Ebanghelyo sa Aking Buhay
Iangkop sa Panahon ang Inyong Espirituwal na Kalagayan
Tumugon ang mga young adult sa buong Simbahan sa mensahe ni Elder David A. Bednar sa fireside na “Ang Katunayan ng mga Bagay-bagay,” noong Mayo 2009 (tingnan sa pahina 22 sa isyung ito), sa pamamagitan ng pagsuri sa paggamit nila ng mga computer, cell phone, at iba pang teknolohiya. Dito, nagsalita ang ilan sa kanila tungkol sa mga pagbabagong ginawa nila bilang tugon sa mensahe at ang mga pagpapalang natanggap nila dahil dito.
Kailangang Magtuon ng Pansin
Ang ilang teknolohiya, gaya ng mga portable music player, ay maaaring humadlang sa pagtutuon ninyo ng pansin sa nangyayari sa inyong paligid. Naipaunawa sa akin ng mensahe ni Elder Bednar na habang naghahanda ako para magmisyon, kailangan kong higit na masanay sa pakikisalamuha sa ibang tao. Alam ko na kailangan kong bawasan ang pag-asa ko sa teknolohiya, kahit masayang gawin ito. Bilang misyonero kailangan kong pagtuunan ng pansin ang ibang tao at ang gawain ko para sa Panginoon.
Andrew Hovey, Massachusetts, USA
Tumibay ang mga Relasyon
Ang mensahe ni Elder Bednar ay isa sa binabalewala o hindi pinapansin kung minsan dahil tila maliliit na bagay lang naman ang mga negatibong epekto ng maling paggamit ng teknolohiya. Alam ko na ngayon na dapat kong iwasan ang anumang gagambala sa pagiging marapat ko sa Espiritu. Halimbawa, ang ilan sa mga nagagawa ng cell phone ko, tulad ng mobile banking services, ay napakadaling gawin. Gayunman, ang iba pang nagagawa nito ay karaniwang nakakaubos ng oras at umaagaw ng aking pansin at pagtutuon sa mga bagay na mas mahalaga.
Mas sinisikap ko ngayon na personal na bisitahin ang mga kaibigan at pamilya ko sa halip na gumamit ng ibang elektronikong komunikasyon. Dahil dito, tumibay ang ugnayan ko sa kanila. Mas pinahahalagahan ko na ngayon ang mga bagay na talagang mahalaga sa buhay ko.
Jayoung Lee, Seoul, Korea
Isang Pangako sa Aking Sarili
Sinuri ko ang paggamit ko ng teknolohiya at natanto ko na parang masyadong naging bahagi ng pang-araw-araw na buhay ko ang ilang teknolohiya. Nangako ako sa sarili ko na pahahalagahan ko ang oras ko at gagamitin ito nang matalino. Sa halip na umupo sa harapan ng computer at maging abala sa pakikipag-chat sa Internet, mas gusto ko pang gugulin ang oras ko sa pagbabasa ng magandang aklat o pag-aaral ng isang bagong kasanayan na magbibigay ng dagdag na karanasan at kaalaman. Sinisikap kong mag-ukol ng mas maraming oras sa mga tao para kaibiganin sila at makapalitan ng masasayang kuwento.
Ruth Barilea, Manila, Philippines
Mga Bitag ng Teknolohiya
Mayroon akong cell phone business at electronic engineer ako, kaya ang teknolohiya ay matagal nang bahagi ng buhay ko araw-araw. Ang Internet, mga video game, electronic media at device—lahat ng ito ay dapat maglaan ng libangang makabubuti sa kalusugan. Gayunman, karamihan sa mga ito ay madaling gamitin sa mga maling paraan.
Hindi ko mawari ang pakiramdam ng Ama sa Langit kapag nahuhulog tayo sa mga bitag ng teknolohiya at nasasayang ang ating oras sa mga bagay na wala namang maiturong magaling. Dahil sa inspiradong mga salita ni Elder Bednar, nagkaroon ako ng mithiing laging gamitin ang teknolohiya nang angkop at gugulin ang aking oras nang matalino.
Christian Alejandro Zerlin, Managua, Nicaragua