Ang Misyon Ninyo sa Buhay ay Ngayon
May tatlong alituntuning makakatulong sa atin sa pagharap sa kinabukasan nang may higit na tiwala, sigla, at pananampalataya.
Noong dalaga pa ako, maraming oras ang ginugol ko sa pag-iisip sa magiging kinabukasan ko. Misyon, pag-aasawa, pag-aaral, trabaho—lahat ng ito ay mga tanong para sa lahat, at nahirapan akong sagutin ang mga ito. Handa akong tuparin ang anumang misyon ng Panginoon para sa akin, kung malalaman ko lang kung ano iyon.
Ang aking patriarchal blessing ang nagturo sa akin tungkol sa layunin ng aking buhay. Ngunit sa ilang paraan parang sinisikap kong hanapin ang daan papunta sa tindahan ng grocery gamit ang mapa ng solar system. Paano kung magkamali ako ng liko sa kung saan? Makikita at matutupad ko pa kaya ang misyong ipinlano ng Panginoon para sa akin?
Mula noon, natuklasan ko ang tatlong alituntuning nakatulong sa akin sa pagharap sa kawalang-katiyakan nang may higit na tiwala, sigla, at pananampalataya.
1. Sa Maikling Panahon
Ang unang alituntunin ay may kinalaman sa kahalagahan ng kasalukuyan.
Simula noong 1831, marami sa mga Banal noon ang namalagi nang mga pitong taon sa Kirtland, Ohio. Iniwan nila ang kanilang mga tahanan, negosyo, at sakahan sa New York at Pennsylvania upang makipagsapalaran sa isang di-pamilyar na lugar. At sinabihan sila ng Panginoon na pansamantala lamang ang lugar na ito:
“At inilalaan ko sa kanila ang lupaing ito sa maikling panahon, hanggang sa ako, ang Panginoon, ay maglaan para sa kanila ng iba, at utusan silang umalis mula rito;
“At ang oras at ang araw ay hindi ibinigay sa kanila, kaya nga kikilos sila sa lupaing ito sa loob ng ilang taon, at ito ay makabubuti para sa kanila” (D at T 51:16–17).
Gustung-gusto kong ilarawan sa aking isipan ang mga sinaunang Banal na iyon na nakinig sa tagubilin ng Panginoon at agad na sumunod. Binungkal nila ang mga bukid nang hindi alam kung aani sila, nagtanim ng mga puno na maaaring hindi nila makain ang bunga, at nagtayo ng isang magandang templong sa bandang huli ay kakailanganin nilang iwanan. Nakalarawan sa aking isipan na abala sila sa buhay, umuunlad, hindi nakatitig sa kawalan nang walang katapusan, iniisip kung saan sila pupunta sa susunod at kailan. Kumilos sila “sa loob ng ilang taon,” tiwala na hindi mawawalan ng katuturan ang kanilang ginagawa.
Nang lisanin nila ang Ohio noong 1838, tumulong ang mga Banal sa paglalatag ng matatag na pundasyon para sa pag-unlad ng Simbahan sa hinaharap. Isipin kung ano ang nangyari sa mahalaga at makabuluhang panahong iyon:
-
Inorganisa ni Propetang Joseph Smith ang Paaralan ng mga Propeta, tinapos ang kanyang inspiradong pagsasalin ng Biblia, at tinanggap ang maraming mahalagang paghahayag.
-
Inorganisa ang Unang Panguluhan, ang Korum ng Labindalawang Apostol, at ang Pitumpu.
-
Itinayo at inilaan ang Kirtland Temple. Doon nakita nina Joseph Smith at Oliver Cowdery si Jesucristo at tinanggap ang mga susi ng priesthood mula kina Moises, Elias, at Elijah.
-
Ipinadala ang mga unang misyonero sa England.
Ang panahon ng kadalagahan ko ay napakahalagang “maikling panahon” na bigay sa akin ng Panginoon. Sa panahon ng pagiging young adult natin, ang kalakasan ng ating katawan at isipan ay nasa kasukdulan. Makikinabang tayo nang husto sa mga ito sa pamamagitan ng pagpapasiyang magtiwala sa Panginoon at kumilos “sa loob ng ilang taon.” Sa gayon ang mga taon na ito ay magiging panahon ng pambihirang kasaganaan, pag-unlad, pagkatuto, at paglilingkod.
2. Isang Misyon sa Bawat Araw
Ang ikalawang kapaki-pakinabang na alituntunin ay nagmula sa simpleng pagkaunawa. Ang misyon ko sa buhay ay hindi naghintay sa akin sa malabo at malayong hinaharap. Araw-araw at patuloy iyon.
Ipinaliwanag ni Pangulong Brigham Young (1801–77): “Walang sinumang lalaki o babae sa Simbahang ito ang hindi nasa isang misyon. Ang misyong yaon ay magtatagal habang sila ay nabubuhay.”1 Sa madaling salita, nagsimula na ang misyon ko sa buhay. Ni hindi ko kinailangang maghanap para makita ito.
Nakita ko ang isang paraan para makilala ito sa pamamagitan ng pag-unawa sa tatlong elementong bahagi na ng buhay ko:
-
Isang kakaibang grupo ng mga personal na kaloob.
