2010
Tinawag at Itinalagang Maglingkod
Hunyo 2010


Paglilingkod sa Simbahan

Tinawag at Itinalagang Maglingkod

Hindi lubos ang mga pormal na pagtawag sa Simbahan hangga’t hindi tayo naitatalaga ng wastong awtoridad ng priesthood.

Elder Kenneth Johnson

Sa isang pangitaing ibinigay kina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon sa Hiram, Ohio, noong Pebrero 16, 1832, makikita natin ang mga salitang ito na umaaliw at nagpapalakas ng loob:

“Ako, ang Panginoon, ay maawain at mapagmahal sa mga yaong may takot1 sa akin, at nagagalak na parangalan yaong mga naglilingkod sa akin sa kabutihan at sa katotohanan hanggang sa katapusan.

“Dakila ang kanilang gantimpala at walang hanggan ang kanilang kaluwalhatian” (D at T 76:5–6).

Sa mga taon ng pagiging miyembro ko ng Simbahan, lalo kong napahalagahan ang kahalagahan ng matawag ng Diyos at ng mga ipinangakong biyayang kaakibat ng pagtugon sa paanyaya ng Panginoon na paglingkuran Siya.

Kapag nagdarasal ang mga lider upang malaman ang kalooban ng Panginoon bago ipaabot ang tawag upang maglingkod, tumatanggap sila ng katiyakang nagpapatibay sa tamang gagawin nila. Kapwa mahalaga at nakasisiyang magkaroon ng personal na patotoo sa pamamagitan ng panalangin na tayo ay tinawag ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, inaanyayahan tayo ng Panginoon na makilahok sa Kanyang gawain upang higit natin Siyang makilala at mahalin (tingnan sa Mosias 5:13).

Kapag tumanggap tayo ng tawag na maglingkod, maaari nating madama na hindi tayo karapat-dapat katulad ng nadama ni Enoc nang utusan siya ng Panginoon na pamunuan at turuan ang mga tao (tingnan sa Moises 6:31). Ang mga salitang “Ang aking Espiritu ay nasa iyo, dahil dito ang lahat ng iyong salita ay pangangatwiranan ko” (Moises 6:34) ay tunay na nagdulot ng katiyakan kay Enoc nang maunawaan niya kung paano siya bibigyan ng kapangyarihan ng Panginoon na gampanan ang kanyang sagradong tungkulin. Nakatala pa sa mga banal na kasulatan kung gaano kadakilang pinuno si Enoc nang “siya ay lumakad na kasama ang Diyos” (Moises 6:39). Ang karanasan ni Enoc ay naglalaman ng mahahalagang aral para sa bawat isa sa atin sa paglilingkod natin sa Simbahan ng Panginoon.

Ang alituntunin ng pagtatalaga sa mga tinawag na maglingkod ay ipinahayag sa payo ng Panginoon kay Moises nang pagbilinan Niya si Moises na “ipatong mo ang iyong kamay [kay Josue]. … At lalagyan mo siya ng iyong karangalan” (Mga Bilang 27:18, 20).

Sa huwarang ito na itinatag ng langit, mapaglalabanan natin ang ating mga kahinaan, limitasyon, at maging ang oposisyon. Isipin ang karanasan nina Nephi at Lehi, na mga anak ni Helaman: “Ang Banal na Espiritu ng Diyos ay nanaog mula sa langit, at pumasok sa kanilang mga puso, at sila ay napuspos na sa wari’y apoy, at sila ay nakapangusap ng mga kagila-gilalas na salita” (Helaman 5:45; tingnan din sa mga talata 17–19).

Pagtuturo sa Pamamagitan ng Espiritu

Sa isang paghahayag kay Joseph Smith, itinanong ng Panginoon ang sumusunod: “Samakatwid, ako, ang Panginoon ay nagtatanong sa inyo—saan ba kayo inordenan?”2 (D at T 50:13). Sumagot ang Panginoon, “Ang mangaral ng aking ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu, maging ang Mang-aaliw na isinugo upang magturo ng katotohanan” (D at T 50:14).

