2010
Pagpapanibago ng mga Tipan sa Pamamagitan ng Sacrament
Hunyo 2010


Mensahe sa Visiting Teaching

Pagpapanibago ng mga Tipan sa Pamamagitan ng Sacrament

Ituro ang mga banal na kasulatan at siping-banggit na ito o isa pang alituntunin, kung kailangan, na magpapala sa mga miyembrong babae na inyong binibisita. Patotohanan ang doktrina. Ipabahagi sa mga binibisita ninyo ang kanilang nadama at natutuhan.

Pinasimulan ni Jesucristo ang Sacrament

“Dumampot si Jesus ng tinapay, at pinagpala, at pinagputolputol; at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, ‘Kunin ninyo, kanin ninyo’ (Mat. 26:26). ‘Ito’y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin’ (Lucas 22:19). Sa gayon ding paraan kinuha niya ang saro ng alak, hinaluan ito ng tubig tulad ng dati, binasbasan ito at pinasalamatan, at ipinasa sa mga nakatipon sa kanyang paligid, na sinasabi: ‘Ang sarong ito’y ang bagong tipan sa aking dugo,’ ‘na nabubuhos … sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.’ ‘Gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.’ …

“Simula noong karanasang iyon sa silid sa itaas bago tinahak ang Getsemani at Golgota, nakipagtipan na ang mga anak sa pangako na aalalahanin ang sakripisyo ni Cristo dito sa mas bago, mas mataas, mas banal at personal na paraan.”1

Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Pinaninibago Natin ang Ating mga Tipan sa Binyag sa Pamamagitan ng Sacrament

“Kapag bininyagan tayo, tinataglay natin sa ating sarili ang banal na pangalan ni Jesucristo. Ang pagtataglay ng Kanyang pangalan ay isa sa mga pinakamahalagang karanasan natin sa buhay. …

“Bawat linggo sa sacrament meeting nangangako tayo na aalalahanin ang nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas habang pinaninibago natin ang ating tipan sa binyag. Nangangako tayo na gagawin natin ang ginawa ng Tagapagligtas—ang maging masunurin sa Ama at laging sundin ang Kanyang mga utos. Ang biyayang natatanggap natin bilang kapalit ay ang mapasaatin tuwina ang Kanyang Espiritu.”2

Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol.

“Kasama ko ang isang walong-taong-gulang na batang babae sa araw ng kanyang binyag. Pagkatapos ng maghapon sinabi niya nang buong pagtitiwala, ‘Isang araw na akong nabinyagan at hindi pa ako nagkasala kahit minsan!’ Gayunpaman hindi nagtagal ang kanyang perpektong araw, at sigurado ako na ngayon ay natututo na siya, tulad nating lahat, na kahit anong sikap natin, hindi natin laging maiiwasan ang bawat masamang sitwasyon, ang bawat maling desisyon. …

“… Hindi natin makakayang tunay na makapagbago nang nag-iisa lamang. Hindi sapat ang ating kahandaan at mabuting intensiyon. Kapag nagkakasala tayo o hindi mabuti ang pinili natin, kailangan natin ang tulong ng ating Tagapagligtas para makabalik sa tamang landas. Nakikibahagi tayo ng sacrament linggu-linggo para ipakita ang ating pananampalataya sa Kanyang kapangyarihan na baguhin tayo. Ipinagtatapat natin ang ating mga kasalanan at nangangakong tatalikuran ang mga ito.”3

Julie B. Beck, Relief Society general president.

Mga Tala

  1. Jeffrey R. Holland, “This Do in Remembrance of Me,” Ensign, Nob. 1995, 67.

  2. Robert D. Hales, “Ang Tipan ng Pagbibinyag: Ang Maging Nasa Kaharian at para sa Kaharian,” Liahona, Ene. 2001, 8.

  3. Julie B. Beck, “Pag-alaala, Pagsisisi, at Pagbabago,” Liahona, Mayo 2007, 110–11.

Larawang kuha ni Jerry Garns