2010
Mga Positibong Gamit ng Internet
Hunyo 2010


Mga Positibong Gamit ng Internet

Ang Internet ay nagtutulot ng dagliang access sa maraming sanggunian na magpapalakas at magpapayaman sa ating buhay. Maraming Web site na nagpapasigla ng espiritu ang nagbibigay ng direksyon at inspirasyon. Ang sumusunod na mga ideya ay makakatulong sa inyo na manatiling nakaugnay sa katotohanan nang hindi lubusang lumalayo sa mabubuting bagay na iniaalok ng Internet.

Limitahan ang Inyong Oras

Si Rebecca Renfroe, mula sa Idaho, USA, ay mahilig sumulat ng blog at halos araw-araw ay nagbabasa ng mga blog ng iba. Ang kanyang isipan ay laging nakatuon sa “pagsulat”—sumusulat ng blog sa isipan tungkol sa ginawa niya kasama ang kanyang mga anak sa halip na gumawa na lang ng mga bagay-bagay kasama sila. Natanto niya na kailangang balanse ang mga bagay-bagay.

Sabi niya, “Tinulungan ako ng Espiritu na malaman na hindi problema ang magkaroon ng blog—ang paggugol ng napakaraming oras at lakas ko ang problema. Literal kong iniukol dito ang malaking bahagi ng aking buhay: ipinagpalit ko ang panahon na para sa aking asawa at mga anak, ipinagpalit ko ang oras na para sa seryoso at malalim na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at ipinagpalit ko pa ang oras ng pagtulog ko na nakaapekto sa kakayahan kong maglingkod sa iba, maging sensitibo sa Espiritu, at manatiling malusog ang pamumuhay.”

Natuto si Sister Renfroe na huwag hayaang makahadlang ang mabubuting bagay sa mas mabubuting bagay, tulad ng payo ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Hindi sapat na maganda ang isang bagay. … Siyempre pa magandang panoorin ang makabuluhang palabas o makakuha ng nakawiwiling impormasyon. Ngunit hindi lahat ng ganitong uri ng bagay ay nararapat pag-ukulan ng ating panahon para makamtan. May ilang bagay na mas maganda, at may iba pang pinakamaganda.”1

Piliin ang Nagbibigay-inspirasyong Media

Pinasasalamatan ni Amy Paulsen ng Washington, USA, ang mga Web site na nilikha ng iba pang mga ina na naglalaan ng mga ideya at aktibidad sa mga aralin sa pagtuturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa mga bata. Kapag kailangan niya ng visual aids, nakakakita siya ng sining na maipi-print mula sa Internet. Kapag kailangan niya ng mga ideya, nakakakita siya ng mga link sa mga artikulo sa magasin ng Simbahan, mga mensahe sa kumperensya, at mga manwal sa Internet.

“Nakatulong ang Internet sa aming mag-asawa sa paghahanda ng makabuluhang mga family home evening para sa aming mga anak,” sabi ni Sister Paulsen. “Nakakaaliw ring malaman na napakaraming iba pang ina riyan na ‘[tinu]turuan din … ang kanilang mga anak na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon’” (D at T 68:28).

Gamitin ang Internet para Ibahagi ang Ebanghelyo

Isang miyembro, si Lin Floyd ng Utah, USA, ang lumikha ng isang family history Web site na may mga retrato at kasaysayan ng mga ninuno. Ang kanyang Web site at ang iba pang katulad nito ay nakatulong sa mga tao na malaman pa ang tungkol sa Simbahan at sa doktrina nito. Ninais ng ilan na magpabinyag o bumalik sa pagiging aktibo sa Simbahan. Ang iba pa ay nakakita ng mga tulong sa paggawa ng family history, pagganap sa mga tungkulin, at pagpapatibay ng pagsasama ng mag-asawa.

Marami tayong positibong bagay na magagawa sa Internet. Kapag nagtakda kayo ng mga patakaran sa paggamit ng Internet—na tinitiyak na ang mga site na binibisita ninyo ay magpapalawak ng inyong isipan, magdaragdag sa inyong mga oportunidad, at bubusog sa inyong kaluluwa—ang Internet ay magandang sanggunian para mapagyaman ang inyong personal na buhay at mapatatag ang inyong pamilya.

Tala

  1. Dallin H. Oaks, “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Liahona, Nob. 2007, 104, 105.

Gamit ang mga Web site ng Simbahan, makapagbabahagi kayo ng ebanghelyo, makapaghahanda ng mga aralin, at makagagawa ng family history.

Paglalarawan ni John Luke