-
Isang kakaibang grupo ng mga personal na hamon.
-
Mga partikular na pangangailangan sa mundo na nais ng Panginoon na tugunan ko.
Sa madaling salita, ginagampanan natin ang ating misyon sa tuwing magtatagpo ang tatlong elementong ito at nagpapasiya tayong kumilos. Isipin kung paano ito naging epektibo sa buhay ni Jose sa Lumang Tipan (tingnan sa Genesis 37–47).
Maraming kaloob si Jose. Lumaki siya sa isang pamilyang may kaalaman tungkol sa Diyos, at tagapagmana siya ng tipang Abraham. Siya ay may espirituwal na kaloob na bigyang-kahulugan ang mga panaginip.
Marami rin siyang naging hamon. Sa tingin ko kasama sa ilang hamon ni Jose ang isang amang nagpakita ng paboritismo, selosong mga kapatid, at sarili niyang kakulangan sa diplomasya sa pakikitungo sa kanila. Sa kanyang kabataan ipinagbili siya para alipinin sa ibang lupain, pinaratangan ng kahalayan, at ibinilanggo.
Ngunit handa ring kumilos si Jose, gamit kapwa ang kanyang mga kaloob at kanyang mga hamon na tumugon sa mga partikular na pangangailangan sa mundong kanyang ginagalawan. Sa ilang pagkakataon, kabilang na ang sa bilangguan, ipinasiya niyang gamitin ang kanyang espirituwal na kaloob upang bigyang-kahulugan ang mga panaginip ng mga tao. Ang pasiyang ito, sa kabilang dako, ay nagbigay sa kanya ng pagkakataong magtrabaho para sa Faraon, at mag-imbak ng pagkain para sa mga taga-Egipto. Dahil tapat siya at masigasig sa katungkulang ito, nagampanan ni Jose ang misyong magligtas ng buhay, at sinagip ang marami, pati na ang sarili niyang pamilya, mula sa pagkagutom.
Ang mga kaloob at hamon kay Jose ay nagsama upang mapunta siya sa isang kakaibang katayuan at makatugon kapag sumapit ang taggutom sa lupain. Dahil si Jose ay si Jose at nasa kinalalagyan niya noong panahong iyon at dahil pinili niyang kumilos nang tapat at masunurin, nagampanan niya ang isang kakaibang misyon sa paglilingkod sa Panginoon, sa mga tao ng Egipto, at sa sarili niyang pamilya.
Ngunit ang tatlong elementong ito ay nagtatagpo hindi lamang sa buhay ng mga taong nababasa natin sa mga pahina ng banal na kasulatan. Araw-araw na nagtatagpo ang mga ito sa buhay ng bawat isa sa atin.
May isang dalagang magaling sumulat at may kaunting personal na karanasan sa kapighatian. Noong nahihirapan sa paaralan ang kapatid niyang babaeng tinedyer, nakita niya na nawawalan na ito ng pag-asa. Sa pagsunod sa mga panghihikayat ng Espiritu, sinulatan niya ng sunud-sunod na magaganda at maiikling liham ang kanyang kapatid, ipinadama ang kanyang pagmamahal at tiwala rito, isa sa bawat araw sa loob ng dalawang-linggo. Sa munting desisyong iyon na tugunan ang pangangailangan ng kanyang kapatid, ginampanan ng dalagitang ito ang kanyang misyon.
Kapag ang desisyong ito na pakinggan ang Espiritu at kumilos ay nagpatuloy araw-araw, linggu-linggo, at taun-taon, lumilikha ito ng mas malaking halimbawa na kalaunan ay malalaman natin na ito ang misyong nais ng Panginoon na gampanan natin.
3. Magsitigil at Kilalanin
Dahil lampas na ako sa 20 anyos, naunawaan ko na rin na ang mga pangyayari sa buhay ko ay natupad sa mismong paraang inilarawan sa patriarchal blessing ko maraming taon na ang nakalilipas. Tiyak na hindi iyan dahil sa alam na alam ko ang ginagawa ko at kung ano ang magiging kinabukasan ko. Tinitiyak kong hindi.
Ang buhay ko ay may ilang di-inaasahang kahirapan at kasawian kaya naiisip ko na baka hindi ako sumusulong ayon sa nararapat. Ngunit kalaunan ay hindi naman pala ako dapat mag-alala. Laging batid ng Panginoon kung nasaan ako at kung saan Niya ako gustong pumunta. Lagi kong sinisikap gawin ang lahat para masunod ang Kanyang mga utos, paglingkuran Siya, at pakinggan ang Espiritu. Kahit madalas ay hindi ko ito maunawaan noon, nauunawaan ko na ngayon na laging ginagabayan ng Kanyang kamay ang aking buhay.
Ang panahon ng aking kadalagahan ay puno ng mahahalagang desisyon at ilang likas na kawalang-katiyakan at problema. Ngunit dumarating ang higit na tiwala kapag natuto tayong umasa sa kakayahan ng Panginoon na isagawa ang Kanyang mga layunin para sa ating buhay—araw-araw. Sa gayon ay higit nating magagawang “magsitigil, at kilalanin [na Siya ang] Dios” (Awit 46:10). At sa paggawa nito, makadarama tayo ng kapayapaan.