Sa mga Balita
Sinuportahan ng mga Misyonero ang Family History
Mula nang ipalabas ng Simbahan ang bagong FamilySearch program noong nakaraang taon, nasubukan na ng maraming miyembro ang bagong sistema sa kauna-unahang pagkakataon.
Para matulungan ang mga yaong bago sa programa o may katanungan tungkol sa buong gawain ng family history, naglaan ang Simbahan ng maraming sanggunian, kabilang na ang Worldwide FamilySearch Support.
Ang FamilySearch Support program ay nagsimula noong 2005 sa ilang boluntaryong nag-aalok ng tulong sa gawain ng family history. Kabilang na ngayon sa programa ang halos 1,200 volunteer support missionary na itinalaga sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ang mga support missionary ay nasa 34 na mga bansa, na nag-aalok ng tulong sa iba’t ibang tanong tungkol sa family history sa napakaraming wika at time zone.
Si Sister Cecilia Dimalaluan ay naglilingkod na bilang support missionary sa Pilipinas noon pang Agosto 2008 at gusto raw niya ang pagkakataong maibahagi sa iba ang kaalaman niya sa family history. Isa sa mga unang Pilipinong sinanay bilang support missionary sa Pilipinas, marunong siyang magsalita ng wikang Cebuano, Ingles, at Tagalog. Tinutulungan niya ang mga miyembro at di-miyembro mula sa mga lugar sa paligid, kabilang na ang India, Malaysia, Micronesia, Mongolia, at Singapore, na matutuhan ang mga pangunahing alituntunin ng family history.
Ang mga support missionary ay karaniwang tinatawag na maglingkod nang 30 buwan. Lahat ng support missionary ay naglilingkod mula sa kanilang tahanan o family history center sa kanilang lugar, kung saan sila tumatanggap ng program training at suporta sa araw-araw. Tumutugon sila sa mga tanong sa telepono o e-mail, at dahil laganap sila sa iba’t ibang panig ng mundo, may isang gising nang 24 na oras, araw-araw, maliban tuwing Linggo ng umaga.
“Gusto kong mapaglingkuran ang mga taong nagsasalita ng Ingles mula sa lahat ng dako ng mundo, at tulungan silang gawin ang kanilang family history,” sabi ni Sister Connie Cheney ng Pleasant Grove, Utah, USA, na kasalukuyang naglilingkod sa pangalawa niyang misyon sa Worldwide Support.
Ang pinakamadaling paraan para makontak ang mga support missionary ay sa pamamagitan ng Internet, sa pagbisita sa contact.familysearch.org o pag-e-mail sa support@familysearch.org.
Ang FamilySearch Web site ay naglalaan ng mga numero ng telepono para sa libreng tawag sa mga support missionary sa iba’t ibang rehiyon ng mundo.
Sa mga lugar na walang Internet, mas magandang makipag-ugnayan sa mga family history missionary sa lugar, kausapin ang ward o branch family history consultant, o bisitahin ang isang lokal na family history center.
Artikulo ni Lauren Allen, Mga Magasin ng Simbahan
Makukuha Online ang mga Banal na Kasulatan sa Wikang Chinese at Korean
Ang Simbahan ay naglabas ng dalawang bagong online version ng mga banal na kasulatan ng LDS: ang Korean version noong Oktubre 2009 at ang Chinese (tradisyunal na mga letra) version noong Disyembre. Ang Korean version ay matatagpuan sa scriptures.lds.org/ko, at ang Chinese version sa scriptures.lds.org/ch.
Ang mga site para sa mga banal na kasulatan ng Korean at Chinese ay naglalaman ng teksto ng triple combination (ang Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas) at Ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, na kinabibilangan ng ilang tulong sa pag-aaral at alpabetikong listahan ng mga paksa ng ebanghelyo. Ang Japanese, Cebuano, at Tagalog version ng mga banal na kasulatan ay nakaiskedyul na ilathala online sa 2010.