bubuksan sa publiko mula Mayo 21, 2010, hanggang Hunyo 5, 2010. Isang kultural na pagdiriwang ang isusunod sa Hunyo 12. Ang paglalaan ay gaganapin sa Hunyo 13, na may tatlong sesyon ng brodkast sa buong Pilipinas. Ang templo ay magbubukas kinabukasan. Ang templong ito, na ibinalita noong Abril 18, 2006, ang pangalawa sa Pilipinas at ika-133 templong gumagana sa mundo.