Pag-aaral Tungkol sa Ebanghelyo
Neeteti T. Raabaua, Kiribati
Noong bata pa ako pinalaki ako ng butihin at mababait na mga magulang sa isang abang tahanan kasama ang apat kong kapatid. Minahal kami ng aming mga magulang, at minahal din namin sila. Gusto nila ang pinakamainam para sa aming lahat, kahit hindi nila makayang ibigay ang lahat ng gusto namin. Nagsikap sila nang husto para maging maligaya kami.
Nang lumaki na ako, umalis ako para mag-aral sa isang eskuwelahang pag-aari ng Simbahan sa aking bansang Kiribati. Pinayuhan ako ng tatay ko na mag-aral na mabuti para makakuha ako ng magandang trabaho at makatulong sa pagsuporta sa aking pamilya. Matapos sumandaling mag-aral sa eskuwelahan ng Simbahan, nabinyagan ako.
Ang isa sa mga unang bagay na ginawa ko bilang miyembro ng Simbahan ay basahin ang Aklat ni Mormon. Ang pagbabasa nito ay nakatulong para lumakas ang patotoo ko tungkol kay Propetang Joseph Smith. Nalaman ko na kung ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, ibig sabihin tunay na propeta ng Diyos si Joseph Smith at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang totoong Simbahan sa ibabaw ng lupa. Ibinahagi ko ang aking mga paniniwala sa aking pamilya, at makaraan ang ilang taon ay nabinyagan ang aking ina, kapatid na lalaki, at kapatid na babae.
Binago ng ebanghelyo ni Jesucristo ang aking buhay at binigyan ako nito ng hangaring maglingkod sa Diyos at tulungan ang ibang hindi natin kamiyembro. Nagpapasalamat ako na nagkaroon ako ng pagkakataong magmisyon at magdala ng mga kaluluwa sa Diyos.