Imbitasyon sa Kapahamakan
Cesar A. Minutti, Brazil
Noong kasisimula ko pa lang sa sapilitang serbisyo sa Brazilian army, napili akong korporal para mamuno sa isang dosenang kalalakihan. Sa kasamaang-palad, ang 12 kabataang sundalo ko na yata ang may pinakamababang pamantayan sa kampo. Natuklasan ko na nasangkot na sila noon sa droga, pagnanakaw, imoralidad o kahalayan, at iba pang mabibigat na kasalanan.
Sa halip na magpaimpluwensya sa mababa nilang mga pamantayan, sinamantala ko ang bawat pagkakataon upang maibahagi sa kanila ang ebanghelyo. Halimbawa, sa oras ng meryenda o kapag magkakasama kaming naglilinis ng mga riple, binabanggit ko sa kanila ang tungkol sa ebanghelyo. Akala ko pagtatawanan nila ako at ang mga pamantayan ko, pero nakinig sila at nirespeto nila ako. Gayunman, sa kabila ng mga pagsisikap kong ituro sa kanila ang mga doktrina ng ebanghelyo, hindi nila binago ang kanilang pag-uugali o asal.
Natapos ang panahon namin sa army, at sa huling araw namin bilang mga sundalo, inimbitahan ako ng kalalakihan na magdiwang na kasama nila sa isang maliit na rantso. “Korporal, kailangan mong sumama sa party natin,” sabi sa akin ng isa sa kanila. “Hindi mo kami iinsultuhin sa hindi mo pagsipot, hindi ba?”
Tatanggapin ko na sana ang imbitasyon para hindi sila mainsulto. Pero naisip ko na magiging salungat ang mga pamantayan ng party nila sa mga pamantayan ko bilang Banal sa mga Huling Araw. Naalala ko ang itinuro sa akin sa seminary tungkol sa hindi pagpunta sa mga lugar na hindi pupuntahan ng Espiritu Santo. Sa kabila ng pagdaramdam nila, sinabi ko sa grupo na hindi ako makakadalo. Nagpaalam ako at umuwi na.
Ilang buwan ang lumipas bago ko nakitang muli ang isa sa mga sundalo sa grupong iyon. Dahil sa sinabi niya sa akin ay nagpasalamat ako sa hindi ko pagdalo sa huling pagdiriwang nila, na puro inuman. Nang mangalasing, nagsimula silang magbatuhan ng alak. Pagkatapos, pabirong binato ng posporo ng isa sa kanila ang kanyang kaibigan, na lubhang ikinasunog nito at ikinamatay pagkaraan ng ilang araw. Dahil dito, lahat ng naroon sa party ay inakusahan kaugnay ng pagkamatay nito.
Kung dumalo ako sa party—kahit hindi ako uminom—makakasama ako sa mga inakusahan. Binagabag na sana ako ng pangyayaring iyon at magiging hadlang iyon sa kinabukasan ko. Nalungkot ako sa binatang iyon na namatay, ngunit nagpasalamat ako na sinunod ko ang mga panghihikayat ng Espiritu at ang payo ng mga lider ng Simbahan.