2010
Mga Kanaryong May Kulay-Abo sa mga Pakpak
Hunyo 2010


Mensahe ng Unang Panguluhan

Mga Kanaryong May Kulay-Abo sa mga Pakpak

President Thomas S. Monson

Halos 60 taon na ang nakararaan, noong bagong bishop pa lang ako, namatay si Kathleen McKee, isang balo sa aking ward. Kabilang sa kanyang mga pag-aari ang tatlong alagang kanaryo. Dalawa roon, na perpektong dilaw ang kulay, ang ibibigay sa kanyang mga kaibigan. Ang pangatlo, si Billie, ay kulay dilaw na may halong kulay-abo sa mga pakpak nito. Isinulat sa akin ni Sister McKee: “Aampunin ba ninyo siya ng pamilya mo? Hindi siya ang pinakamaganda, pero napakaganda niyang humuni.”

Si Sister McKee ay kagaya ng kanyang dilaw na kanaryong may kulay-abo sa mga pakpak. Hindi siya biniyayaan ng kagandahan, pinagkalooban ng tikas, o ikinarangal ng mga inapo. Subalit ang kanyang pag-awit ay tumulong sa iba na mas maging handang dalhin ang kanilang mga pasanin at mas kayaning balikatin ang kanilang mga gawain.

Ang mundo ay puno ng mga dilaw na kanaryong may kulay-abo sa mga pakpak. Ang nakakahinayang ay kakaunti ang natutong humuni o kumanta. Ang ilan ay mga kabataang hindi alam kung sino sila, ano ang mararating o nanaisin man lang nilang marating; ang tanging gusto nila ay maging bantog. Ang iba ay kuba na sa katandaan, nabibigatan sa pasanin, o puno ng pagdududa—nabubuhay nang mas mababa kaysa kaya nilang abutin.

Para mamuhay nang masaya, kailangang magkaroon tayo ng kakayahang harapin ang problema nang may tapang, ang kabiguan nang buong kasiyahan, at ang tagumpay nang may pagpapakumbaba. Itatanong ninyo, “Paano kaya namin makakamit ang mga mithiing ito?” Ang sagot ko, “Sa pagkakaroon ng tamang pananaw kung sino tayo talaga!” Tayo ay mga anak ng isang buhay na Diyos, at nilikha tayong kawangis Niya. Isipin iyan: nilikhang kawangis ng Diyos. Hindi natin ito lubusang mapapaniwalaan nang hindi nakadarama ng panibagong lakas at kapangyarihan.

Sa ating mundo, kadalasan ay tila mas mahalaga pa ang kagandahan o panghalina kaysa kalinisan ng pagkatao. Ngunit noong araw ipinayo ng Panginoon kay Samuel na propeta: “Hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao: sapagka’t ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni’t ang Panginoon ay tumitingin sa puso” (I Samuel 16:7).

Nang maghanap ang Tagapagligtas ng taong may pananampalataya, hindi Niya ito pinili sa grupo ng mga taong mapagmagaling na laging matatagpuan sa sinagoga. Bagkus, tinawag Niya ito mula sa mga mangingisda ng Capernaum. Si Simon na nagdududa, hindi nakapag-aral, at padalus-dalos ay naging si Pedro, na Apostol ng pananampalataya. Isang dilaw na kanaryong may kulay-abo sa mga pakpak na naging karapat-dapat sa buong pagtitiwala at walang-maliw na pag-ibig ng Panginoon.

Nang pumili ang Tagapagligtas ng misyonerong may sigasig at lakas, natagpuan Niya ito hindi mula sa Kanyang mga kapanalig kundi mula sa Kanyang mga kaaway. Si Saulo na mang-uusig ay naging si Pablo na misyonero.

Pinili ng Manunubos ang mga taong hindi perpekto upang ituro ang daan tungo sa pagiging perpekto. Ganyan ang ginawa Niya noon. Ginagawa Niya ito ngayon—maging sa mga kanaryong may kulay-abo sa mga pakpak. Tinatawag Niya kayo at ako upang paglingkuran Siya rito sa lupa. Dapat maging lubusan ang ating katapatan. At sa ating pagsisikap, kung tayo ay madapa, magsumamo tayo: “Akayin, o akayin kami, dakilang Lumikha ng tao, mula sa kadiliman upang muling magpunyagi.”1

Dalangin ko na sundin natin ang halimbawa ng Lalaking Taga-Galilea, na madalas makitang kahalubilo ng mga maralita, api, nagdurusa, at nagdadalamhati. Nawa’y magmula sa ating puso ang isang tunay na awitin sa paggawa nito.

Tala

  1. “Fight Song,” Yonkers High School.

Paglalarawan ni Steve Kropp

Paglalarawan ni Christina Smith; paglalarawan ni Maryn Roos