2010
Ano ang Tunay na Kagandahan?
Hunyo 2010


Mga Kabataan

Ano ang Tunay na Kagandahan?

Sabi ni Pangulong Monson sa mensaheng ito, “Sa ating mundo, kadalasan ay tila mas mahalaga pa ang kagandahan o panghalina kaysa kalinisan ng pagkatao.” Maaaring mahirapan ang mga dalagita na ipakita sa hitsura nila kung sino sila at ano ang maaari nilang kahinatnan. Pag-isipan ang mga ideyang ito tungkol sa tunay na kagandahan mula kay Elder Lynn G. Robbins ng Pitumpu:

  • Ang isang dalagita na ang mukha ay nagniningning kapwa sa kaligayahan at kabanalan ay kakikitaan ng kagandahan ng kalooban.

  • Ang matimyas na ngiti ay tunay na maganda kapag nagningning nang lubos sa likas na paraan. Ang tunay na kagandahang ito ay hindi naipipinta kundi isang kaloob ng Espiritu.

  • Ang kahinhinan ay panlabas na palatandaan at kailangan sa kagandahan ng kalooban.

  • Kung napapangitan kayo sa hitsura ninyo, makabubuting tingnan ninyo ang inyong sarili mula sa paningin ng mga nagmamahal sa inyo. Ang tagong kagandahang nakikita ng mga mahal sa buhay ay maaaring maging salamin para mapaganda pa ang sarili.

  • Ang klase ng lalaking nais pakasalan ng isang mabuting babae ay “hindi [rin] tumitingin” tulad ng pagtingin ng likas na tao (tingnan sa I Samuel 16:7). Maaakit siya sa tunay na kagandahang nagmumula sa dalisay at masayahing puso ng babae. Totoo rin iyan sa isang dalagang naghahanap ng mabuting binata.

  • Inaasahan ng ating Ama sa Langit na pipiliin ng lahat ng Kanyang anak ang tama, na siyang tanging daan tungo sa walang katapusang kaligayahan at kagandahan ng kalooban.

  • Sa Panginoon, walang kumpetisyon. Lahat ay may pantay na pribilehiyong maiukit sa kanilang mukha ang Kanyang larawan (tingnan sa Alma 5:19). Wala nang mas tunay na kagandahan.

Para mabasa ang buong mensahe, tingnan sa Lynn G. Robbins, “True Beauty,” New Era, Nob. 2008, 30. Matatagpuan ng mga binata ang gayon ding payo sa Errol S. Phippen, “Pangit na Itik o Maringal na Swan? Nasa Inyo na Iyan,” Liahona, Okt. 2009, 36.