Malinaw na may mga limitasyon tungkol sa nararapat na paraan ng pagtuturo natin ng mga sagradong katotohanan:

“Tandaan na yaong nagmumula sa kaitaasan ay banal, at kailangang sambitin nang may pag-iingat, at sa panghihimok ng Espiritu” (D at T 63:64).

“Siya na inordenan ko at isinugo upang mangaral ng salita ng katotohanan sa pamamagitan ng Mang-aaliw, sa Espiritu ng katotohanan, ipinangangaral ba niya ito sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan o sa ibang pamamaraan?

“At kung ito ay sa ibang pamamaraan ito ay hindi sa Diyos” (D at T 50:17–18).

Kapag tayo ay tinawag sa isang katungkulan sa Simbahan bilang lider o guro, ang tungkulin natin ay ituro ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, hindi sa pamamagitan ng “mga pilosopiya ng tao na hinaluan ng ilang banal na kasulatan.”3 Gaya nina Enoc, Nephi, at Lehi, tayo man ay makatatanggap ng tulong mula sa kaitaasan sa pamamagitan ng mga panghihikayat ng Banal na Espiritu.

Maaari nating sabihin sa huli na sapat nang marinig o mabasa natin ang impormasyon tungkol sa isang doktrina o alituntunin. Ngunit ang gayong pamamaraan ay nagpapakita ng kabiguang matanto na ang mas malalim na pag-unawa sa mga alituntunin ay nagmumula sa personal na paghahayag (tingnan sa Job 32:8). Isipin ang inspiradong obserbasyong ito ni Hyrum Smith, na kapatid ng Propeta: “Ipangaral ang mga unang alituntunin ng Ebanghelyo—muling ipangaral ang mga ito: makikita ninyo sa paglipas ng mga araw na may mga bagong ideya at karagdagang liwanag na ihahayag sa inyo tungkol sa mga ito. Marami kayong matututuhan dito kaya’t malinaw ninyo itong mauunawaan.”4

Pagsunod sa Halimbawa ng Tagapagligtas

Ang pinadakilang halimbawa sa lahat ng bagay ay ang Panginoong Jesucristo, at ganito ang nasusulat tungkol sa Kanya:

“At nangyari, na nang matapos na ni Jesus ang mga salitang ito, ay nangatilihan ang mga karamihan sa kaniyang aral:

“Sapagka’t sila’y kaniyang tinuturuang tulad sa may kapamahalaan, at hindi gaya ng kanilang mga eskriba” (Mateo 7:28–29; tingnan din sa Joseph Smith Translation, Matthew 7:36–37).

Ipinakita ni Alma, ang dakilang propeta sa Aklat ni Mormon, ang pamamaraang ito: “At ngayon, sapagkat ang pangangaral ng salita ay may lakas na umakay sa mga tao na gawin yaong matwid—oo, may higit itong malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay, na nangyari na sa kanila—anupa’t naisip ni Alma na kapaki-pakinabang na subukan nila ang bisa ng salita ng Diyos” (Alma 31:5).

Kapag ipinagkatiwala sa atin ang sagradong responsibilidad na magturo ng ebanghelyo, sundin natin ang halimbawa ng Tagapagligtas at ipahayag na kasabay Niya, “Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin” (Juan 7:16)

Mga Tala

  1. Sa banal na kasulatan, ang “takot” natin sa Diyos ay kaugnay ng konseptong “pagpipitagan.” Si Pangulong David O. McKay (1873–1970) ay nagbahagi ng ideya ukol sa banal na katangiang ito, at nagsabing, “Ang pagpipitagan ay labis na paggalang na may kahalong pagmamahal” (sa Conference Report, Abr. 1967, 86).

  2. Sa banal na kasulatan, ang “ordenan” at “italaga” ay ginagamit nang palitan (tingnan sa D at T 20:67; 25:7; tingnan din sa Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 3:106).

  3. Jeffrey R. Holland, “A Teacher Come from God,” Ensign, Mayo 1998, 26; tingnan din sa Mosias 18:19–22.

  4. Hyrum Smith, sa History of the Church, 6:323.

Paglalarawan ni Matthew Reier